Kasama ang stand-up comedians at mga empleyado ng comedy bars sa mga naapektuhan ng banta ng COVID-19.
Nawalan sila ng trabaho buhat nang ipatupad ang Enhanced Community Quarantine noong March 15, 2020.
Isa si Chad Kinis sa mga unang nanawagan noong April 8 na tulungan ang mga waiter at kitchen staff na “no work, no pay” ang status sa mga comedy bar na kanilang pinaglilingkuran.
Apela ng stand-up comedian, "Pareho din po namin sila na 'no work no pay' ang status.
"Kami naman pong mga artists/entertainers medyo ok pa naman, kaya lang, to be honest, konti lang din ang kaya naming maibigay na tulong sa mga kasamahan namin.
"Kaya po kung mayroon sa inyong dating nagpupunta ng Punchline/Laffline at gustong mag-extend ng kaunting tulong para sa aming mga staff, please message me.
"Nagtutulong-tulong po kaming mga artists/entertainers na maghanap ng pagkukunan ng supply/relief para sa aming mga staff."
FUNDRAISING FOR COMEDY BAR WORKERS
Nalulungkot si Chad sa mga kuwentong nakakarating sa kanya tungkol sa mga kasamahan niya sa comedy bar.
Sabi niya sa panayam ng Cabinet Files, "Malungkot ako nang malaman ko na kapos ang aking mga kasamahan dahil walang ipon at hindi handa sa pangyayari.
"Lalo na nung malaman namin na hindi pa agad maibabalik ang comedy bars at gigs kung saan kami umaasa ng kikitain dahil kami ay no work no pay.
"Nakakalungkot isipin na walang mapupuntahan ang iba sa amin kahit matapos ang Enhanced Community Quarantine."
Para makatulong sa mga kasamahang nawalan ng trabaho dahil sa ECQ, gumawa ng paraan si Chad at ang ibang mga kaibigan niya.
"Kami-kami rin po ang kumikilos para matulungan ang mga kasamahan namin.
"We did some online shows para makakalap ng pondo para sa mga staff namin na kapos.
"Sina Teri Onor at Pooh naman ay nangunguna sa paglapit sa pamahalaan para humingi ng ayuda para sa ibang mga kasamahan namin."
VLOG OF CHAD KINIS
Pinasasaya ang mga tao sa pamamagitan ng kanyang vlog.
Saad niya, "Kahit may banta po ang COVID-19, hindi ako nawawalan ng pag asa at pinapanatili ko ang positibo ko na pananaw sa buhay.
"I am trying to make people happy sa pamamagitan ng vlogs ko at social media accounts para maiwasan ang sobrang pag- iisip sa mga nangyayari sa ating bansa.
"Yung ang simpleng paraan para mapangiti ko sila at mabawasan ang stress.
"Tanging vlogging at ibang paraan ng mga pagtulong sa frontliners po mula dito sa condo ang pinagkakaabalahan ko, saka pagluluto at pag-iisip ng mga concept sa paghahanda after ECQ.”
REALIZATIONS
Ang maging laging handa at pangalagaang mabuti ang kalusugan ang mga importanteng aral na natutunan ni Chad sa panahon ng coronavirus pandemic.
Nakilala rin niya kung sino ang kanyang mga tunay na kaibigan.
"I realized money is not everything. Material things are nothing.
"Health and safety comes first.
"I also realized kung sino ang mga kaibigan ko talaga during this crisis.
"Dapat na laging handa tayo, hindi lang sa pinansyal kundi sa pangkalusugan.
"Laging unahin ang kalusugan bago ang mga materyal na bagay.
"Dahil kahit gaano kamahal ang suot mo, kahit gaano karami ang alahas o luho mo sa katawan, walang silbi ‘yan kung hindi mo uunahin ang kaligtasan at kalusugan mo.
"Dapat maging handa tayo sa lahat."