May pinaplano si Marian Rivera at si Beautederm President and CEO Rhea Anicoche-Tan para makatulong sa mga kababayan natin sa Mindanao na nasalanta ng lindol.
Ito ang ipinahayag ng dalawa sa renewal ng kontrata ng aktres bilang celebrity ambassador ng Reverie by Beautederm Home, na ginanap sa Luxent Hotel, Quezon City, ngayong Huwebes ng hapon, November 7.
Kuwento ni Marian, "Paano ang gagawin namin sa mga tao na nangangailangan?
"So, usap kami nang usap, tulad nga nang nangyari sa mga kababayan natin na nangangailangan ng pagkain.
"'Ate, ano ang kailangan gawin?' Sabi niya, 'Huwag kang mag-alala. Magbibigay ako ng kaban-kabang bigas.'"
Binanggit naman ni Rhea na nagtayo siya ng foundation para anumang oras, maibahagi niya ang mga biyaya na kanyang natatanggap.
"We are too blessed. Sabi nga nila, kapag bine-bless ka nila ni Lord, mag-share lagi.
"Hangga’t kaya, go lang nang go, kasi yun lang ang sarap ng buhay—if you make someone happy.
"If you make someone smile, the Lord will bless you a thousand folds," sabi ni Rhea.
Hindi nagkakalayo ang mga pahayag nina Rhea at Marian, dahil ang kabutihan din sa kanya ng Diyos ang sinabi ng aktres kaya gusto nitong mabuhay na puro pagmamahal ang umiiral.
Ayon kay Marian, "Ang bait na ni Lord, ibinigay na'ng lahat. Ano pa ba? 'Lord, marami pang anak, ha?'"
May kinalaman sa reconciliation nila ng former manager niya na si Popoy Caritativo at sa pagkikita nila ni Lovi Poe nang mag-promote ang huli ng The Annulment sa Sunday PinaSaya noong Linggo, November 3, ang sinabi ni Marian na mabait ang Diyos sa kanya.
Saad niya, "Tama talaga yung sinabi niya [Popoy] sa Instagram na meron talagang pagkakataon na kailangan mo talagang ipagpaliban na panahon para maghilom ang mga sugat na nasaktan.
"Basta mahal ko siya mula noon hanggang ngayon, at kung nasaan man ako ngayon ay utang na loob ko sa kanya.
"At ang utang na loob na 'to ay tatanawin ko ito na utang na loob hanggang sa nabubuhay ako."
Tungkol naman sa kanila ni Lovi, aniya, "Wala naman away na naganap sa amin ni Lovi Poe.
"Alam mo, habang tumatanda ka, kapag tumatanda ka, siguro mas gugustuhin mo na mas masarap na buhay na araw-araw, may makakasalubong ka na nakangiti sa 'yo, di ba?
"At wala kaming away ni Lovi. Wala akong maisip na away namin ni Lovi.
"At nagpapasalamat ako sa Sunday PinaSaya. Of course, doon kami nagtagpo at nagkita kami na walang usap.
"Nagyakapan kami, kumustahan kaming dalawa na napakasarap sa pakiramdam.
"Ang sarap nang ganoon, wala kang iniiwasan na tao, masaya ka.
"Mas masarap yun na walang kaaway. Lahat kabati mo.
"Saka ang tanda ko na. Dalawa na yung anak ko.
"Gusto ko na makita ng mga anak ko na masarap na mabuhay na walang kagalit. Na masarap mabuhay na puro pagmamahal ang ibibigay mo."