Ronnie Liang, excited sa 12th showbiz anniversary concert


Sa October 2018 ang target date ng 12th showbiz anniversary concert ni Ronnie Liang at ang Kia Theatre ang napipisil niyang venue para rito.

Kasabay ng pagdiriwang ni Ronnie ng showbiz anniversary niya ay ang release ng 12, Ronnie Liang, ang bagong album niya sa Viva Records, na siya rin ang isa sa mga executive producers.


Ang pagsali sa Season 1 ng Pinoy Dream Academy ng ABS-CBN noong 2006 ang biggest break ni Ronnie, dahil ang programa ang naging instrumento para matupad ang kanyang pangarap na maging professional singer at mabigyan ng maginhawang pamumuhay ang kanyang pamilya.

Hinding-hindi makakalimutan ni Ronnie ang hindi napigilan na pagpatak ng kanyang luha nang sumali siya sa auditions ng Pinoy Dream Academy.

Ang “You Raise Me Up” ni Josh Groban ang inawit ni Ronnie noon, at naging emosyonal ang kanyang pagkanta nito dahil nag-flashback sa isip niya ang mga hirap na pinagdaanan niya sa kanyang 300th audition.

Yes, bilang na bilang ni Ronnie ang mga audition na pinuntahan at sinalihan niya noong struggling singer pa siya.

Ang pagpatak ng luha at ang sincere na pag-awit ni Ronnie ang binanggit ng mga ABS-CBN executives na dahilan kung bakit nakapasa siya sa audition.

Grateful at thankful si Ronnie dahil umabot sa labindalawang taon ang singing career niya at kuntento siya sa mga biyayang patuloy na natatanggap niya mula sa Itaas.

Kung may ikinalulungkot man si Ronnie, ito ay ang pagpanaw na kanyang ina noong nakaraang taon.

Tiniyak ni Ronnie na bibigyan nito ng tribute sa 12th anniversary concert niya ang kanyang sumakabilang-buhay na ina, na number one fan daw niya.

 


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN