Lilipad bukas, February 29, ang direktor na si McArthur Alejandre sa Bengaluru City, India dahil siya ang official representative ng Kaputol sa 12th Bengaluru International Film Festival.
Kabilang ang Kaputol sa 13 kalahok sa Asian Competition category ng festival.
Nagsimula ang festival noong February 26 at matatapos sa March 4, 2020.
Sina Cherie Gil at Alfred Vargas ang mga bida sa Kaputol, na mula sa direksiyon ni Alejandre at screenplay na isinulat ni Ricky Lee.
Ginagampanan nina Cherie at Alfred ang mga role nina Kiki at Robert, respectively, ang magkaibigang filmmakers na may tinatapos na pelikula.
Sa kuwento, ang ginagawa nilang pelikula ay halaw sa script na isinulat ng anak ni Robert na isang desaparacido o nawawala.
Si Ronwaldo Martin ang gumanap na anak ni Alfred sa Kaputol na isang film within a film.
Pinag-usapan ang Kaputol nang magkaroon ito ng special screening sa Gateway Cineplex noong December 2019, dahil sa kontrobersiyal na tema ng pelikula at sa daring love scene nina Cherie at Angel Aquino.
Bukod sa 12th Bengaluru International Film Festival sa India, nakatakda sa March 2020 ang European premiere ng Kaputol dahil in competition ito sa isang international film festival.
Incidentally, kabilang din sa Asian Competition category ng 12th Bengaluru Film Festival ang Kalel, 15, ang pelikula ng direktor na si Jun Lana.
Kasali rin ang Jesusa ng filmmaker na si Ronald Carballo.