Susubukan ng Pilipinas na makuha ang Guinness World Record on the Most Number of People Dribbling Basketball Simultaneously at mangyayari ito ngayong hapon, July 21, sa Mall of Asia Arena.
Sampung libong tao mula sa iba't-ibang panig ng Pilipinas ang inaasahan na lalahok para maagaw nila sa current record holder, ang United Nations Relief and World Agency (UNRWA), ang world record (7,556) sa Most Number of People Dribbling Basketball Simultaneously na nangyari sa Rafah, Gaza Strip, Palestine, noong July 22, 2010.
Pangungunahan nina Nadine Lustre, Sam Concepcion, at ng Indak director na si Paul Basinillo ang attempt para sa world record. Makakasama nila sina Karencitta, John Roa, This Band, at ang ALLMO$T.
Ayon kay Paul, historic day para sa Team Indak 'Pinas ang okasyon dahil ito ang unang pagkakataon na magtatanghal sila sa isang malaking entablado at magsasayaw sa tugtog ng "Sumayaw sa Indak, ang main soundtrack ng kanilang pelikula.
"It's historic day for everyone because it's the Guinness Book of World Records," ang sabi ni Paul na hindi baguhan sa pagtatangka ng Pilipinas na maging Guiness World Record holder dahil siya ang direktor ng Guiness World Record for the most number of people applying lipstick simultaneously sa concert ni Vice Ganda na ginanap sa Smart Araneta Coliseum noong September 9, 2018.