Derek Ramsay, nakatanggap ng welcome greetings mula sa ex-GF na si Solenn Heussaff

IMAGE Noel Orsal

Tatlong taon ang bisa ng exclusive contract na pinirmahan ni Derek Ramsay sa GMA Network, Inc.

Nanggaling ang impormasyong ito mula sa business manager ng aktor na si Jojie Dingcong.

Ikinuwento ni Jojie na hindi naging mahirap ang negosasyon nila ni Derek sa Kapuso Network management dahil ang kanilang legal counsel na si Atty. Maria Falcon ang nakipag-usap bilang lawyer din si GMA CEO and Chairman Atty. Felipe L. Gozon.

Ang The Better Woman ang unang television series project ni Derek sa GMA-7, at si Andrea Torres ang leading lady niya.

Nang makipag-meeting kay Derek ang Kapuso emissaries sa isang five-star hotel sa Makati City, tinanggap agad ng aktor ang project na inihain sa kanya.

Bukod sa challenging role, gustung-gusto niya ang kuwento ng TV project na pagsasamahan nila ni Andrea.

Si Camille Hermoso ang production manager ng The Better Woman, at siya ang nagkumpirma sa Cabinet Files na magsisimula ang taping nina Derek at Andrea sa April 10, 2019.

Si Derek ang nag-iisang bidang lalaki sa prime-time drama series na tatampukan din nina Jaclyn Jose, Inah Feleo, at mula sa direksiyon ni Mark dela Cruz.

Isang mainit na pagtanggap sa pamamagitan ng videotaped greetings ang ibinigay kay Derek ng Kapuso stars gaya nina Ai-Ai delas Alas, Dingdong Dantes, Carla Abellana, Lovi Poe, Dennis Trillo, Tom Rodriguez, Kiray Celis, Rhian Ramos, at ng kanyang ex-girlfriend na si Solenn Heussaff.

"Derek, you're finally part of GMA-7, which is a very nice journey for you.

"Kakaiba talaga dito yung family bonding ng lahat from the staff, artists," bahagi ng mensahe ni Solenn para kay Derek.

Kasama ni Derek sa contract signing ang girlfriend nitong si Joanne Villablanca, ang nanay niyang si Mrs. Remedios Ramsay, at ang kanyang 18-year-old nephew na nangangarap mag-artista.

Pinasalamatan ni Derek ang kanyang ina dahil ito ang nagpayo sa kanyang tanggapin ang alok matapos ang meeting nila sa mga executive ng GMA-7.

"Usually, ako ang lumalapit to ask for advice.

"Eto, the advice came right away, 'You should do it anak,' sabi ng mommy ko.

"And I learned with the mistakes in the past, always listen to my mom."

 


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN