Wedding singer ang special participation ni Anne Curtis sa Sons of Nanay Sabel.
Nagmarka sa mga dumalo sa red-carpet premiere ng pelikula ang short stint niya sa comedy movie ni Ai-Ai delas Alas at ng Ex Battalion.
Sumabog ang malakas na tawanan ng audience sa eksena ni Anne habang kinakanta nito sa loob ng simbahan ang "Sana’y Wala Nang Wakas" dahil sa kanyang boses na sintunado.
Habang nagaganap ang premiere ng Sons of Nanay Sabel sa SM Megamall Cinema 1 noong Lunes, April 29, nasa NAIA naman si Anne dahil papunta sila ni Marco Gumabao sa Portugal para sa shooting ng Just A Stranger ng Viva Films.
Nakausap namin sa Sons of Nanay Sabel premiere ang isang taong malapit kay Anne.
AUDREY HEPBURN'S VELVET VINTAGE BOW
Ito ang nagkumpirma na na-acquire ng aktres mula sa Christie’s ang velvet vintage bow ng yumaong Hollywood actress na si Audrey Hepburn.
Sikat na British auction house ang Christie’s na inumpisahan ni James Christie noong 1766.
Pag-aari ito ngayon ng Groupe Artemis, ang French holding company na nagbigay ng donasyon na 100 million euros para sa reconstruction ng Notre-Dame Cathedral, ang iconic church sa Paris na nasunog noong April 15, 2019.
Big fan si Anne ng legendary British actress, na sumakabilang-buhay noong seven years old pa lamang ang Kapamilya actress.
Ang velvet bow ng pumanaw na aktres ang isa sa mga prized possession ni Anne, na may malawak na koleksiyon ng mga kopya ng pelikula at mga libro tungkol kay Audrey.
Napag-usapan ang velvet bow ni Audrey dahil ito ang ginamit ni Anne nang tanggapin niya ang Fernando Poe Jr. Memorial Award sa 67th FAMAS noong Linggo, April 28, 2019.
"I still can’t believe I’m wearing the Audrey Hepburn’s Velvet bow. Wearing it last night has just made it even more special to me," caption ni Anne sa litrato niya nang dumalo siya sa 67th FAMAS.