Mahaba ang seremonya ng 67th FAMAS na naganap kagabi, April 28, sa Meralco Theater dahil bago nagsimula ang pamamahagi ng parangal para sa mga pinakamahuhusay na manggagawa at pelikula sa local film industry noong nakaraang taon, binigyan muna ng pagkilala ang mga tao mula sa iba’t ibang sektor.
Namahagi ng “ho-hum special awards” tulad ng Brilliant Premiere Actor of the Night na ipinagkaloob sa veteran actor na si Eddie Garcia, at ang Male Ruby Star of Showbiz na napanalunan ni Xian Lim, ang solo host ng 67th FAMAS.
Samantalang isang totally unknown female personality ang nag-uwi ng Female Ruby Star of Showbiz.
Hasang-hasang na si Xian bilang host kaya kahit nag-iisa, nairaos niya nang maayos ang programa na tumagal dahil sa dami ng mga nominado.
Tig-11 ang nominees para sa best actor at best supporting actor categories.
Tig-10 naman ang ang nominated sa best actress at best supporting actress categorie. Apat sa nominado bilang best supporting actress ay mula sa pelikulang Panahon ng Halimaw.
May 10 nominees para sa best picture at 10 nominees ulit para sa best short films, et cetera.
At sa video clips pa lang ng performances ng mga nominado, ubos na agad ang oras.
Women empowerment ang tema ng 67th FAMAS kaya mga kababaihan ang tumanggap ng mga natatanging parangal.
Si Ali Sotto ang recipient ng Dr. Jose Perez Memorial Award, habang German Moreno Youth Achievement Awardees sina Maymay Entrata at Bianca Umali.
Si Anne Curtis ang tumanggap ng Fernando Poe Jr. Memorial Award.
Lifetime Achievement awardees naman sina Charo Santos-Concio, Laurice Guillen, at ang yumaong si Marilou Diaz-Abaya para sa mga kontribusyon nila sa Philippine movie industry.
Ang Inang Mahal ni former House Representative Gina de Venecia ang party list na sinusuportahan ni Ali, na naging maparaan dahil nakahanap siya ng pagkakataon na banggitin ang partido sa kanyang acceptance speech.
"So ang award na ito ay para sa aking Inang Mahal, ang nanay ko ho, kasi nanumbalik sa akin ang lahat ng sinabi niya sa akin na dapat mong kilalanin, kilalanin mo yung kahalagahan mo—a woman’s worth—and you should always ask for what you deserve.”
Tila hindi pinag-isipan ang ginamit ng production researcher sa introduction kay Charo bilang Lifetime Achievement Awardee.
Sa dami ng magagandang pelikula na ginawa ni Charo—na best actress sa Asian Film Festival noong 1978 para sa pelikulang Itim—ang eksena niya na tumatakbo at pumasok sa isang kotse ang film clip na mula sa isang comedy film pa ang napili.
Kahit women empowerment ang theme ng 67th FAMAS, nagawa ni Charo na magbigay-pugay sa kanyang asawa at dalawang anak na lalaki.
"I would like to dedicate this award to my two sons and to my husband who early on told me that before I am a wife and a mother, I am a person and I should fulfill my dreams.
"So in my case, behind this successful woman are three men."
Trivia: Si Rosa Rosal ang model ng FAMAS Awards trophy nang magsimula ito noong 1952 dahil sa magandang hubog ng kanyang katawan.
At the time, 21 years old ang veteran actress na 87 years old na ngayon.
Baro at saya ang konserbatibong damit na suot ng babae na may hawak na rolyo ng pelikula sa FAMAS trophy na inihulma mula sa katawan ni Rosal.
Pero kagabi, mistulang nilapastangan ang simbolo ng FAMAS dahil sa giant gold statue na nakalagay sa stage.
Naging tila porn star na ang babae na simbolo ng FAMAS dahil nakalitaw na ang kanyang mga suso, hindi halata ang baro't saya, at tila may kapirasong tela na nakatakip sa pinakamaselang bahagi ng katawan.
Duda kaming may kinalaman pa rin sa women empowerment ang paglalaro na ginawa ng lumikha sa binalahurang bagong simbolo ng isa sa mga oldest award-giving body sa Asia.