Mark Anthony Fernandez may mabigat na pinagdaraanan; nami-miss ang anim na anak

by Jojo Gabinete
Aug 2, 2020
Mark Anthony Fernandez about his children: "Ang pangarap ko, kapag nagkaroon ako ng maraming pera, by God’s will, gusto ko na magkakasama kami para makabawi ako sa kanila."
PHOTO/S: File

"Mas okey okey na, medyo nakahinga na. Nagpapasalamat ako na naging okey na.”

Ito ang sagot ni Mark Anthony Fernandez nang kumustahin siya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) noong July 22, 2020.

Ngunit hindi maikakailang malungkot ang tono ng boses ng aktor sa telepono.

Inamin naman nitong mayroon siyang pinagdaraanan sa kanyang pamilya.

"Medyo may kabigatan nang konti dahil ang nangyari, nasa Tarlac ako noon, lumipat ako ng Parañaque, hindi kami nagkasundo ng second wife ko kumbaga."

Hindi nagdetalye si Mark sa problema nila ng kanyang non-showbiz partner, pero nangyari ito nung panahon ng Enhanced Community Quarantine (ECQ), na nagsimula noong March 16.

Kaya ngayon, nakikitira ito sa bahay ng isang kaibigan sa Dau, Pampanga.

Aniya, "Laking pasasalamat ko sa lahat ng mga tao na tumulong sa akin noong height ng ECQ dahil sa COVID-19.

"Tinanggap nila ako, tinulungan, dahil nga may naging problema rin ako."

Ano naman ang naging karanasan niya noong ECQ na hindi niya makakalimutan?

Continue reading below ↓

Tungkol pa rin sa pinagdaraanan niya ang naging sagot ni Mark, "Hindi ko ginawa, pero hindi kasi ako mapanghusga na tao.

"Pero umabot ako sa punto na kinailangan ko na pilitin ang sarili ko na maghusga.

"Hindi kaya ng damdamin ko. Yun ang pinakamabigat para sa akin. Ayoko nang ikuwento.

"Ano lang, sure survival siya or kailangan mo mag-decide, at para makapag-decide ka, kailangan mong maghusga.”

Sa aming pag-uusap, maraming ganitong kuwento si Mark na may kabigatan, pero hindi niya binubuo. Minsan, tila lumiliko ang isip niya. Naiiwang palaisipan tuloy ang ilang binibitiwan niya.

PANGARAP SA BUHAY

Nang tanungin ng PEP.ph ang nami-miss niya ngayong may pandemya, pamilya pa rin ang tinukoy ng aktor.

"Nami-miss ko ang pamilya. Nami-miss ko yung pamilya ko na naghiwalay kami dahil seven years din kaming magkasama."

Sa edad ngayon na 41, ang hangarin daw ni Mark ay makasama lahat ng anak niya at makabawi sa kanila. Kabilang dito ang Kapamilya teen actor na si Grae Fernandez.

Continue reading below ↓

Aniya, "Anim na ang lahat ng anak ko. Yung iba, malalaki na nang makilala ko. Hindi ko sila nakikita lahat, pero kasama nila ang mga mama nila.

"Ang pangarap ko, kapag nagkaroon ako ng maraming pera, by God’s will, gusto ko na magkakasama kami para makabawi ako sa kanila."

Hindi lumaki sa pamilyang buo si Mark dahil bata pa lang ay naghiwalay na ang mga magulang niyang sina Rudy Fernandez at Alma Moreno, mga malalaking artista sa pelikula noon.

Continue reading below ↓

Pero itinatanggi ni Mark na may epekto sa kanya ang pagiging produkto ng broken family.

Hindi raw dapat iasa ng anak sa magulang ang sariling kaligayan. Ang mahalaga raw ay makahanap ng maayos na relasyon, na siya rin daw madalas niyang ibilin sa mga anak.

"Ang lagi kong sinasabi sa mga anak ko, 'Anak, ang pilosopiya ko—ang buhay, hindi ako, ikaw, o ang mama mo.

"Ang buhay, ikaw at ang minamahal mo na kasintahan. Yung romansa mo. Yun ang pinaka-importante.

"Yun ang buhay mo, hindi ako. Nandito lang ako para yakapin ka habang baby ka, pero kapag malaki ka na, ang buhay mo talaga, yung romansa mo.'"

Ganito raw ang ginawa niya sa sarili niyang buhay, "Nung naghiwalay ang mama at papa ko, kumbaga, hindi ko problema iyon. Para sa akin, problema nila iyon."

Sa huli, sabi ni Mark, "Nagpapasalamat ako dahil hindi naman sila nagkulang ng pagmamahal sa akin, yun ang importante."

Ipinasok din niya ang Diyos, "Ang importante, ang Diyos ang nasa sentro ng pamilya."

Continue reading below ↓

MISYON SA BUHAY

Alam na ba niya ang misyon niya sa buhay?

"My calling? Yung ibang tao, ang calling nila maging duktor, maging general, magkawanggawa.

"Ako, ang feeling ko, ang calling ko is to be maging artista na makakagawa ng maraming pelikula at magbigay ng magandang ehemplo."

Gusto raw niyang maging isang Richard Gomez, na ngayon ay aktibo rin sa pulitika bilang mayor ng Ormoc.

Sa pagpapatuloy ni Mark, "In layman’s term, sundan ang yapak ni Richard Gomez kasi magandang ehemplo si Goma."

Ang isang common denominator nina Mark at Goma ay naging talent manager nilang pareho ang yumaong si Douglas Quijano.

Kilala sa showbiz bilang "Tito Dougs," malapit ang talent manager sa mga artista nito, at prinoproblema nito pati mga kusot sa buhay ng kanyang talents, gaya ni Mark, na galing sa broken family at nalulong sa drugs.

MILAGRO SA BUHAY

Ang blockbuster Philippine adaptation ng Korean movie na Miracle in Cell No. 7, na official entry sa 45th Metro Manila Film Festival noong December 2019, ang huling pelikula ni Mark Anthony Fernandez.

Continue reading below ↓

Gumanap siya rito bilang kaibigan sa preso ng karakter ni Aga Muhlach.

Dahil napag-usapan ang milagro, inusisa namin kung may mga nangyaring mga milagro sa kanyang buhay.

Ang tattoo niya sa katawan at ang nakakatakot na aksidente niya noon ang mga kinuwento ni Mark.

"Yung tattoo ko, medyo malalim ang kuwento nito. Yung tattoo ko, nag-form siya ng Zion symbol. Siguro dahil maka-Diyos ako.

"Bigla siyang nag-form ng Zion, dati number one lang siya. Nag-form siya into Zion nang may gagawin ako na pelikula sa Viva noon, sinabi nila, patungan ko yung tattoo dahil hindi sila nagagandahan.

"Hanggang sa umabot kami ng kamandag, hanggang nag-form na siya ng Zion."

Binalikang-tanaw din niya ang isang aksidente na nangyari noong kabataan niya at kasagsagan ng kanyang career bilang teen idol. Girlfriend niya nun si Claudine Barretto.

"Isa pang milagro sa buhay ko, noong naaksidente ako, umikot yung sasakyan ko, L-300 ang dala ko. Siguro thirty meters away, mahuhulog ako sa forty feet sa Skyway na ginagawa ng mga panahon na iyon.

Continue reading below ↓

"Kami pa ni Claudine Barretto noon, 1998 yata o 1997. Madaling-araw noon. Medyo inantok ako sa pagda-drive.

"Talagang disoriented ako, in total shock. Nagising ako the next day, hindi ako makapaniwala na nangyari iyon. Total wreck ang kotse ko noon."

At dahil nabanggit niya ang pangalan ni Claudine, tinanong namin ang estado ngayon ng pagkakaibigan nila ng kanyang ex-girlfriend.

"Medyo nagkakatampuhan kami ni Claudine," pag-amin ni Mark. "Ewan ko ba kung anong nangyari. Biglang nagkatampuhan, dalawang beses siya na na-bad trip sa akin for no reason.”

Hindi niya nilinaw ang pangyayari, ngunit nahinuha naming nagkita ang dalawa.

Nagwakas ang pakikipag-usap namin kay Mark tungkol sa isang kinatatakutan niya: ang kamatayan.

"Siyempre, alam ko, balang araw mamamatay rin ako. Ikinakatakot ko rin iyon. Ang gusto ko lang siguraduhin, kapag mamamatay ako, dapat nakahingi ka na ng kapatawaran sa Diyos.”

Si Mark ay isa sa pinakamahusay na aktor sa showbiz.

Read Next
Featured
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
Mark Anthony Fernandez about his children: "Ang pangarap ko, kapag nagkaroon ako ng maraming pera, by God’s will, gusto ko na magkakasama kami para makabawi ako sa kanila."
PHOTO/S: File
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results