Ang pakiramdam na mamamatay na siya ang nag-udyok sa 19-year-old musician na si John Roa para kumonsulta sa doktor noong February 2019 kaya nalaman niyang may panic disorder siya.
Nakapagpatindi sa panic attacks ni John ang paulit-ulit na panonood ng video ng last performance ni Chokoleit na pumanaw sa Abra noong March 9, 2019.
Lahad ni John sa Cabinet Files tungkol sa kanyang mental health condition, "Noong una, akala ko may sakit ako, kasi nasa utak ko palagi, 'Mamamatay ka.'
"Isa sa nag-trigger sa akin, yung kay Chokoleit.
"Isa siya sa nagpa-trigger [ng panic attacks], kasi tuwing nakikita ko yung news…
"Performer din kasi so alam ko yung feeling na nasa stage ka, hinihingal…
"Parang ang daming tumatakbo sa utak ko... Natakot ako…"
RELATIONSHIP WITH EXB MEMBERS
Former member ng Ex Battalion si John, pero tumiwalag siya at nag-solo, isang desisyong nakabuti at nakatulong sa music career niya.
Napabalita noong nagkaroon ng tampuhan si John at ang mga miyembro ng Ex Battalion dahil sa kanyang pagtiwalag, pero maayos na maayos na raw ngayon ang kanilang samahan.
"Sobrang okey na talaga namin, kasi noong first time na ininterbyu niyo ako dati, civil lang ang relationship.
"Actually, this EP, yung five songs, ang nag-master ng vocals ko, si BosX1ne.
"Siya ang nag-mix master sa amin sa ExB.
"Nag-stay ako doon ng limang araw. Tambay ako doon."
Ano ang masasabi mo na noong binitawan ni Ai-Ai delas Alas ang pamamahala sa career ng Ex Battalion, parang nawala sila sa sirkulasyon?
Sagot ni John, "Well, sa side ko, yun ‘yon, e. Parang parte naman ng proseso.
"May kanya-kanyang mga sablay kami na ginagawa, may kanya-kanyang kaming achievements
"Kumbaga ako, meron din akong mga sablay.
"Sa kanila, siguro umabot na sa point na ibinulgar ni Miss Ai-Ai.
"At the same time, both sides, wala naman akong panig.
"Basta ang alam ko lang, ginagawa naman nila yung best na i-prove na kaya nila. Saka kayang-kaya naman talaga nila.
"Kanya-kanya naman kami ng journey. Ako, hindi ko in-expect na magkakaroon ng ganito."
Nakausap ng Cabinet Files si John sa presscon ng Amgo, ang five-track EP niya.
AMGO
Si John ang pumili ng pamagat na Amgo na realization ang kahulugan sa Visayan dialect dahil nagmula siya sa Cebu.
Natagalan si John na makumpleto ang kanyang bagong album dahil sa struggle niya sa severe panic attacks.
In fact, inspired ng kanyang mental health condition ang "Lagi," isa sa limang kanta na mapapakinggan sa Amgo.
"Sa akin, personally, I wrote 'Lagi' for anxiety.
"Ginawa kong tao yung anxiety na parang ayaw mo na siya sa buhay mo kasi, basically, in the first place, tayo naman ang nagto-tolerate sa sarili natin.
"Gusto mo na siyang umalis pero nahihirapan ka na.
"Ginawa kong outlet yung 'Lagi.'"