"We won’t fail you. Maraming salamat sa inyong lahat."
Ito ang mensahe ni Aga Muhlach sa lahat ng mga nag-abang at nanood sa teaser trailer ng Philippine adaptation ng Miracle in Cell No.7.
Ang pelikula ay official entry ng Viva Films sa 45th edition ng Metro Manila Film Festival (MMFF) na magsisimula sa December 25, 2019 at matatapos sa January 7, 2020.
Opisyal na inilabas ng Viva Films sa lahat ng mga social media platform kagabi, November 12, ang teaser trailer ng Miracle in Cell No.7.
Mabilis itong nag-trending.
Sa loob lamang ng 16 oras, umani agad ng 7 million views ang teaser trailer ng pelikulang pamilyar na pamilyar sa mga Pilipino dahil tinangkilik at nagustuhan nila ang original Korean version.
Hindi lamang ang mga ordinaryong Pilipino ang nagpahatid ng pagbati kay Aga dahil nakatanggap din ito ng mensahe mula sa kanyang mga kapwa artista.
"Excuse me… crying" reaksiyon ni Lea Salonga sa touching three minutes and twenty seven second-teaser ng Miracle in Cell No. 7.
"Congratulations Kuya” naman ang pagbati ni Marian Rivera kay Aga.
Ganoon din ang Madrasta actress na si Gladys Reyes, na nagsabing hindi na siya makapaghintay dahil gustung-gusto na niyang mapanood ang pelikula.
Mula nang ilabas ng PEP.ph ang report na magkakaroon ng Philippine adaptation ang Miracle in Cell No.7 at pagbibidahan ito ni Aga, overwhelming at positive ang reaksiyon ng mga kababayan natin na minahal nang husto ang kuwento ng blockbuster Korean movie.
May mga nagsabing teaser pa lang ng pelikula ni Aga ang kanilang napanood pero napaiyak na agad sila, samantalang may mga nagpahayag ng panghihinayang dahil nag-back out si Nadine Lustre sa project.
Patikim pa lang ang teaser trailer na nasaksihan ng publiko dahil kapag napanood nila ang ending ng Philippine adaptation ng Miracle in Cell No. 7, imposibleng hindi sila pumalahaw ng iyak dahil sa matindi at makabagbag-damdaming eksena nina Aga at Xia Vigor.