Sunud-sunod ang buntong-hininga ni Phillip Salvador nang makausap ito ng Cabinet Files ngayong umaga, June 9.
Apektadong-apektado siya sa nangyari kay Eddie Garcia, ang veteran actor na iginagalang at hinahangaan niya.
Si Eddie ang direktor ni Phillip sa 1982 blockbuster movie na Sinasamba Kita ng Viva Films, at maraming beses n nagkasama ang dalawa sa mga pelikula. Hindi makakalimutan ni Phillip na pumayag si Eddie na maging kontrabida niya sa movie projects na kanyang pinagbidahan, gaya ng Ikasa Mo, Ipuputok Ko.
Mula nang maaksidente kahapon si Phillip, updated siya sa kalagayan ni Eddie dahil sa constant communication nila ng stepson ng aktor.
Gustuhin man ni Phillip na mapuntahan agad si Eddie sa Makati Medical Center, hindi niya magawa dahil ngayong gabi pa lang siya babalik sa Maynila mula sa Cebu at Masbate trip nila ni Robin Padilla.
Huling nagkita sina Phillip at Eddie sa gabi ng parangal ng 35th Star Awards for Movies na ginanap noong June 2, sa Newport Performing Arts Theater ng Resorts World Manila.
Parehong awardees ang dalawa ng Natatanging Bituin ng Siglo, at magkatabi sila sa stage nang tanggapin nila ang parangal.
"Nagbibiruan pa kami sa stage. Sinabi ko sa kanya na, 'You are so handsome tonight,' na sinagot niya ng, 'I know about that.'
"Sa backstage, nakaupo siya sa silya at magkatabi sila ni Tita Glo [Gloria Romero], pero nang bibigyan na kami ng award, tumanggi siya na maupo sa silya. Talagang tumayo at naglakad siya para ipakita sa mga tao na malakas na malakas pa siya," ang malungkot na malungkot ang boses na kuwento ni Phillip na humihiling sa lahat ng dasal para sa paggaling ni Eddie.
"Bilib ho kami kay Eddie Garcia dahil ayaw niya na magpa-double, 90 years old na po siya.
"Sa lahat po ng fans at followers ni EG, hindi po siya inatake kagaya ng inyong mga narinig. Mahusay at matibay po ang puso ni EG. Nadisgrasya po siya, naaksidente siya.
"Hinihiling po namin sa inyo ngayon, dasal para sa isa pang Hari ng Pelikulang Pilipino, si Eddie Garcia," ang panawagan ni Phillip sa lahat.