Naririto sa Pilipinas ang popular Indonesian comedian na si Dodit Mulyanto.
Si Dodit ang lead actor sa Cinta Itu Buta (Love is Blind), ang Indonesian adaptation ng Kita Kita, ang 2017 blockbuster movie nina Empoy Marquez at Alessandra de Rossi.
Dumating sa bansa si Dodit noong Martes, November 5, para i-promote ang Cinta Itu Buta na mapapanood sa Philippine cinemas simula sa November 13.
Dadalo siya sa red-carpet premiere ng pelikula na magaganap ngayong Biyernes, November 8, sa SM Megamall Cinema 1.
Ang mamasyal sa Intramuros, Manila ang ginawa ni Dodit noong Miyerkules sa kanyang pangalawang araw sa Pilipinas.
Special request niyang puntahan ang mga lumang simbahan dahil miyembro siya ng Roman Catholic church.
Naging bukambibig ni Dodit ang "Bawal ang Umihi Dito" dahil ito ang mga street sign na nakita at natandaan niya sa kanyang pag-iikot sa Maynila.
Nitong Huwebes, bumisita si Dodit sa It’s Showtime ng ABS-CBN para imbitahan ang mga Pilipino na panoorin ang Indonesian version ng Kita Kita.
Sa kauna-unahang pagkakataon, nagkita sa studio ng It’s Showtime sina Dodit at Empoy.
Nagpakuha ng litrato ang dalawa na parehong nakapikit ang mga mata dahil sa love is blind English translation ng Cinta Itu Buta.
"He’s kind, polite, and funny" ang impression ni Dodit kay Empoy.
Kung mabibigyan ng pagkakataon, gusto niyang magkasama sila sa isang pelikula.
Kung sa Sapporo, Japan kinunan ang Kita Kita, sa Busan, South Korean naman kinunan ang mga eksena ng Cinta Itu Buta.
Ikinuwento ni Dodit na tumagal ng 26 araw ang shooting nila ng kanyang leading lady na si Shandy Aulia.
"Very long shooting," sabi ni Dodit.
Pinanood daw muna niya ang Kita Kita para magkaroon siya ng idea tungkol sa kuwento ng pelikulang pagbibidahan niya.
Nang tanungin kung sino sa kanila ni Empoy ang mas guwapo, binasa ni Dodit ang hawak na kodigo at natatawang sumagot ng “Ako mas guwapo kaysa si Empoy.”