Proteksiyon sa mga nangungupahan sa panahon ng kalamidad, nais gawing batas ni Senator Lito Lapid

by Jojo Gabinete
May 24, 2020
Senator Lito Lapid: "Malaking bagay na sa panahon ng mga pagsubok na ito ay hindi na muna kailangang alalahanin ng publiko ang pagbabayad ng renta sa bahay para na rin mapagtuunan nila ng pansin ang ibang pangunahing pangangailangan."
PHOTO/S: Rose Garcia

Mas malamang sa hindi, papaboran ng tao ang mungkahing isinusulong ni Senator Lito Lapid.

Ito ay tungkol sa buwanang bayad sa upa ng nirerentahang tahanan sa panahon ng kalamidad at pandemya.

Nakatalaga ito bilang Senate Bill No.1525 o Moratorium on the Enforcement of Payment of all Fees, Charges and Costs Relating to the Rental of Residential Units for the Duration of a Declared National and Local State of Calamity and for 30 Days Upon Termination of Such State or Emergency.

Layunin ng Senate Bill No.1525 na protektahan ang mga nangungupahan para hindi mapalayas sa nirerentahang bahay sa ganitong mapagsubok na panahon.

Maliban na lang kung nagdadala ang nagrerenta ng panganib sa mga may-ari ng tahanan, sa ibang mga umuupa, at sa mga empleyado ng mga paupahang tahanan.

Buo ang paniniwala ni Lapid na makapagbibigay ng sapat na proteksiyon ang Senate Bill No.1525 sa mahihirap na Pilipino.

Pahayag niya, "Kakambal na ng bawat kalamidad at trahedya na humahagupit sa ating bansa ang matinding tama sa ekonomiya, gaya na lamang ng nararanasan nating COVID-19 pandemic ngayong nauwi sa pagsasara ng maraming negosyo at pagsuspinde ng maraming trabaho, kaya marami sa ating mga kababayan ang walang kita at walang pagkukunan ng pambayad ng renta.

Continue reading below ↓

"Marapat lang na siguruhing hindi sila mapapaalis sa kanilang mga nirerentahang bahay sa panahong hindi pa nila kayang magbayad dahil na rin sa umiiral na State of Calamity o Emergency."

Nais ni Lapid na maging batas ang Senate Bill No.1525, at ipatupad sa mga pinauupahang bahay, apartment, dormitoryo, kuwarto, at bedspace sa mga probinsiya, siyudad, at mga bayang nasa ilalim ng State of Calamity or Emergency.

Binanggit sa isinusulong na Senate Bill na, para hindi maapektuhan ng kalamidad at krisis ang mga negosyo, puwede ring magkaroon ng moratorium sa rental payment sa mga commercial at office space rental ng Micro, Small and Medium Enterprises.

Pero nasa desisyon ito ng Secretary ng Department of Trade and Industry.

Saad ni Lapid, "Sa pang-araw-araw na gastusin pa lang, marami na ang kapos at hindi halos makaahon sa utang kaya doble hirap ang pinagdadaanan ng ating mga kababayan sa panahon ng mga kalamidad.

"Malaking bagay na sa panahon ng mga pagsubok na ito ay hindi na muna kailangang alalahanin ng publiko ang pagbabayad ng renta sa bahay.

Continue reading below ↓

"Para na rin mapagtuunan nila ng pansin ang ibang pangunahing pangangailangan gaya ng pagkain, gamot, at ang pag-ahon mula sa matinding epekto ng kalamidad."

Maganda pakinggan ang isang panukalang pro-poor.

Pero dapat linawin ni Lapid kung ano ang epekto nito sa Filipino middle class—ang sektor na may kaunting ipon pero madali pa ring masalanta ng krisis, ang mga wage earners na nagpundar ng mga paupahan, at ngayon ay siyang masasalanta ng bill.

May compensation ba ang gobyerno sa mawawalang income ng mga may-ari ng paupahan?

May tax breaks ba? Sa usaping ito, ano ang pasaning pinapasa ng gobyerno sa private citizen?

Isa sa mga sinasabing kulang na kulang sa bansa ay ang mas pinalawak na middle class.

Sa ngayon ay meron lang kakarampot na elite at napakalawak na mahirap.

Sa bill na ito, mas malamang na hindi talaga mapapalawak pa ang middle class, na siyang magdadala ng bigat.

Ang pinalawak na middle class pa naman ang inaasahang magtatawid sa atin para isara nang bahagya ang gap sa lipunan.

Continue reading below ↓

Sa ngayon, tanging masasabi natin ay tinutukso noon si Lapid na "bonafide member ng Silent Minority sa Senado" dahil hindi halos ito sumasali sa mga diskusyon.

Kung sakali, baka ito ang pambawi ng action star turned senator.

Read Next
Featured
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
Senator Lito Lapid: "Malaking bagay na sa panahon ng mga pagsubok na ito ay hindi na muna kailangang alalahanin ng publiko ang pagbabayad ng renta sa bahay para na rin mapagtuunan nila ng pansin ang ibang pangunahing pangangailangan."
PHOTO/S: Rose Garcia
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results