Ngayon ang pangalawang taon na sumali si Ervic Vijandre sa Traslacion, na isang panata ng kanyang ama na si Enrique "Eric" Vijandre na ipinagpapatuloy niya.
Ang pagsali ni Ervic sa Traslacion ang isa sa mga paraan niya ng paghingi ng tawad sa Diyos dahil sa mga kasalanang kanyang nagawa.
Iniaalay rin ni Ervic ang pagsasakripisyo nito sa kanyang pamilya at mga mahal sa buhay.
Natatandaan ni Ervic na sampung taon pa lamang siya nang samahan niya ang kanyang ama sa Traslacion na idinadaos tuwing January 9, ang kapistahan ng imahe ng Black Nazarene sa Quiapo.
Kuwento ng aktor, "Noong unang beses ko na pumunta, kasama ko po ang daddy ko. Bata pa po ako noon, 10 years old pa lang.
"Last year, natatandaan ko may suot ako na sapatos, pero hindi pala pinapalapit sa arko kapag nakasapatos dahil sa sobrang siksikan, masasaktan ang kung sinuman na matatapakan.
"Nang makita ko na karamihan sa mga namamanata ay nakapaa lamang, at dahil sa kagustuhan kong makahawak sa arko at Nazareno, minabuti kong hubarin ang sapatos ko."
Para sa Traslacion 2020, solo lang na nagpunta si Ervic dahil hindi sila nagkita ng kanyang kaibigan na dapat makakasama niya.
Nang itanong ng Cabinet Files ang mga nasaksihan niya sa Traslacion 2020, sinabi ni Ervic na maraming tao ang nahimatay dahil sa sobrang siksikan.
"Ako man po ay hirap na hirap na makalapit sa arko.
"Hindi ko makakalimutan yung habang ako ay nagtatangkang umakyat sa Poon ay muntik na akong maipit.
"Mabuti na lang, iniligtas ako ng mga kapatid natin sa pamamanata kaya hindi ako tuluyang naipit. Sobra ang pasasalamat ko sa kanila.
"Napakahirap makahawak sa Poong Nazareno.
"Naranasan ko na humila sa lubid at makahawak sa arko. Nakaakyat ako, pero hindi ko nahawakan ang Poong Nazareno.
"May tatlong oras ang proseso sa paglapit ko sa arko, isang karanasan na hindi ko malilimutan."
Naligo nang husto sa sariling pawis si Ervic, pero maligayang-maligaya siya dahil natupad sa ikalawang pagkakataon ang kanyang panata.