Nagsisisi at humihingi ng tawad ang veteran showbiz columnist na si Ronald Carballo sa Megastar na si Sharon Cineta.
Sa open letter na inilabas niya sa kanyang Facebook page ngayong Lunes ng umaga June 22, inamin ni Carballo na nagkamali siya sa mga isinulat niya tungkol kay Sharon at sa pamilya nito.
Ang now-deleted blind item sa Facebook page ni Carballo ang isa sa mga rason ng matinding galit ni Sharon dahil idinamay ang kanyang pamilya, particularly ang anak niyang si KC Concepcion.
Labis na nasaktan ang actress-singer na nagbitaw ng salita noong Sabado, June 20, na: “I will exhaust everything in my power to give you exactly what you deserve. Pangalan at reputasyon ko ang matagal mo nang sinisira.”
Nitong Lunes ng madaling-araw, isang open apology letter para kay Sharon ang nais iparating sa kanya ni Carballo.
Umaasa ang veteran showbiz columnist na mapatawad siya ng dating kaibigan.
Ito ang kabuuang mensahe ni Carballo para kay Sharon (published as is):
“PATAWAD, SHAWIE...Linggo ng gabi. Ayoko nang paabutin pa ng isang susunod na umaga pa uli, na masamang-masama ang loob sa akin ng kaibigang SHARON CUNETA.
“Habang ako'y di makatulog, nasasaktan din at puno ng pag-aalala sa idinulot kong sakit sa kanyang kalooban.
“Nagkamali ako. Buong pagpapakumbaba, gusto kong humingi ng tawad kay Sharon; sa kanyang buong pamilya; sa kanyang mga tagahanga at sa lahat ng tulad kong nagmamahal sa kanya.
“Nasaktan din ako sa mga nagdaang taon ng aming paghihiwalay bilang magkaibigan dahil sa mga hindi pagkakaunawaan, dulot ng mga paninira at intriga.
“Kaya humantong sa ganito. Pero hindi na mahalaga ang nakaraang yun.
“Nagkamali ako. Sa tulong ng mahabang pagdarasal, at sa payo na rin ng aking Nanay na 80-years old na mahal na mahal si Sharon, mula sa kaibuturan ng aking puso, kailangan kong humingi ng tawad kay Sharon.
“Sana tulad ng ilang alaala sa mga larawan, hindi ko pinanaig ang tampo na nauwi sa galit.
“Sana nag-focus at kumapit na lang ako sa magagandang pinagsamahan ng tunay na pagkakaibigan at mga naiwang ginintuang alaala.
“Napakasakit na katotohanan yung, ang aking panulat na tumulong at nag-angat sa isang simpleng 15-year old na Sharon Cuneta na puno ng pangarap mula sa unang pelikula nyang 'Dear Heart', hanggang sa sya'y maging isang Megastar, ay ang panulat din na sumira at nanakit ng kanyang damdamin ng sobra-sobra.
“Maling-mali ako. Sinsero ako at paulit-ulit akong humihingi ng tawad.
“Napakasakit din sa kalooban ko na ang natatanging minahal ko sa industriyang ito na higit pa sa tunay kong kapatid, na pinaglaanan ko rin ng higit sa kalahati ng buhay ko, ay sinaktan ko ng lubos.
“Mula sa maliit na hinampo, di ko rin mapapatawad ang sarili ko kung habang buhay na lang kaming magkakasakitan at hindi na magkakaunawaan kailanman. Hindi na kami mga bata. Lalo ako.
“May mga karamdaman na rin ako at inopera na ko sa puso. Hindi ko na kakayaning mabuhay araw-araw nang may damdaming sinasaktan.
“Lalo ko lamang sinasaktan ang aking sarili. Nadala lamang ako ng mga inipong maling simbuyo ng damdamin.
“Buong pagpapakumbaba, patawarin mo ko, Shawie. Sana makarating sa puso mo ang taus-puso kong paghingi ng tawad.
“Kung anuman ang pwede kong gawin para mabawi ang mga panahong nasayang sa pagitan nating dalawa, ay nakahanda akong pagsikapang muling buuin.
“Sana bigyan mo ko ng pagkakataong magkausap tayo ng maayos, upang sa Ngalan ng Panginoon, ay personal akong makahingi ng tawad sa iyo.
“Di man ganung kadali, sana kahit paano, madugtungan pa ang mga magagandang pinagsamahan natin sa mahabang mga taon.
“Sana muli tayong magkaunawaan. Muli, sana mapatawad mo ko.
“Mahal na mahal kita, Shawie...mula 1981 na sabay tayong nagsimula sa pelikula--hanggang ngayon. Patawarin mo ko...”
Bukod sa pagiging showbiz columnist, si Carballo ay isa ring scriptwriter at direktor.
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika