Ara Mina at Dave Almarinez, nadawit ang mga pangalan sa road-rage incident sa Laguna

by Jojo Gabinete
Jan 8, 2020
Laguna board member Abigael Alonte at Jordanian boyfriend Hassan Rousan (kaliwa), inireklamo ng Del Rosario couple (kanan) dahil sa road rage incident na nangyari noong December 2019 sa Binan, Laguna.
PHOTO/S: Screen grab from Wanted Sa Radyo

Muling nauungkat ang rumored relationship nina Ara Mina at Philippine International Trading Corporation (PITC) President at Undersecretary Dave Almarinez dahil ang pangalan ng dalawa ang binanggit ng Jordanian national na si Hassan Rousan, na sangkot sa road-rage incident na nangyari sa Biñan, Laguna noong December 22, 2019.

Si Hassan ang boyfriend ni Abigael Alonte, ang board member ng First District ng Laguna at dating personal assistant ni Almarinez.

Former Laguna board member si Almarinez, at siya ang nagkumbinsi kay Alonte na kumandidato bilang bokal ng Laguna.

Si Atty. Shammarie del Rosario at ang kanyang asawa na si Ronald ang mga personal na nagreklamo laban kina Hassan at Alonte nang magsumbong sila kay Raffy Tulfo sa Wanted sa Radyo noong January 6, 2020.

Ang video na kuha mula sa cellphone ni Atty. del Rosario ang ebidensiya ng pisikal na pananakit sa kanila nina Hassan at Alonte, na diumano’y parehong nakainom ng alak.

Continue reading below ↓

Ayon sa kuwento ng Del Rosario couple, sakay sila ng kanilang Mercedez Benz top down car nang maganap noong December 22, 2019 ang pagmumura sa kanila nina Hassan at Alonte—na sakay ng Innova vehicle na may red plate number SKM 762—dahil nakaharang ang sasakyan nila sa lugar na pagpaparadahan ng kotse ni Alonte sa harap ng bahay nito.

Lahad ni Atty. Del Rosario, "Bumaba pa siya [Hassan] ng kotse, bumaba din po yung asawa ko.

"Dun nagtulakan silang dalawa, then na-realize po ni husband na red plate po yung dala, madaling-araw po.

"Ako po, pinicturan ko. Sabi ko, 'O, red plate pala ‘yan, 'tapos foreigner ang nagda-drive, madaling-araw.'"

Ang red plate number ay nangangahulugang pag-aari ng gobyerno ang sasakyan.

Patuloy ni Atty. Del Rosario, "May bumaba pong babae. To my surprise, yun po pala ang board member namin na Abigael Alonte.

"Sabi niya, ‘Sige, i-video mo.’ Actually, Sir, hindi ko naman talaga siya ibini-video.

Continue reading below ↓

"Nung sinabi niya na, 'Sige i-video mo,' ivinideo ko nga po talaga siya."

Saad pa niya, "Nabugbog po kaming mag-asawa kasi pinagtulungan po nila kami.

"Actually, si husband po, lumuhod na. Sabi niya po sa Jordanian, 'Tama na, tama na!'

"Yun po ang sigaw niya habang ako nagbi-video.

"Nung nakita nila ako na nagbi-video, ako naman po yung pinagtulungan ng mga babae at saka ni Ma’am Abigael, sinakal niya po ako.

"Pinagtulungan nila po ako, nung Jordanian din na babae... kapatid po siguro yun ng Jordanian na boyfriend ni Ma’am Abigael."

ARA MINA AND DAVE ALMARINEZ

Nadamay ang pangalan nina Almarinez at Ara Mina sa road rage incident dahil ipinagmalaki diumano ni Hassan sa Del Rosario couple ang mga personalidad na kakilala niya.

Ayon kay Atty. Del Rosario, "Actually, dapat po kasi ikukulong for direct assault yung Jordanian, kasi nanakal po ng barangay tanod at saka ng pulis.

"Pero noong mga oras na yun, gusto na po naming matapos.

Continue reading below ↓

"Sabi namin, bayaran niyo ang nabasag na windshield ng Mercedez Benz, saka po side mirror, at saka palitan po yung mga nawalang alahas, ibinalik na po yung relo.

"Nung tumawag na po kami at nakipag-coordinate kami kay Abigael Alonte, ang sagot niya po sa amin, ‘Wala akong pera. Hindi ako mayaman, hehehe!'

"Pagkatapos po niya kaming bugbugin, sirain yung Mercedes Benz, lahat na po ng chance, ibinigay namin sa kanya para maging maayos na po ang pamumuhay ng bagong taon namin.

"At all, yun ang sasabihin mo sa amin?

"December 22 po naganap yung incident, wala po. Hanggang ngayon, hindi po nag-sorry."

Tinanong ni Tulfo kung ano ang trabaho ni Hassan, sa pagkakaalam nila.

Sagot ni Atty. Del Rosario, "Sabi niya po, model siya. May nabanggit din po siyang mga personality.

"Natatakot po ako na banggitin ulit, baka kami ay balikan."

Reaksiyon ni Tulfo, “Sino po, pakibanggit po, ako ang bahala. Ako ang sasalo.”

Continue reading below ↓

Lahad ni Atty. Del Rosario, "Sabi po nung Jordanian, 'Close kami ni Dave Almarinez. Magkasama kami palagi at saka ni Ara Mina. Model ako. May small business ako sa Jordan.'"

Sabi ni Tulfo, "Ano ngayon kung barkada siya ni Ara Mina para katakutan siya? Mawalang-galang na kay Ara Mina, baka namedrop lang talaga yun."

Ang pagbanggit ni Hassan sa mga pangalan nina Ara at Almarinez ang bumuhay sa isyu na pumutok at pinagpistahan noong June 2018.

Si Almarinez ang fiancée ng Cinema Evaluation Board member na si Rina Navarro, pero hindi natuloy ang kanilang pagpapakasal.


Continue reading below ↓

Sa panayam ng PEP.ph kay Navarro noong June 29, 2018, inamin niya na ang kanyang dating kaibigan na si Ara ang dahilan ng breakup nila ni Almarinez.

Sinabi ni Navarro na nahuli niyang may lihim na relasyon ang ama ng kanyang anak at si Ara, isang isyu na itinanggi ng aktres sa guesting nito sa talk show ni Boy Abunda noong July 2018.

Tahasang itinanggi ni Ara na nang-agaw siya ng boyfriend ng iba, samantalang pinili ni Almarinez na manahimik.

Pero makalipas ang halos dalawang taon, ang mga pangalan nila ang ginagamit ni Hassan bilang pagmamalaking may mga kilala siyang sikat na personalidad para matakot ang mag-asawang Del Rosario, na sinaktan diumano nila ni Alonte sa naganap na road rage incident.

Matatas nang magsalita ng Tagalog si Hassan kaya pinaiimbestigahan ni Tulfo kung legal ang pananatili nito sa Pilipinas.

Pinayuhan din ni Tulfo ang barangay tanod at pulis na sinakal ni Hassan na magsampa ng reklamo.

Continue reading below ↓

Samantala, ang pagiging mahirap na public servant ang paulit-ulit na depensa ni Alonte sa akusasyon na government-owned vehicle ang gamit nila ni Hassan nang mangyari ang kanilang engkuwento sa Del Rosario couple noong December 22, 2019.

Sinabi ni Alonte na mahirap lamang siya at walang sariling sasakyan kaya ang government car ang ginagamit niya.

Nagkataong ginabi raw sila ni Hassan ng uwi mula sa mga Christmas party ng kanyang constituents na dinaluhan nila nang maganap ang road rage incident.

Read Next
Recommended Videos
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
Laguna board member Abigael Alonte at Jordanian boyfriend Hassan Rousan (kaliwa), inireklamo ng Del Rosario couple (kanan) dahil sa road rage incident na nangyari noong December 2019 sa Binan, Laguna.
PHOTO/S: Screen grab from Wanted Sa Radyo
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results