Bagong panganak na ina, binawian ng buhay matapos tanggihan ng anim na ospital 

Apr 26, 2020
Jan Christian Bulatao (right) on the death of young wife Katherine: "Hindi ko na po maintindihan ang mararamdaman ko, pero more on lungkot po siguro. Buhay pa po sana siya kung hindi tumanggi ang mga ospital."
PHOTO/S: Instagram

Isinilang nitong Biyernes, April 24, ang baby girl na si Kamila Jean Bulatao.

Pero hindi na niya makikilala nang personal ang kanyang 26-year-old mother na si Katherine.

Binawian ito ng buhay matapos tanggihan ng mga empleyado ng anim sa pitong ospital na pinuntahan nila sa Caloocan City, Quezon City, at Bulacan.

Kagabi, April 25, nakausap ng Cabinet Files si Jan Christian Bulatao, ang nagdadalamhating asawa ni Katherine.


Continue reading below ↓

Buhay at makakapiling pa sana ng kanilang tatlong anak—ages 6, 5, and three days old—si Katherine, kung hindi lang tinanggihan ng staff ng mga naunang ospital na sinadya nila.

Bandang alas-tres nang hapon, April 24, nang iluwal ni Katherine si Kamila Jean sa pamamagitan ng isang senior citizen na hilot sa kanilang tahanan sa Banahaw Street, Barangay 183, Mountain Heights Subdivision, Caloocan City.

Nang hindi lumabas ang placenta o ang inunan ng sanggol, pinayuhan si Jan ng hilot na isugod na si Katherine sa pinakamalapit na ospital.

“Nanganak po siya sa bahay, 'tapos may naiwan na inunan," simula ni Jan habang kausap namin sa kabilang linya ng telepono.

"Noong nahihirapan na ang hilot na ilabas yung inunan, sabi niya po dalhin na si Misis sa pinakamalapit na ospital.

"Pumunta po ako sa barangay hall namin, nakiusap po ako na tulungan po ako.

"Pinahiram po nila yung mobile ng barangay."

NORTH CALOOCAN DOCTOR’S HOSPITAL

"Ang unang pinakamalapit na ospital na pinuntahan namin yung North Caloocan Doctors Hospital po.

Continue reading below ↓

"Tsinek po nila yung vitals ni Misis, 'tapos tinanong po nila kung ano ang nangyari.

“Sabi po nila, wala silang stock ng dugo.

"Sinabi nila sa amin na pumunta daw kami sa mas malalaking ospital na siguradong kayang i-provide lahat."

COMMONWEALTH HOSPITAL AND MEDICAL CENTER

"Nagpunta po kami sa Commonwealth Hospital, sa likod ng SM Fairview, mga 5 pm na po.

"Pina-fill up po ako ng form at yung nanay ni Misis, tiningnan niya kung may available operating room.

“Pagbaba po nila, wala na raw pong bakante.

"Si Misis po, okey pa noon. Nagagalit pa nga siya dahil gusto niyang uminom ng tubig kaso hindi puwede dahil may suwero at oxygen siya. Malakas pa po siya no’n.

“Nung walang bakanteng kuwarto, itinuro po kami sa FEU Medical Center sa Dahlia St., Fairview."

FEU-NRMF MEDICAL CENTER

"Pagdating po namin doon, naghintay po kami kasi may pila.

“Nung turn na po namin, around 6:30 pm, ako po yung nakipag-usap.

Continue reading below ↓

"Sabi ko, ‘Ma’am, patulong po, emergency po.’

“E, naka-tsinelas lang po ako. Dugyot po ako talaga dahil tuliro na ako.

“Ang sabi ng kumausap sa akin, 'Sir, uunahan ko na po kayo, private hospital po kami, medyo may kamahalan.’

“Nagtanong ako, magkano po ba?'

"Sabi niya, ‘Kung sakali, aabutin ng around PHP60,000 to PHP100,000.’

“Sabi ko, 'Wala pong problema, Ma’am. Gagawan ko po ng paraan yan.'

"Sabi niya, 'Sige sir, ia-admit namin si Misis, kaso tanong ko lang, kaya niyo po ba na magbigay ng downpayment?’

"'Magkano po yung amount?'

"Sabi niya, ‘Siguro, aabot ng mga trenta [PHP30,000]’

"Sabi ko, 'Sige po, Ma’am, gagawan ko ng paraan kasi emergency na po.

"Si Misis, nahihirapan nang huminga saka nagbi-bleeding na po siya that time.

"Sabi ko, 'Wala po akong dalang cash. Kung puwede, i-admit muna si Misis, kukuha po ako ng cash. Babalikan ko po agad, ibibigay ko po ang downpayment.'

Continue reading below ↓

"Sabi ng nakausap ko, hindi puwedeng i-start ang procedure hangga’t walang downpayment.

"In-advise nila ako na, 'Kung gusto nyo, sir, iwanan nyo yung misis nyo 'tapos kunin n'yo yung downpayment. Balikan n'yo po.'

"May binanggit din po siya tungkol sa PPE [Protective Personal Equipment] na suot ng doktor.

"Sabi niya, babayaran din namin ang bawat PPE na gagamitin ng doktor at nurses na PHP4,000 each.

"'Tapos nag-advise siya, ‘Kung gusto n'yo sir, maghanap muna kayo ng public hospital. Kapag wala kayong nakita, kunin n'yo ang pang-downpayment, balik po kayo dito.'"

Hindi raw nakuha ni Jan ang pangalan ng kanyang kausap, pero hinding-hindi raw niya malilimutan ang itsura nito kung sakaling magkita sila muli.

BERMUDEZ POLYMEDIC HOSPITAL

"From FEU, naghanap po kami ng public hospital pero wala na kaming nakita. Dire-diretso na po kami sa Bulacan.

"Dumaan muna kami sa isang ospital na papuntang Tala, yung Bermudez, around 7:30 pm.

"Yung asawa ko, nag-chill na siya, 'tapos ang lalim na ng hinga niya.

Continue reading below ↓

"Hindi na siya makapagsalita. Tumatango-tango na lang siya, ang haba na po kasi ng oras...

"Maliit lang po siya na ospital kaya naintindihan po namin na wala silang sapat na equipment.

"So nag-u-turn po kami, binaybay po namin ang kalye papuntang San Jose del Monte, sa Tungko po.”

SKYLINE HOSPITAL AND MEDICAL CENTER

"Nagpunta po kami sa Skyline Hospital and Medical Center.

"Ang sabi po nila sa amin, 'Ano pong kaso muna? Ano pong nangyari?’

"Nang sabihin ko na may inunan sa loob, sabi nila, ’Pasensya na po, sir. Wala po kaming OB-GYN ngayon.'"

GRACE GENERAL HOSPITAL

"Itinuro nila kami na pumunta sa Grace General Hospital na willing naman po na i-admit kami pero in-inform din nila kami na wala silang OB-GYN.

"Unsure sila kung may magre-response na tao nila.

"Dahil kritikal nga si Misis at hahanapin pa ang OB-GYN, hindi na kakayanin kasi mahinang-mahina na po talaga siya. Kamay na lang niya ang gumagalaw, mga 8 pm na po ‘yon.

Continue reading below ↓

"Nagtanong po ako, 'Ma’am, kumusta na ang lagay ni Misis, kasi nag-aalala na po ako. Iba na yung nakikita ko sa asawa ko.'

"Tsinek yung oxygen niya, okey naman daw dahil 90 percent pa.

"In-advise nila na pumunta kami sa Sapang Palay General Hospital dahil sigurado raw na may available OB-GYN."

DEAD ON ARRIVAL SA SAPANG PALAY GENERAL HOSPITAL

"Tinanong ko ang doktor kung aabot pa siya sa isang ospital na pagdadalhan namin kay Misis, yung Sapang Palay General Hospital.

"Pero hindi na po siya umabot, dead on arrival na siya sa Sapang Palay General Hospital,” ang emosyonal na pahayag ni Jan.

"Hindi ko na po maintindihan ang mararamdaman ko, pero more on lungkot po siguro.

"Buhay pa po sana siya kung hindi tumanggi ang mga ospital.

"Ang mga ospital po ang talagang sinisisi ng nanay ni Misis.

"Naubusan po ng dugo yung asawa ko sa sobrang tagal naming bumibiyahe kahahanap ng ospital."

Continue reading below ↓

HINDI MALAMAN ANG GAGAWIN

Nang tanungin namin ang kanyang mga susunod na plano, sumagot si Jan na hindi talaga niya alam.

Nang kumustahin namin ang bagong silang nila na anak, sinabi ni Jan na dumedede na si Kamila ng powder milk.

"Okey na po yung baby. Yung pangalan po niya galing sa asawa ko bago ito namatay.

"Tinatanong ko siya noon palagi dati kung ano ang ipapangalan namin sa baby.

"Sabi niya, Kamila, 'tapos Jean yung second name. Isinunod niya sa pangalan ko na Jan."

Kasalukuyang nakaburol ang mga labi ni Katherine sa tahanan nila sa Mountain Heights Subdivision.

Continue reading below ↓

Sa Lunes, April 27, ihahatid na siya sa huling hantungan ng namimighati niyang pamilya.

Katarungan ang hanap nila ngayon. Dahil kung hindi raw sila tinanggihan ng mga hospital staff, nadugtungan pa sana ang buhay ni Kamila.

Kapiling sana ngayon ni Katherine ang tatlong maliliit nilang anak ni Jan.

TV PATROL WEEKEND & THE PHILIPPINE STAR

Bago ng detalyadong pakikipag-usap ni Jan sa Cabinet Files, nagkaroon ito ng maiksing panayam sa ABS-CBN News.

Lumabas sa TV Patrol Weekend ang interbyu sa kanya kahapon, April 25.

Sa report ni Maan Macapagal, sinabi ritong tinanggihan si Katherine ng staff ng mga ospital dahil sa ganitong mga kadahilanan: dumaraming kaso ng COVID-19, walang kuwarto, walang stock ng dugo, at ang kawalan ng P30,000 na deposito.

Continue reading below ↓

Nai-report din ang kuwento ni Katherine sa The Philippine STAR kagabi.

Naglabas naman ng balita ang ABS-CBN News online kagabi, April 26, tungkol sa malagim na sinapit ng asawa ni Jan.

POSTSCRIPT: THE LAW THAT APPLIES

Nilagdaan ni President Rodrigo Duterte noong Agosto 2017 ang batas na magpapatupad ng mas mahigpit na parusa sa mga pagamutan na tumatanggi sa mga pasyente na walang pang-deposito.

Ito ang Republic Act. No. 10932, ang Batas Pambansa Bilang 702 o “An Act Prohibiting the Demand of Deposits or Advance Payments for the Confinement or Treatment of Patients in Hospitals and Medical Clinics in Certain Cases.”

Sa ilalim ng batas na ito, hindi bababa sa anim na buwan pero hindi lalagpas sa dalawang taon at apat na buwan na pagkakakulong ang parusa sa mga medical practitioner o empleyado ng ospital o clinic na lalabag sa mga probisyon ng naturang batas.

Noong April 16, 2020, binantaan ni Duterte na ipasasara nito ang siyam na ospital na tumanggi na tanggapin ang mga pasyente sa panahon ng coronavirus pandemic.

Continue reading below ↓

Pero tila binabale-wala ng mga kinauukulan ang kanyang babala at ang batas mismo kung ang pagbabasehan ay ang napakalungkot at nakakagalit na sinapit ni Katherine Bulatao.

[MULA SA PATNUGOT: Ilalabas ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang panig ng mga ospital na nabanggit sa kuwento ni Jan Bulatao.]

Read Next
Featured
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
Jan Christian Bulatao (right) on the death of young wife Katherine: "Hindi ko na po maintindihan ang mararamdaman ko, pero more on lungkot po siguro. Buhay pa po sana siya kung hindi tumanggi ang mga ospital."
PHOTO/S: Instagram
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results