Joel Lamangan: Ang pagpapasara sa ABS-CBN ay pagkitil sa freedom of speech

by Jojo Gabinete
Feb 24, 2020
Joel Lamangan: "Ang anumang pagkitil sa prangkisa ng ABS-CBN ay malawak na pagyurak sa karapatan ng pagpapahayag at pamamahayag..."

Seryoso at mahigpit na direktor ang image ni Joel Lamangan kaya nangingilag sa kanya ang ibang mga artista.

Pero isa siya sa mga nakakatawang personalidad kapag nakilala siya nang lubusan.

Sa presscon ng Hindi Tayo Pwede noong Sabado, February 22, pinatawa ni Joel ang lahat dahil sa kanyang mga pahayag tungkol sa “tongue-to-tongue kissing scenes” na ipinagawa niya sa mga artista ng kanyang pelikula—sina Lovi Poe, Tony Labrusca, at Marco Gumabao.

Pero sa Senate hearing ngayong tanghali, February 24, ibang Joel Lamangan ang napanood sa live television coverage tungkol sa ABS-CBN franchise renewal.

Noong una ay binigyan muna ni Senator Grace Poe si Joel ng pagkakataon para i-promote ang Hindi Tayo Pwede, na mapapanood sa mga sinehan simula sa March 4.

Si Senator Poe ang chair ng Senate committee on public services,

Siguradong wala sa isip ni Senator Poe na ang kanyang half-sister na si Lovi ang bida ng pelikula na ipina-promote niya kay Joel.

Continue reading below ↓

Pagkatapos ay nagkaroon ng oportunidad si Joel para masabi ang mga saloobin tungkol sa controversial franchise renewal issue na kinasasangkutan ng ABS-CBN.

"Marami pong salamat na nagkaroon kami ng pagkakataon upang makahalubilo kayo.

"Ang Directors Guild of the Philippines po ay naririto upang aming bigyang pansin ang isang nakalulungkot na bagay na nangyayari sa atin.

"Ako po ay nalulungkot dahil sa pagpupulong na ito ay ating dini-discuss ang pagpatay sa isang plataporma na nagbibigay at naglulunsad ng kalayaan sa pananalita, kalayaan sa pamamahayag, at kalayaan sa pagpapahayag."

Patuloy ni Joel: "Nalulungkot ako na dumating tayo sa ganoong panahon na sa halip na ating pag-usapan kung papaano papalamanin, kung paano payayamanin ang mga plataporma na maglulunsad ng kalayaang ito, idini-discuss natin ang pagdildil at pagpatay dito.

"Di ba iyon ay kalungkot-lungkot?

"Kaming mga direktor ng pelikula, telebisyon, at tanghalan, ang aming materyal na pinagkukunan ng ating kuwento ay ang buhay ng tao, ang araw-araw na katotohanang nakikita namin sa lansangan, ang araw-araw na katotohanan na nakikita namin mula sa aming pagkagising hanggang sa aming pagtulog.

Continue reading below ↓

"Yun ang batayan ng aming mga isinasalaysay na kuwento na aming isini-share sa daan-daang mga manonood."

Wagas na inilaban ni Joel na ang pagpapasara ng ABS-CBN ay pagkitil din sa malayang pamamahayag at pagpapahayag.

"Ang pinakamalawak na plataporma ng aming obra ay ang ABS-CBN.

"Ang anumang pagkitil sa prangkisa ng ABS-CBN ay malawak na pagyurak sa karapatan ng pagpapahayag at pamamahayag at karapatan ng malayang pananalita.

"Kailangan na hindi tayo gumawa ng mga paraan upang sagkangan ang kalayaang ito."

Sa huli, sinabi ni Joel na sana ay idaan sa tamang proseso kung anuman ang reklamo laban sa ABS-CBN.

"Kung merong hindi magandang sinasabi o mayroong mga katiwalian na naganap o ginagawa ang plataporma, meron tayong korte upang pag-usapan ang mga kahinaang ito.

"Hindi ang pagpatay o pagkitil kundi ang pagbibigay ng due process upang marinig sa korte ang kahinaan o kalakasan."

Read Next
Recommended Videos
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
Joel Lamangan: "Ang anumang pagkitil sa prangkisa ng ABS-CBN ay malawak na pagyurak sa karapatan ng pagpapahayag at pamamahayag..."
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results