Hindi nagkaroon ng "happy ending" ang Twitter serye ni Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian tungkol sa mga nakumpiskang pansabong na manok sa kanyang lugar.
Nasamsam ang mga manok mula sa isang tupada, o illegal na sabong, na ni-raid ng Valenzuela Police sa Paxton, Karuhatan, kahapon, Easter Sunday, April 12.
Gagamitin sana para sa feeding program ng local government ng Valenzuela City ang mga nakumpiskang manok.
Bago ipinaluto ni Gatchalian ang mga manok, pinahulaan kung adobo o tinola ang lutong gagawin ng cook ng Central Kitchen ng Valenzuela City.
Nangibabaw ang mga boto ng Team Adobo.
Unfortunately, epic fail ang mga manok na inadobo. Nirekomenda kasi ng staff ni Gatchalian na hindi ito maaaring ipakain sa tao.
"Final chapter of the tupada story, our nutritionists, agri and vet people all decided not to certify the adobo.
"So abandon na... Ayaw ng mga nutritionist natin. It did not pass their standards," tweet pa ni Gatchalian.
WARNING TO SABUNGEROS
Nagbabala rin si Gatchalian sa mga sabungero na itago na lamang sa bakuran ang mga manok na pansabong, at huwag tularan ang mga nahuli sa tupada.
"Sa mga gusto pa magpatupada diyan, I will make sure na mahuli kayo, makulong, at maluto na adobo mga alaga niyo. So I suggest 'wag niyo na ever subukan," mariing pahayag ng alkalde ng Valenzuela City.
Si Gatchalian ang pangatlo sa local government officials na kumilos laban sa mga promotor ng sabong at tupada.
Kakaiba ang diskarte na ginawa ni Gatchalian—bukod sa pagpapakulong sa mga sabungero, ipinaluto niya ang mga manok.
Hindi nga lang natupad ang kanyang plano na “idagdag sa mga meals for tonight’s operations" ang innocent cocks, na nadamay pa at nagsakripisyo ng buhay dahil sa mga pasaway at heartless na amo.
ILLEGAL COCKFIGHTING IN CAVITE AND MANILA
Nauna si Cavite Governor Jonvic Remulla na nagpakulong sa mga nahuling nagsasabong sa apat na bayan ng Cavite noong Good Friday, April 10.
Pangalawa si Manila City Mayor Isko Moreno na sinugod noong Black Saturday, April 11, ang Barangay Hall ng Barangay 129, sa Caloocan City.
Rumonda sa lugar si Isko para hanapin ang barangay chairman at ang mga kagawad na pasimuno sa tupada sa Manila North Cemetery noong Biyernes Santo.
Tumulong naman agad ang Caloocan City mayor at police chief para pasukuhin sa Manila Police District ang mga pasimuno.