Si Gabby Concepcion ang kauna-unahang aktor na nakakuha ng perfect score sa Saturday edition ng "Bawal Judgmental," ang popular segment ng Eat Bulaga!
Sa tulong ng kanyang home partner na si Camille Burayag ng Nueva Ecija, nahulaan ni Gabby ang wastong sagot tungkol sa choices na tinanghal na grand champion sa mga international competition at ang tamang tanong na, "Sila ba ay naging guest performer sa isang international television show?"
Si Gabby ang ikalawang contestant ng "Bawal na Judgmental" na nanalo ng PHP50,000 dahil walang sablay ang mga sagot niya.
Noong July 4, 2020, ang basketball player na si Arwind Santos ang unang player na nagkaroon ng perfect score sa nabanggit na segment.
Si Rhap Salazar at ang transgender woman na si Mariko Ledesma ang dalawa sa pitong choices sa Saturday episode ng "Bawal Judgmental."
Parehong pamilyar sa televiewers ang dalawa dahil sa kanilang mga television exposure.
Winner si Rhap sa Little Big Star, ang singing contest ng ABS-CBN, noong 2005, at Junior Grand Champion sa 13th World Championships of Performing Arts sa Los Angeles, California noong July 2009.
Lumabas din siya bilang child actor sa mga television shows ng Kapamilya Network.
Veteran contestant naman sa mga television show, local and international, si Mariko na unang sumali sa "Pretty Boy" contest ng Eat Bulaga! noong kabataan niya at lalake pa ang kanyang physical appearance.
Nakarating si Mariko sa grand finals ng "Pretty Boy," pero hindi siya sinuwerte na magwagi.
Nang maging ganap na transgender woman si Mariko, naging contestant ito sa "Super Sireyna" ng Eat Bulaga! at sa kasamaang-palad, umuwi ring luhaan.
Noong nakaraang taon, grand finalist si Mariko ng "Tawag ng Tanghalan" ng It’s Showtime pero nag-back out siya dahil sa depression.
Hindi kinaya ni Mariko ang online bashing at ang akusasyong nagkaroon ng dayaan dahil ang kanyang kalaban na si Mariane Osabel ang dapat daw na nanalo at hindi siya.
Miyembro si Mariko ng Miss Tres, ang Filipino singing trio na sumali at napansin sa mga international talent competition na Britain’s Got Talent ( 2018) at Asia’s Got Talent (2015) dahil babae ang kanilang mga pisikal na anyo, pero malalim ang male vocals kapag umawit.