Ted Failon, umagos ang luha sa pagpapaalam sa DZMM

by Jojo Gabinete
Aug 31, 2020
Ted Failon: "Para po sa ating mga manonood at tagapagtangkilik, hindi po ako nagpapaalam. Ako po ay nagpapasalamat ng lubos sa ngalan po ng aking pamilya, maraming-maraming salamat po."
PHOTO/S: Screen grab from Teleradyo

Umagos ang luha mula sa mga mata ni Ted Failon nang magpaalam siya sa lahat ng viewers at listeners ng Failon Ngayon Sa Radyo sa DZMM.

Ngayong Lunes, August 31, ang huling broadcast ng radio program ni Ted sa DZMM.

Hindi matapos-tapos ang pasasalamat ni Ted sa management ng ABS-CBN, sa lahat ng mga nakatrabaho, at sa mga tumangkilik sa kanyang mga programa sa loob ng tatlumpong taong paglilingkod niya sa Kapamilya Network.

Binalikan ni Ted ang simula ng kanyang career sa ABS-CBN noong June 1990, ang pagpapautang sa kanya ng management ng P20,000 para makalipat sila ng pamilya niya mula sa apartment na uupahan sa Cubao, at ang paghahatid sa kanila ng crew cab ng network patungo sa bagong tahanan nila.

"Magmula po noong ako’y tinanggap sa ABS-CBN noong pong June 1990, utang ko po sa ABS-CBN kung sino ako ngayon.

"Napakalalim at personal po ang aming pinagsamahan. Alam po ni Mr. Gabby Lopez that radio is my passion, at alam din po ito ng aming napakabait na boss na si Ma’am Ging Reyes.

Continue reading below ↓

"Kahit anong hirap bumangon sa umaga dahil sa sama ng pangangatawan, sakit na iniinda, may pasan man na problema, babangon at babangon ka para sa iyong programa."

Patuloy ni Ted, "Radio is my therapy. Dito po ako kumukuha ng lakas, dito ko po nakakalimutan ang napakaraming problema sa buhay.

"At sa pamamagitan po ng malalim at pinag-isipang pagtalakay at pag-aanalisa ng mga isyung pambayan ay nakakapag-ambag po ang aming palatuntunan sa radyo sa pagmulat po ng kaisipan ng mga mamamayan sa mga totoong nangyayari sa ating lipunan."

Inisa-isa rin niya ang lahat ng mga naging programa niya sa DZMM at ABS-CBN, kasama sina Noli de Castro, Korina Sanchez, Connie Sison, Pinky Webb, at Gel Santos-Relos.


Continue reading below ↓

Ted Failon and Korina Sanchez in Harapan


Ted Failon with Connie Sison in Hoy Gising!

Siyempre, hindi nakalimutang pasalamatan ni Ted ang kanyang kasama sa Failon Ngayon Sa Radyo na si DJ Chacha.

"Ako po ay nagpapasalamat kay DJ Chacha na ako ay kanyang sinasamahan sa teleradyo. Siya po ay nakapagbibigay saya at kulay sa programa.

Continue reading below ↓

"Baby Girl Chacha, mahal kita. Salamat ng marami."

Sa huli ay pinasalamatan ni Ted ang kanyang pamilya, mga tagapakinig, at mga manonood.

Saad niya, "Ngunit ito nga po, napakasakit na tanggapin ng katotohanan na ngayon po ay wala na sa himpapawid ang DZMM, at maging ang DWRR, at ang lahat ng mga himpilan po ng aming network sa buong Pilipinas.

"Para po sa ating mga manonood at tagapagtangkilik, hindi po ako nagpapaalam. Ako po ay nagpapasalamat ng lubos sa ngalan po ng aking pamilya, maraming-maraming salamat po.

"Sa lahat po ng nagtiwala at sa lahat ng patuloy na nagtitiwala sa inyong lingkod, maraming-maraming salamat po, lalong-lalo na po sa aking mga mahal na senior citizens, marami pong salamat sa inyo.

"Maraming-maraming salamat po sa lahat ng aming Kapamilya na nandiyan pa po at nanonood sa amin.

"Wala pong pagsidlan ng kaligayahan na malaman po na kayo’y nandiyan pa rin at nauunawaan ang mga pangyayaring ito,” ang wagas at lumuluhang bahagi ng mahabang pasasalamat ni Ted.

Continue reading below ↓

Ngayong nagpaalam na siya sa DZMM at ABS-CBN, marami ang nagtatanong kung saang istasyon lilipat si Ted.

Malakas ang bulung-bulungang kasado na ang paglipat ni Ted sa TV5 at sa radio station nitong Radyo Singko.

Ang pagpapaalam ng mga programa ng ABS-CBN at DZMM ay bunsod ng pagbasura ng Kongreso sa franchise ng broadcast giant noong July 10, 2020.

Tinupad ng Kongreso ang kagustuhan ni Pangulo Rodrigo Duterte na huwag bigyan ng bagong prangkisa ang Lopez-owned ABS-CBN dahil sa personal na galit nito sa network at sa mga Lopez na nagmamay-ari nito.

RELATED STORIES

Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika

Read Next
Featured
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
Ted Failon: "Para po sa ating mga manonood at tagapagtangkilik, hindi po ako nagpapaalam. Ako po ay nagpapasalamat ng lubos sa ngalan po ng aking pamilya, maraming-maraming salamat po."
PHOTO/S: Screen grab from Teleradyo
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results