May mga miyembro ng third sex na na-offend sa Easter Sunday statement ni Coco Martin na hindi kabaklaan at kaduwagan ang hindi niya pagkibo at pagpatol sa mga bagay na hindi ikauunlad ng bayan, dahil may kanya-kanya raw tayong buhay at desisyon.
Ang pakiramdam ng mga nadismaya, naging biktima sila ng discrimination dahil marami sa mga bakla ang malaki ang kontribusyon sa pag-unlad ng bansa, matatapang, higit na may paninindigan at isang salita kaysa sa mga tunay na lalaki ang mga miyembro ng third sex.
Sa kabilang banda, naniniwala kami na walang intensyon si Coco na husgahan ang mga bakla dahil may respeto siya sa LGBTQ (lesbian, gay, bisexual, transgender, queer) community.
Marami sa mga kaibigan niya ang gay at malaki ang naitulong ng mga bading sa tagumpay ng kanyang showbiz career.
Most likely, ginamit lamang ni Coco ang idiomatic expression na "hindi kabaklaan" dahil kanyang nais na ipunto.
Marahil ay hindi ito nauunawaan o na-misinterpret ng karamihan sa mga millennial na ipinaglalaban ang mga karapatan ng LGBTQ community at hindi na sanay sa mga malalalim na salitang Tagalog.
Madaling-araw nang i-post ni Coco sa Instagram account niya ang mensahe niya para sa lahat ng mga patuloy daw na pinakikialaman ang kanyang personal na buhay.
Mapapansin sa statement ni Coco na tila walang nagdikta o nagturo sa kanya ng mga sasabihin na dire-diretso at medyo emosyonal, kaya may mga salita na hindi na naiwasto ang spelling o palatitikan.
Dapat maintindihan ng lahat na tao pa rin si Coco na marunong masaktan at maapektuhan ng masasakit na salita, na nababasa at naririnig niya mula sa mga taong pinipilit siyang umamin tungkol sa diumano’y pagsisilang ni Julia Montes sa kanilang anak.
April 1 nang pumutok ang balita na nanganak umano si Julia sa isang ospital sa San Juan City, pero hindi nagsalita si Coco kaya unti-unting namatay ang tsismis.
Kung hindi nagsalita ngayon si Coco, hindi na sana mauungkat ang tsismis hanggang tuluyan na itong hindi pag-usapan.
Kadalasan, totoo ang kasabihan na, "Let sleeping dogs lie.”
Pero sa kaso ni Coco, wala itong itinanggi o inamin, maliban sa pakiusap na igalang ang kanyang private life kaya intact pa rin ang credibility niya.
Trivia: Noong kasikatan ni Aubrey Miles, talagang pinanindigan ng sexy actress na walang katotohanan ang mga balitang may anak siya sa pagkadalaga.
Pero inamin din niya noong April 2009 na may love child sila ng kanyang ex-boyfriend, ang former actor na si JP Obligacion.
Kung hindi umamin si Aubrey, nakumbinsi na sana ang publiko na biktima lamang siya ng mga paninira noong hindi pa kumpirmadong may anak siya.
Mula noon, nagkaroon na ng lamat ang kredibilidad ni Aubrey na nakaapekto nang malaki sa showbiz career niya.