Stella Strada: '80s sexy star na nagbigti sa kabila ng kanyang kasikatan

by Jojo Gabinete
Oct 31, 2020
Stella Strada, Suzette Bishop in real life, was at the peak of her career when she committed suicide on December 28, 1984.

Sa kabila ng pagpapasara sa mga sementeryo, columbarium, at memorial parks upang maiwasan ang mass gathering, walang makapipigil sa mga likas na sentimental na Pilipino na gunitain bukas, November 1, ang All Saints Day.

Ito ang araw na iniuukol para sa kanilang mga namayapang mahal sa buhay.

Naaalaala rin tuwing All Saints Day ang mga sikat na artistang pumanaw na gaya nina Fernando Poe Jr., Dolphy, Rudy Fernandez, Julie Vega, at Rico Yan.

Pero isang sexy star na sumikat nang husto noong 1983 hanggang 1984 ang halos hindi na matandaan ng publiko dahil sa kanyang short-lived career—si Stella Strada.

Namatay si Stella, sa pamamagitan ng pagbibigti sa sarili, noong December 28, 1984.

Nakalibing si Stella sa Loyola Memorial Park sa Sucat, Parañaque City.

Continue reading below ↓

THE DISCOVERY OF STELLA STRADA

Si Robbie Tan, producer ng dating film outfit na Seiko Films, ang discoverer ni Suzette Bishop.

Siya rin ang nag-isip ng screen name na Stella Strada.

Stella Strada na si Suzette nang inilunsad sa pelikulang Kirot, na ipinalabas sa mga sinehan noong March 4, 1983.

Kapareha ni Stella rito sina Dennis Roldan at Edgar Mande.


Continue reading below ↓

Robbie Tan

Ito ang kuwento ni Robbie tungkol sa araw na matuklasan niya si Stella at nagdesisyon siyang mag-build up ng bagong sex symbol ng Pilipinas:

"Ang second movie ko is Kirot. May photographer na nagpakita sa akin ng picture ni Stella Strada.

Ang ganda niya. Parang fascinated ako. 'Ang ganda nito, ha!' Saka ang lakas ng appeal sa picture.

"Pero ang sabi ng photographer, ‘May problema. Drug addict siya, 'tapos maraming hiwa sa pulso.'"

Patuloy ni Robbie, "Nag-meet kami ni Stella sa Seiko office sa New Manila. Nagpunta siya kasama ang lola niya.

"Nineteen years old siya noon. Pinabata ko lang ang edad niya. Binawasan ko nang maging artista siya.

"Sabi ko, 'Paano ko ito mapapasikat? Pinag-isipan ko nang husto.

"Inisip ko ang pangalan, Stella mula sa pangalan ng nanay ni Richard Gomez [Stella Suarez]... Strada, si Joseph Estrada na favorite ko.

"Pero inalis ko ang letter E para SS ang initials. Saka parang sa Spain, may Strada.

Continue reading below ↓

"I have to think of a name na mataas at malakas ang recall. Parang maganda ang image.

"Nag-pictorial kami, pinush ko siya sa publicity, at itinago ko siya sa public."

Nang mamatay si Stella noong December 1984, ang nakalagay sa mga newspaper report ay 17 years old siya.

Pero malinaw ang sinabi ni Robbie na 19 years old ang aktres nang ma-discover niya.

Pinabata lamang ni Robbie si Stella sa mga publicity kaya lumilitaw na dalawampu’t isang taon ang tunay na edad ng kanyang contract star nang magpakamatay ito.

KIROT BREAKS BOX-OFFICE RECORDS

Ang direktor ng Kirot ay si Arsenio "Boots" Bautista, na pumanaw noong 2019.

Pagtukoy ni Robbie kay Direk Arsenio, "Magaling siya. Naka-eighteen shooting days ang Kirot."

Sabi pa ng Seiko Films producer, "Idea ko ang poster ng Kirot na ginawa ni Vic Delotavo.

"Alam mo, sexy pero nakakaiyak ang Kirot.

"Walang presscon noon. Nagpapagawa lang ako ng publicity. Ako ang nagsasabi ng slant."

Continue reading below ↓


Gumawa noon ng kasaysayan ang Kirot: Nagsara ang movie houses na pinagtatanghalan ng second film project ng Seiko Films. Hindi na kasi magkasya ang mga tao sa loob ng sinehan.

Personal naming nasaksihan noon ang pandemonium, ang pagsasara ng gates ng mga sinehan, at ang pakikipag-away ng mga tao sa mga security guards ng Diamond Theater sa Cubao at Eastside Cinema ng Broadway Centrum sa Aurora Boulevard.

Lahat gusto manood ng Kirot, pero hindi na sila pinapapasok.

Continue reading below ↓

Bihirang puntahan ng manonood ang Eastside Cinema, pero napupuno ito kapag ang pelikula ni Stella ang palabas.

May kuwento rin si Robbie tungkol sa pag-aagawan nila noon ni Mother Lily Monteverde ng Regal Films sa Gotesco Cinema, sa may Recto Avenue sa Maynila. Ang sinehang ito ang basehan kung malakas sa box office ang pelikula.

"At that time, naka-plan 2 kami, showing kami sa Gotesco," kuwento ni Robbie. "Galit na galit noon si Mother Lily kasi siya ang kalaban namin.

"Gusto ni Mother, ang movie niya ang ilabas sa Gotesco. Ayaw niya na ipa-open ang Kirot sa Gotesco, pero ang haba ng pila ng mga tao.

"Ako ang pinaboran ng Gotesco management, kasi sobrang dami ng mga tao sa labas na nagtutulakan para makapasok sa loob ng sinehan.

"Ang lakas ng Kirot! First day, nagsara ang mga sinehan. Super lakas ng Kirot sa mga sinehan, lalo na noong second day.

Continue reading below ↓

"Yung nalugi ko sa first movie ng Seiko, ang Dos Por Dos, nabawi ko sa kinita ng Kirot."

Ang Panlaban: Dos Por Dos (1981) ay action film na pinagbidahan nina Rex Lapid at Bomber Moran, sa direksiyon ni Mike Relon Makiling.

HOT STORIES

THE MAKING OF STELLA STRADA

Dalawang taon ang exclusive contract ni Stella sa Seiko Films.

Certified blockbuster ang lahat ng mga pelikula niya mula sa Kirot (1983), Angkinin Mo Ako (1983), Hanguin Mo Ako sa Putik (1983), Sex Education (1984), at Malisya (1984).

Continue reading below ↓

"Two years ang contract ni Stella sa Seiko, pero ipinahiram ko siya kay Atty. Espiridion Laxa," pagtukoy ni Robbie sa producer ng Tagalog Ilang-Ilang Productions.

"Kumita rin ang pelikula ni Atty. Laxa. Ang lakas ni Stella, lagi siyang nasa front page ng mga diyaryo.

"Maganda siya, wala siyang ipinapakita. Parang pisngi lang ng langit. Sabi ko, dapat teasing lang.

"Lahat ng pictorial niya, ako ang nag-supervise."

Itinago raw ni Robbie si Stella sa publiko at inilayo sa mga kaibigan para maputol ang masamang bisyo nito—ang paggamit ng illegal drugs.

"Kinuha ko si Stella, nakatira siya sa isang apartment sa Malabon, kasi gusto ko siyang mawala sa mga addict. Inilayo ko siya.

"Yun ang usapan namin ng kanyang lola. Ang lola naman, kahit ano gusto.

"So, ikinulong ko siya sa apartment. Kumuha ako ng maid para sa kanya, 'tapos meron siyang isang alalay.

"And I found out, yung alalay niya, drug addict!"

Continue reading below ↓

Ayon kay Robbie, sinasaktan daw ni Stella ang sarili kapag gumagamit ng drugs.

"Kapag gumagamit si Stella, naghihiwa siya ng pulso. Grabe.

"Sinasabihan ko siya. Oo siya nang oo, pero alam mo kapag sabik na sa drugs, wala na. Mahirap talaga lalo.

"Hindi pumasok sa isip ko na maiksi lang ang buhay niya dahil sa kanyang bisyo."

STELLA HANGED HERSELF

Hindi naging dahilan ang pagiging top sex symbol niya para maging maligaya si Stella.

Wala na sa bakuran ng Seiko Films si Stella nang kitilin nito ang sariling buhay noong December 28, 1984.

Ayon kay Robbie, "Tumakas siya, umalis sa apartment sa Malabon, kasama yung alalay niya.

"I felt so depressed nang malaman ko na nagpakamatay siya.

"In fact, pumunta ako sa apartment niya sa San Juan para kunin ang mga damit niya, yung isusuot niya.

"Inasikaso ko siya, although yung pinaglibingan niya, sa Loyola Memorial Park, si Atty. Laxa ang sumagot."

Continue reading below ↓


Kasabay ni Stella na nagbigti ang kanyang gay personal assistant na si Rene Mas, sa apartment na inuupahan ng aktres sa Jose Abad Santos Street, San Juan City.

Ang kasambahay na si Emma Ordinario ang nakakita sa mga walang buhay na katawan nina Stella at Rene.

Si Emma rin ang ang nagkumpirma sa authencity ng unsigned suicide note ni Stella, na sumasalamin sa matinding kalungkutang nararamdaman nito sa gitna ng tagumpay na tinatamasa.

Continue reading below ↓

Ito ang nilalaman ng suicide note na iniwan ni Stella:

"Mommy, walang nagmamahal sa akin at walang nakakaintindi dito. Mahal ko kayong lahat.

"Isang bagay lang ang hinihiling ko. Pakisunog ninyo lahat ng gamit ko at walang ititira."

STELLA'S WAKE

Mula sa inuupahang bahay sa San Juan, dinala muna ang bangkay ni Stella sa Funeraria Oro sa 20th Avenue, Quezon City.

Kahit hindi na siya contract star ng Seiko Films, si Robbie ang nagpasyang ilipat sa Loyola Memorial Chapels sa EDSA, Guadalupe, Makati City, ang burol at lamay para sa fallen star.

Kabilang kami sa mga nagpunta, pumila, at nakiusyoso noon sa chapel na pinaglagakan sa mga labi ni Stella para makita siya sa una at huling pagkakataon.

Pinaglamayan si Stella sa chapel na pinagburulan din kay Claudia Zobel, na namatay sa isang vehicular accident sa Mantrade, Edsa area, noong February 10, 1984.

Nagpunta si Stella sa burol ni Claudia para makiramay sa kapwa sexy actress na karibal niya noon sa popularidad.

Continue reading below ↓

Walang kamalay-malay si Stella na makalipas ang sampung buwan, siya naman ang nakahimlay sa naturang chapel.

Tulad ni Claudia, kulay puti rin ang damit na suot niya sa ataul.

Kuwento ni Robbie, "Ipinalipat ko siya sa Loyola Memorial Chapels.

"Buhay pa noon ang lola niya, pero ang feeling ko, ang lola niya hindi masyadong concerned sa kanya.

"Hindi naman rebelde si Stella, pero parang ang hirap niyang ikontrol."

Ayon sa Seiko Film producer, walang nakarelasyong artista si Stella noong nabubuhay pa ito, pero isang aktor ang interesadong-interesado noon sa sexy star dahil ang "ganda-ganda" nga nito.

"Maamo ang mukha niya, sobra," pag-alala ni Robbie.

Ang sunugin ang lahat ng kanyang mga gamit ang huling bilin ni Stella, na tila pahiwatig na ayaw niyang may maiwang memorya nang tuluyan na siyang makalimutan ng tao.

Hindi na alam ni Robbie ang nangyari sa mga personal na gamit ni Stella dahil ipinaubaya na nito sa mga naulilang kamag-anak ang pagpapasya.

Continue reading below ↓

STELLA'S PERENNIAL LEADING MAN

Si Edgar Mande ang perennial leading man ni Stella Strada, at sila ang magkatambal sa lahat ng mga blockbuster sexy movies sa Seiko Films.

U.S.-based na ngayon si Edgar, 60.


Edgar Mande then and now

Kagabi, October 30, nakipag-ugnayan sa kanya ang Cabinet Files para mahingan ng pahayag tungkol sa pagkakakilala niya kay Stella.

Continue reading below ↓

Pagbabalik-tanaw ni Edgar, "Four movies ang nagawa namin.

"Yung Kirot noong 1983, 23 years old ako noon. Si Stella yata, 16 or 17 years old siya."

(Pero ayon nga kay Robbie, binigyan niya ng ibang screen age si Stella kaya nabawasan ang edad ng sexy actress.)

Patuloy ni Edgar, "Mabait si Stella. Tahimik lang siya sa shooting. Normal lang kung kumilos.

"Sa palagay ko, hindi siya nalulong sa drugs. Siguro tumikim, pero hindi yung naging addict sa drugs.

"Wala akong napansin na kakaiba sa ugali niya. Normal lang siya, batang kumilos.

"Puro out of town ang lahat ng mga pelikula na ginawa namin, except yung Sex Education, sa Manila lang ang shooting nun."


Continue reading below ↓

Edgar Mande and Stella Strada in Hanguin Mo Ako Sa Putik

Sa lahat ng mga pelikulang pinagsamahan nila ni Stella, hinding-hindi raw makakalimutan ni Edgar ang Angkinin Mo Ako.

Lahad niya, "Sa Mindoro ang location at more than a month kami doon.

"Halos gabi-gabi, kapag walang shooting, kuwentuhan kami. Ang saya namin, yon ang hindi ko makakalimutan."

Patuloy ni Edgar, "Masaya ako dahil blockbuster ang lahat ng movies namin.

"Siyempre, ang saya ko dahil isa siya sa mga nakatulong sa career ko."

Kinumpirma ni Edgar ang sinabi ni Robbie na maraming hiwa sa pulso si Stella.

Pero tulad ng kanyang pahayag, ayaw niyang maniwala na lulong sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot ang sexy actress.

"Marami siyang slash marks sa left and right ng pulso niya.

"Ang sabi ni Rene, yung baklang alalay niya, naglalaslas si Stella kapag nagagalit.

"Naglalaslas siya dahil sa maraming problema sa family na pinagdaraanan niya noong nagdadalaga."

Continue reading below ↓

Nang pumutok ang balitang nagpakamatay si Stella, nabigla si Edgar dahil hindi ito makapaniwalang magagawa ng young actress na tapusin ang sariling buhay.

Saad ng dating aktor, "Hindi ako makapaniwalang gagawin niya ‘yon. Kasi yun ang kasikatan ng career ni Stella at yun ang pangarap niya—ang matulungan ang pamilya niya.

"Noong nagwo-workshop kami kay Direk Marilou Diaz Abaya, ipinakita sa akin ni Stella yung bagong car niya na Telstar, kaya nakakapagtaka na nagbigti silang dalawa ni Rene.

"Until now, question mark pa rin sa akin ang pagpapakamatay nila.

"Hindi ako pumunta sa wake niya kasi ayaw kong makita siya na nasa kabaong."

Pagtatapat pa ni Edgar, "Kung natuloy sana yung fifth movie namin, liligawan ko na dapat siya.

"Pero, hindi nga nangyari dahil namatay siya."


Ang depresyon ay seryosong usapin.
May mga organisasyong handang tumulong sa mga taong dumaraan sa ganitong kondisyon.

Katulad ng National Center for Mental Health na inilunsad ng Department of Health. Maaari silang tawagan sa mga sumusunod na 24/7 hotline: 0917 899 8727 (USAP); at 989 8727 (USAP)

Continue reading below ↓

RELATED STORIES

Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika

Read Next
Featured
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
Stella Strada, Suzette Bishop in real life, was at the peak of her career when she committed suicide on December 28, 1984.
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results