Nagkaroon ng positibong resulta ang pagdayo ni Manila Mayor Isko Moreno sa Barangay 129 ng Caloocan City kahapon, April 11.
Nagtungo si Mayor Isko sa Caloocan para pasukuin ang barangay chairman at ilang kagawad ng Barangay 129 na nagdaos ng sabong sa Manila North Cemetery noong Biyernes Santo, April 10.
Sa update na inilabas ng Manila Public Information Office, sumuko na sa Manila Police District si Barangay Chairman Brix John Rolly Reyes at mga kagawad na sina Alfie Lacson, Romualdo Reyes, at John Cris Domingo.
Posible silang sampahan ng patung-patong na kaso, ayon sa Manila City Hall update, dahil sa paglabag sa Presidential Decree No.1602 (Illegal Cockfighting) at Republic Act No. 11469 (Bayanihan to Heal as One Act).
Kasama pa raw ang Republic Act No. 11332 (Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Event of Public Health Concern Act) at Resistance and Disobedience to a Person in Authority or the Agent of such Person.
Ito ay sa bisa ng Proclamation No. 922 s. 2020 (Declaring the State of Public Health Emergency throughout the Philippines).
Nangahas pumunta si Mayor Isko sa Barangay 129, na hindi niya teritoryo, noong Sabado ng hapon, April 11, para ipanawagan ang pagsuko ng mga suspek.
Galit na pahayag ng Manila mayor sa kabuuan ng barangay hall, "Hindi namin kayo titigilan.
"Hindi kayo dapat pamarisan, nakakahiya kayo sa mga kapitbahay ninyo.
"Sa sobrang kahihiyan ninyo, sa Maynila niyo pa ginawa yung kagaguhan ninyo.
"Wala kayong patawad kahit Biyernes Santo, ang kakati ng kamay ninyo.
"Naturingan kayong halal ng bayan na dapat ninyong inaasikaso ang mga kabarangay ninyo, nagdala pa kayo ng problema sa Maynila.
"Sana nagkakaliwanagan tayo."
Pasintabi naman ni Mayor Isko sa mga taga-Barangay 129, "Hindi namin nais magambala ang inyong oras, pero nakapawalanghiya ng chairman ninyo."
Sumunod na araw, malinaw ang tulong na galing mismo kay Caloocan City Mayor Oscar Malapitan at kay Caloocan City Chief of Police Colonel Dario Menorsa.
Kinagabihan, pinasuko na sa Manila Police District ang mga tinatayang pasimuno sa ilegal na sabong sa Manila North Cemetery.
Pinasalamatan ni Mayor Isko sina Mayor Malapitan at ang kanyang police chief sa mabilis na aksiyon ng dalawa.
Saad ni Mayor Isko, "Sa tulong at mabuting kalooban ni Mayor Oca Malapitan ng Caloocan City at kay Chief of Police Colonel Dario Menor ng Caloocan Police Station, ngayong gabing ito ay tumugon na sa panawagan ang mga barangay official na naririto.
"Again, Mayor Oca, on behalf of the people of Manila na labis na nasaktan ng mga lokong ito sa mga puntod ng mga nahimlay nilang minamahal sa buhay sa North Cemetery, taos-puso po ang aming pasasalamat sa inyo. Maraming salamat po."
Sinabi naman ni Mayor Malapitan na hindi nito palalampasin ang ganitong gawain.
Pahayag ni Mayor Malapitan, "Hindi palalagpasin ng inyong lokal na pamahalaan ang sinuman sa mga opisyal na napatunayang lumabag sa batas, lalung-lalo na kung siya ay may sinumpaang tungkuling maging tapat sa taong bayan, lalung-lalo na sa oras ng kagipitan o sakuna.”