Watch Now

Betamax King Gil Guerrero hinahanap ang ina ng 38-anyos na anak

by Jojo Gabinete
May 31, 2020
Isa sa mga natitirang pangarap ni Gil Guerrero, 64, ay ang makilala ng anak na si Ryan (R) ang ina nito. Naging active sa showbiz si Rey mula 1972 hanggang 1984, at nakapareha sa pelikula sina Rio Locsin, Sarsi Emmanuelle, Myrna Castillo, at Pepsi Paloma.
PHOTO/S: File/ Jojo Gabinete

Isa sa mga pangarap ng dating aktor na si Gil Guerrero ang makilala ng kanyang anak na si Ryan ang biological mother nito.

Naging active sa showbiz si Gil mula noong 1972 hanggang 1984.

Hiningi ni Gil ang tulong ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa paghahanap sa ina ni Ryan nang nakapanayam siya ng writer na ito para sa artikulo tungkol sa 35th death anniversary ng kanyang kaibigan, ang sexy star na si Pepsi Paloma.

May 31 ang kamatayan ni Pepsi may tatlo-at-kalahating dekada na ang nakakaraan.

May 31 din ang birthday ni Ryan, na ang hiniling na birthday gift ay personal na makilala ang kanyang ina.

"Nagtatampo sa akin si Ryan dahil hindi pa raw niya nakikita ang tunay na nanay niya magmula nang siya’y maging tao hanggang sa lumaki.

“Birthday nga niya May 31, thirty-eight years old na siya. Ang nire-request ni Ryan, gusto niya na makita ang mother niya, kung buhay pa,” ang kuwento ng 64-year-old former actor.

Noong kapanahunan ng guwapo at matipunong si Gil, binansagan itong Betamax King, dahil naging leading man ito ng maraming sexy films.

Ang mabentang mga sexy films ni Gil ay pinalabas sa mga sinehan, pero hindi agad natatapos ang shelf life ng mga ito, dahil nagkaroon ng demand at tuloy ginawan ng kopya sa Betamax tapes na maaaring mapanood sa private TV screens.

Naging hot item ang Betamax tapes noong '70s at '80s.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

RYAN'S MOM

Binanggit ni Gil ang pangalan ng ina ni Ryan sa PEP.ph, pero itatago natin siya sa pangalang Ana.

Nagkakilala sina Gil at Ana sa isang sikat na restawran/beer house sa Quiapo.

Ayon pa kay Gil, nakatrabaho roon ni Ana ang dating sexy star na si Sarsi Emmanuelle.

"Hindi pa siya artista noon. Ang pangalan ni Sarsi noon, Jennifer Mitchell. Jenny ang tawag sa kanya.

"Si Coca Nicolas, ang tunay na pangalan, Johnnalee Hickins, anak siya ng Kano. Na-discover naman si Coca nang dalhin siya sa optical clinic ni Rey sa Quiapo. Dinala siya ng isang kaibigan,” ang kuwento ni Gil.

Ang tinutukoy niyang Rey ay si Dr. Rey Dela Cruz, na naging talent manager nina Gil, Sarsi, at Coca.

Inilahad ni Gil ang mga sumunod na pangyayari sa kanyang buhay, kasama na ang hindi sinasadyang pagbubuntis ni Ana, at kung paano napunta sa kanyang poder ang kanilang anak.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

"May nangyari sa amin...at noong manganganak na siya, pinuntahan ko siya sa Recto. Yun nga, may sakit yung bata, so ang ginawa ko, dinala namin siya ni Terry [personal assistant ni Rey] sa Mary Johnston Hospital [Tondo, Manila].

"Nung mapa-ospital ko at naging okey na yung bata, dinala siya ni Terry sa mother ko, sa Bulakan, Bulacan.

“Pumayag naman si Ana na alagaan ng nanay ko si Ryan hanggang sa magkaisip ito at lumaki.

"Ngayon, nagtatampo sa akin si Ryan dahil hindi pa raw niya nakikita ang tunay na nanay niya magmula nang siya’y maging tao hanggang sa lumaki.

"Wala na akong balita tungkol kay Ana, ang alam ko Bisaya siya. Siguro mga 50 plus na ang edad niya.

"Siyempre, gusto ko naman masorpesa itong anak ko kasi magmula nang isilang hanggang nagkaisip, hindi man lang niya nasilayan si Ana.

"Gusto lang niya makilala. Pakisuyo naman, pakisulat para mahanap namin siya,” ang hiling ni Gil, na puwedeng matulungan ng staff ng Kapuso Mo Jessica Soho dahil marami nang nalutas na ganitong kaso ang programa ni Jessica.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Kung mabasa man ito ni Ana o kung sinumang nakakakilala sa ina ni Ryan, ikontak lamang ang numerong ito: 09338575269.

LIFE IN AND AFTER SHOWBIZ

Noong aktibo pa si Gil sa showbiz, nakasama niya sa pelikula sina Sarsi Emmanuelle, Myrna Castillo, Pepsi Paloma, at Rio Locsin dahil mga alaga silang lahat ni Dr. Rey Dela Cruz.

Pero makalipas ang mahigit isang dekada, tinalikuran ni Gil ang kanyang acting career, ai nagtrabaho bilang construction worker sa Saudi Arabia para sa kinabukasan ng asawa at mga anak.

"Nagpunta ako sa Riyadh, nagsumikap na ako para sa pamilya. Inabot ako doon ng walong taon, ang trabaho ko sa construction,” ang sabi ni Gil na sanay sa mahihirap na trabaho dahil pangingisda ang ikinabubuhay niya nang unang makita siya ni Rey sa Bulacan.

"Fisherman talaga ako nang ma-discover ako ni Rey noong 1972. Namimingwit ako sa palaisdaan, 'tapos may bakasyunan dito si Dr. Jose Perez ng Sampaguita Pictures.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

"Noong nakita nila ako, marami sila, isang truck, nakita ako nina Jimmie Ocarizawa [writer], kasama si Bong de Leon [writer], 'tapos tinawag nila si Rey Dela Cruz. Nag-extra-extra muna ako noong 1972.

"Kasama ako nang ma-discover ni Rey si Rio Locsin. Na-discover iyan si Rio noong nasa Quiapo kami. Yung ate niya, nagkaroon ng Mutya ng Quiapo, hanggang sa makita siya ni Rey Dela Cruz.

"Nagkaroon si Rio ng pelikula na Disgrasyada," pag-alala ni Gil sa breakout film ni Rio noong 1979, sa ilalim ng Regal Films. Dinirehe ni Elwood Perez, ang leading men dito ni Rio ay sina Rolly Quizon at Ronald Corveau.

Naranasan ni Gil magkaroon ng marangyang pamumuhay dahil sa showbiz, pero mas maraming taong dumaan siya sa pagsubok.

Mula sa pangingisda, pag-aartista, at pagtatrabaho sa construction, nasubukan din ni Gil magmaneho ng taxi, na napanood sa episode ng Wish Ko Lang noong November 2014, dahil sinorpresa siya ng kanyang mga anak na matagal na niyang hindi nakikita.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Noong nakaraang taon, sumailalim si Gil sa triple heart bypass surgery kaya nagpapasalamat daw siya sa Diyos sa pangalawang buhay na ipinagkaloob sa kanya.

"Biniyak ang dibdib ko, labing-apat na oras ako sa operating room ng Philippine Heart Center. Napakabait ng mga doktor diyan. Saludo ako sa kanila.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

"Wala akong regrets sa mga nangyari sa buhay ko. Ganito talaga ang buhay—ang mahalaga, buhay ka.

"Birthday ko sa August 12, 65 years old na ako,” ang sabi ni Gil, na nananatiling positibo ang pananaw sa buhay sa kabila ng mga pagsubok na kinakaharap pa rin.

RECOMMENDED STORIES

Read Next
Featured
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
Isa sa mga natitirang pangarap ni Gil Guerrero, 64, ay ang makilala ng anak na si Ryan (R) ang ina nito. Naging active sa showbiz si Rey mula 1972 hanggang 1984, at nakapareha sa pelikula sina Rio Locsin, Sarsi Emmanuelle, Myrna Castillo, at Pepsi Paloma.
PHOTO/S: File/ Jojo Gabinete
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results