Hindi lamang ang mga artistang tumutulong sa mga biktima ng pagsabog ng Taal Volcano ang pinupuri.
Itinuturing ding mga bayani ang mga estudyanteng sina Rio John Abel at Maximino Alcantara III.
Kapwa nasawi sina Rio at Maximino sa vehicular accident na nangyari sa Barangay Banaybanay, San Jose, Batangas kagabi, January 13.
Ito ay matapos nilang magdala ng relief goods para sa mga kababayan nating biktima ng phreatic eruption ng Taal Volcano noong Linggo, January 12.
Nakipag-ugnayan ang Cabinet Files kay Batangas Fire Officer 1 Rhobell Flores Aguilera para sa ilang detalye tungkol sa naganap na aksidente, at kinumpirma niya ang malungkot na sinapit ng mga biktima
Pahayag niya: "We had a call around 2 a.m. from our station in Batangas City, involving a vehicular accident and said that they need extrication tools and equipment in order for the victims to be extricated.
"The team was led by FO3 Kennedy Dimaano of Batangas Fire Department Special Rescue Unit.
"Both victims were in their 20s and were on their way to deliver relief goods."
Nasa loob ng sasakyan ang mga biktima nang maaksidente ang mga ito.
Lahad pa ni Officer Aguilera: "Bumangga sa likod ng 10-wheeler truck.
"Kinailangan ng BFP SRU Batangas na gumamit ng tools and equipment para matanggal sila sa loob ng kotse."
Nahirapan man daw silang i-retrieve mula sa kotse ang katawan ng mga biktima, sinabi ni Aguilera na hindi sila sumuko ng kanyang mga kasama.
Samantala, nag-alay ng panalangin ang Facebook admin ng Batangas State University Files para sa mga yumaong sina Rio at Maximino.
"A moment of silence and prayers for this two beautiful souls who died last night due to car accident after the donations were delivered to the areas that was really impacted by the eruptions.
"You have the choice to stay with your families but opted to be with those people who are in need of help.
"You will be missed but your contributions will always be remembered. Condolences to their families."