Robbie Tan, inilahad ang pagsisimula at pagsasara ng Seiko Films

by Jojo Gabinete
Nov 23, 2020
Seiko Films producer Robbie Tan on his decision to stop producing movies: “Tumigil ako sa pagpo-produce dahil naisip ko, hawak na ng Star Cinema. Saka ang Star Cinema, kapag kalaban mo, hindi ka pwedeng mag-promote sa ABS-CBN. E, yun ang pinakamalakas."

Mabilis ang takbo ng panahon kaya hindi namamalayan na labintatlong (13) taon na ang nakalilipas mula nang ipalabas sa mga sinehan ang Silip, ang huling pelikulang ginawa ng Seiko Films, noong June 6, 2007.

Silip poster starring Polo Ravales, Diana Zubiri and Francine Prieto.

Ang Seiko Films ay ang film outfit ng businessman na si Robbie Tan.

Continue reading below ↓

Mga bida sa Silip sina Diana Zubiri at Francine Prieto, ang mga huling contract star ng Seiko Films na itinatag ni Robbie noong 1981.

HOW ROBBIE STARTED IN SHOWBIZ

Ang Panlaban: Dos Por Dos (1981), pinagbidahan nina Rex Lapid at Bomber Moran, ang unang movie project ng Seiko Films.

Ito rin ang unang movie appearance ni Sharon Cuneta bago siya sumikat nang husto sa kanyang launching movie na Dear Heart noon ding 1981.

Rex Lapid and Bomber Moran in Panlaban: Dos Por Dos.

Continue reading below ↓

Pero nasubukan na ni Robbie mag-produce ng pelikula noon pang 1978.

Ito ay ang Balatkayo na tinampukan nina Alma Moreno, Trixia Gomez, Roel Vergel De Dios, Tito Sotto, Vic Sotto, at Joey de Leon.

Balatkayo ang una kong film,” ang sagot ni Robbie nang makausap siya ng Cabinet Files.

“Si Alma Moreno at saka mga singing star ang mga bida. Kanta lang ni Anthony Castelo ang ginamit ko."

Ang "Balatkayo" ay ang hit song ng '70s singing heartthrob na si Anthony Castelo.

Patuloy ni Robbie, "Tatlo kami ng mga classmate ko sa Asian Institute of Management [AIM] na nag-venture sa movie production.

“Ang gastos nga namin, P1.5 million, P500,000 each ang share namin.

"Gumawa kami ng pelikula, kumita siya. Nagulat kami pero we found out na may monkey business ang isang staff. May mga patong siya, mga kickback.

“Surprisingly, na-recoup pa namin ang capital namin at kumita kami ng P200,000, which was malaki at that time.

Continue reading below ↓

"So na-fascinate ako, okey pala. Nag-isip ako, kinausap ko si Mike Relon Makiling at gumawa kami ng pelikula, yung Dos Por Dos."

Isa sa mga bankable directors si Direk Mike noon. Kabilang sa hit movies niya ang Iskul Bukol (1980), Age Doesn't Matter (1980), Siga (1980), at Tatak Munti (1980).

“Ang gusto ko talaga na kuning bida, si Lito Lapid, kaya lang hindi siya pwede noon at saka mataas ang talent fee niya," banggit pa ni Robbie sa sikat na action star noong si Lito.

Sa kasalukuyan ay isa nang senador si Lito Lapid.

“Ang sabi ni Mike, kunin na lang natin ang pinsan niya, si Rex Lapid.

"Sabi ko, 'Gusto ko medyo comedy. Kunin natin si Bomber Moran!' kasi papasikat siya noon.

“Ginawa namin, mabilis ang shooting. Twelve days lang,” kuwento ni Robbie tungkol sa seryosong pagpasok niya sa movie business.

Pero hindi naging matagumpay ang initial presentation ng Seiko Films.

Continue reading below ↓

“Flop ang Dos Por Dos. I have to admit, nalugi ako kasi nabawasan agad ang mga sinehan niya.

“Pinag-aralan ko ang business, na-meet ko si Alex Muhlach. Nag-aral talaga ako.”

Si Alex Muhlach ang ama ng tinaguriang "Boy Wonder" noong si Niño Muhlach. Siya rin ang marketing and distributions manager ng AM Productions, ang film company ng kapatid niyang aktres na si Amalia Fuentes.

Isa rin si Alex sa officers ng Philippine Motion Pictures Producers Association (PMPPA) na bumuo ng polisiya sa hatian ng kita sa pagitan ng theater owners at production companies.

LUCKY SEIKO

Seiko Films ang naisip ni Robbie na pangalan ng film outfit nito dahil sa paniniwalang may hatid na suwerte ang brand ng wallet at ang brand ng birthday gift ng kanyang nanay—Aurora Tan na kilala sa movie industry bilang Mommy Seikosa ama ni Robbie.

“Nanggaling ang name ng Seiko Films sa father ko.

"My father started Seiko wallet. Noong birthday niya, niregaluhan siya ng mother ko ng Seiko watch 'tapos nanalo siya ng P100,000 sa sweepstakes.

Continue reading below ↓

“Gumanda ang buhay niya. Sabi niya, masuwerte sa kanya ang Seiko watch. So, nang magtayo siya ng wallet business, Seiko ang ipinangalan niya.

"Seventy years na ang Seiko wallet. Ako na ang nagtuloy ng negosyo namin nang mamatay ang father ko.

"Nine kaming magkakapatid, second ako. Uso kasi noon ang big family,” pagbabalik-tanaw ni Robbie tungkol sa kasaysayan ng Seiko Films.

Kilala ang Seiko Films noon sa tagline nitong “If It's From Seiko, It Must Be Good.”

Bakit movie production ang pinili niyang negosyo?

Saad ni Robbie, “When I was young, hindi kami mayaman, ordinary lang kami. Nakatira kami dati sa Binondo, then sa Malabon.

“I want to be famous at ayoko nang maging mahirap. Ginamit ko yung napag-aralan ko sa AIM.

"You have to market a talent like a product,” ani Robbie.

Namasukan din noon si Robbie bilang empleyado ng Vicor Music Corporation, kaya nadagdagan ang kanyang kaalaman tungkol sa movie at music industry.

Continue reading below ↓

Ang Vicor Music Corporation ay pag-aari ng magpinsang Vic del Rosario at Orly Ilacad. Kalaunan, bumukod si Vic at itinatag ang Viva Films, habang si Orly naman ay itinatag ang OctoArts Music na pumasok din kalaunan sa movie business.

Ang 1983 film na Kirot na launching movie ng pumanaw na Sex Goddess na si Stella Strada ang second movie project ng Seiko Films.

Stella Strada in Kirot

Continue reading below ↓

Certified blockbuster sa box office ang Kirot, pati na ang mga sumunod na pelikula ni Stella.

Mula noon, nagtuluy-tuloy na ang pagpo-produce ni Robbie ng mga pelikula.

SEIKO JEWELS

Sina Gretchen Barretto, Cesar Montano, Claudine Barretto, Isko Moreno, Jestoni Alarcon, Gardo Verzosa, Ian Veneracion, Rosanna Roces, Leandro Baldemor, Rodel Velayo, Francine Prieto, Diana Zubiri, at Alfred Vargas ang ilan sa mga artistang pinasikat ni Robbie.

Binansagan silang "Seiko Jewels."

Mahusay si Robbie sa “repackaging” ng mga artista.

Napatunayan niya ito kina Priscilla Almeda (na dating Abby Viduya ang screen name), Nini Jacinto (Elie Rose Apple noong member pa ng That’s Entertainment), Rita Avila (Ana Marie Errea), at Rosanna Roces (formerly Ana Maceda).

“Pumipili kasi ako ng magandang pangalan at magandang image para sa kanila. Packaging iyon,” paliwanag ni Robbie tungkol sa expertise niya sa pagbibigay ng bagong pangalan at image sa mga artista.

Sa mga contract star ng Seiko Films, si Gretchen ang itinuturing ni Robbie na naging pinakamalapit sa kanya. Hanggang ngayon, puring-puri niya ang aktres kahit bihira na silang magkausap at magkita.

Continue reading below ↓

Gretchen Barretto and Romnick Sarmenta in Tukso Layuan Mo Ako.

Lahad ni Robbie, “Si Gretchen, mabait at masunurin siya sa akin. Kumita ang lahat ng mga movie niya sa Seiko, malakas.

“Contract star ko si Gretchen, pero minsan, ipinapahiram ko siya sa iba. Mabait 'yan.

“Kapag may problema 'yan, tatawag siya kay Bibsy [Carballo, Gretchen’s former manager] o sa akin.

Continue reading below ↓

"Sasabihin niya, 'Boss, may problema ako. Si Mommy, kailangan ng pera.’

“Si Gretchen ang breadwinner ng pamilya. Saka kapag nagwi-withdraw siya ng pera, para sa mommy niya."

Patuloy ni Robbie, “Alam mo, mabait na anak si Gretchen sa parents niya. Saka mabait siya kay Claudine, kaya nalungkot ako nang malaman ko na nagkakagulo ang pamilya niya.

“Sinabi ko kay Gretchen, 'Pangit kapag magkakaaway ang pamilya at saka, ang mother mo, mother mo 'yan, e. You should not quarrel with her.'"

Ang mga sumusunod ay mga kuwento at pag-alala pa ni Robbie tungkol sa mga artistang naging Seiko Jewels.

CLAUDINE BARRETTO. "Si Claudine, pinapirma ko ng kontrata sa Seiko dahil kay Gretchen.

"Dalawa lang ang pelikula ni Claudine sa Seiko pero hindi kumit—Muntik Na Kitang Minahal at may isa pa."

ISKO MORENO. "Super galing ni Isko. Si Isko very intelligent.

"Hindi mo iisipin na magaslaw at napakabastos niyang magsalita noon. Ngayon, napakadisente at ang galing mag-Ingles.

Continue reading below ↓

"Phenomenal siya. Isa siya sa mga napakalaki ang transformation."

CESAR MONTANO. "Ang natandaan ko, gumagawa ako ng pelikula, sina Cesar at Gretchen.

"Ayaw ni Gretchen sa kanya. Sabi niya sa akin, 'Boss, huwag mo na 'yan itambal sa akin. Si Jestoni Alarcon na lang ang kunin mo.

"Si Cesar, okey lang, pero hindi ako kumita sa mga pelikula niya. Sa Machete lang..."

JESTONI ALARCON. "Super bait ni Jestoni..."

IAN VENERACION. "Kumita ang mga movie niya sa Seiko...

"Nasa-shock nga ako, sixteen years old na siya, kasama pa niya ang mother niya sa CR. Inaayos at binibihisan siya.

"Ang mother niya, kapag may action scene, gugulong si Ian sa lupa, ipinapalinis pa niya nang husto. Ini-spray-an ng Lysol bago mag-take. Mock-up ang mga dirt dahil ayaw niya marumihan si Ian.

"Mama’s boy siya. Masunurin siya kaya ibinibigay ko na lang ang lahat ng gusto ng mother niya."

ROSANNA ROCES. "Malakas ang lahat ng mga pelikula niya."

Continue reading below ↓

LEANDRO BALDEMOR. "Mabait din 'yan.

"Nang ipakilala siya sa akin, gwapo siya sa picture pero ordinaryo sa personal.

"Manipis din ang boses niya, so naka-dub ang mga dialogue niya. Naghanap kami ng magaling na dubber."

RODEL VELAYO. "Mabait siya kaya lang limited ang talent. Gumaling lang siya nang hawakan ni Mac Alejandre sa pelikula."

FRANCINE PRIETO. "Mabait siya na artista. Sana nga, mabigyan pa siya ng mga project."

ALFRED VARGAS. "Gulat ako kay Alfred.

"Nag-meet kami noon sa Shakey’s Morato. Naghahanap kami noon ng isang artista na moreno na mukhang probinsyano for Bridal Shower [2004] at perfect siya.

"Gulat ako sa kanya dahil nang offer-an ko siya ng role, hindi ko alam na Atenista siya. Magaling mag-English at galing sa disente na pamilya."

DIANA ZUBIRI. "Nahirapan ako sa kanya na mag-repackage kasi hindi siya natatandaan ng mga tao.

"Nag-iiba ang mukha niya sa lahat ng mga anggulo. Para siyang chameleon.

Continue reading below ↓

"Nagmarka lang siya nang husto dahil sa flyover pictorial niya para sa FHM."

Naging kontrobersiyal ang flyover pictorial na yun ni Diana para sa October 2002 issue ng FHM dahil idinemanda sila noon ng Mandaluyong mayor na si Benjamin Abalos ng grave scandal.


CHRISTIAN VAZQUEZ. "Tahimik lang siya. May anak na siya nang maging artista ng Seiko.

Continue reading below ↓

"Mahal na mahal niya ang anak niya. Pagkatapos ng shooting, umuuwi siya agad.

"In love sa kanya noon ang isang aktres. Lumabas sila minsan…"

TITILLATING DOUBLE-MEANING TITLES

Ang Patikim ng Pinya (1996) ang isa sa mga pinakamatagumpay na pelikula ng Seiko pero pinakakontrobersiyal.

Leandro Baldemor, Rosanna Roces, Natasha Ledesma, Anton Bernardo in Patikim Ng Pinya.

Nagkaroon ng problema si Robbie sa original title na tinutulan ni former Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) Chair Jess Sison.

Continue reading below ↓

Tikim ang original title ng movie ni Rosanna Roces, pero si Jess Sison ng MTRCB ang nagsabi na palitan ang title. Ayaw niya i-approve ang Tikim.

"Hindi niya naisip na mas kontrobersiyal ang Patikim ng Pinya.

“Sabi niya, ‘Ayoko ng Tikim, masama iyon. Marumi ang iisipin ng mga tao.'

"Ipinakita ko sa kanya ang stills ng pelikula. Sabi niya, 'Gawin mong Patikim ng Pinya ang title.'

Sa stills, makikitang isang tindera ng pinya si Rosanna.

“Sobrang lakas noon ng Patikim ng Pinya. E, yun ang ibinigay ni Jess na title."

Mula sa Patikim ng Pinya, nagsunud-sunod na ang mga sexy movie ng Seiko Films na may double-meaning na pamagat.

Katulad ng Walang Dayaan, Akin Ang Malaki (1997), Linggo Lang Ang Pahinga... Dapat Lang! (1997), Pisil (1998), Kesong Puti (1999), Talong (1999), Anakan Mo Ako (1999), Kangkong (2001), at Itlog (2002).

“Sabi sa akin ni Douglas Quijano, 'Alam mo, Robbie, pinapanood ko lahat ng mga pelikula ng Seiko. Fun lang kasi, pampalipas ng oras,'” banggit ni Robbie sa yumao nang talent manager tungkol daw sa titillating titles ng Seiko Films movies.

Continue reading below ↓

Si Douglas ang manager noon nina Richard Gomez, Joey Marquez, John Estrada, at ng Guwapings na sina Mark Anthony Fernandez, Jomari Yllana, at Eric Fructuoso.

WHY ROBBIE LEFT SHOWBIZ

Noong 2007, nagpasya si Robbie na huminto sa paggawa ng mga pelikula at inilaan na lamang ang panahon sa kanyang wallet business.

“Tumigil ako sa pagpo-produce dahil naisip ko, hawak na ng Star Cinema.

"Saka ang Star Cinema, kapag kalaban mo, hindi ka pwedeng mag-promote sa ABS-CBN. E, yun ang pinakamalakas."

Ang Star Cinema ang film arm ng broadcast giant na ABS-CBN.

Pagbubunyag pa ni Robbie, diniscourage daw siya ni Mother Lily Monteverde, Regal Films producer, noong pasukin ang pagpo-produce ng pelikula.

“Noong nag-uumpisa ako bilang movie producer, kinausap niya ako. Sabi niya, ‘Huwag ka nang gumawa ng pelikula. Hindi maganda.’

“Diniscourage niya ako kaya lang decided ako.

“Si Boss Vic [del Rosario, producer of Viva Films], magaling siya sa pera. Tumitingin siya sa kilos.

Continue reading below ↓

"Saka kapag nagmi-meeting kami, dapat alam na niya ang kinita sa SM Department stores."

Pero hindi niya kaagad tinalikuran ang movie industry dahil naging consultant pa siya sa Cinemalaya Independent Film Festival.

“I supported Cinemalaya for four years to five years pero binitawan ko rin."

Halata sa mga sumunod na pahayag ni Robbie ang himutok niya sa Philippine movie industry.

“Napuno na ako, maraming intriga. Saka yung mga baguhang filmmakers, mga ingrate.

"Ang feeling nila, ang galing-galing nila, samantalang wala pa sila napatunayan.

"Kaya kung mapapansin mo, ang mga umusbong at nagkaroon ng projects, yung mga tahimik lang—sina Adolf Alix, Dan Villegas….”

Bilang film producer, ano ang mga frustration niya sa movie industry?

“May circuit, may mafia. Kapag hindi ka okey sa kanila, hindi ka bibigyan ng playdate. Iipitin ka, ang ibibigay sa ’yo, pangit na playdate.

“Katulad noon, ang pangit na playdate, after Holy Week, Easter Sunday. Yun ang ibinibigay sa akin.

Continue reading below ↓

"Pero dahil sa pelikula ko, gumanda ang playdate na iyon. Nagulat sila dahil kumita ang mga pelikula ko na nagbukas ng Easter Sunday.”

Nang talikuran niya ang film production, ang kanyang wallet business ang tinutukan ni Robbie, sa kabila ng katotohanang mas malaki ang kita sa paggawa ng mga pelikula.

"Mas malaki ang pera sa movies, mabilis ang turnover. Three months lang.

"First day pa lang sa sinehan, alam mo na agad kung kikita o hindi.

“Ang Seiko wallet ang inasikaso ko dahil 'yan ang project ng father ko.

"Mahirap ang wallet business dahil sa pandemic kaya nag-online kami sa Shopee at Lazada at nagpi-pick up na ngayon.

“Importante ang wallet sa buhay ng tao dahil parang companion natin. Kapag dala-dala mo yan, mga importanteng bagay inilalagay mo doon—resibo, pictures at pera.”

Hindi ba siya nanghihinayang sa kanyang pasyang huwag nang gumawa ng pelikula?

“Hindi ako nanghihinayang kasi once na magdesisyon ako, tapos na.

Continue reading below ↓

"Ang daming nag-e-encourage sa akin na mag-produce uli, kaya lang once na magsabi ako ng stop, stop na. May discipline ako sa buhay."

Ano naman ang posibleng dahilan para balikan niya ang movie industry?

“Baka bumalik lang ako sa pagggawa ng pelikula kapag malakas na uli ang movie industry," sagot agad ni Robbie.

Lastly, pabor ba siyang ituloy ang Metro Manila Film Festival (MMFF) sa December 2020?

“Magbubukas na uli sa December ang movie houses, but it’s risky kasi enclosed ang mga sinehan.

“Hindi rin ako pabor sa MMFF, kaya lang kasi naghahanap sila ng project para kumita ang MMDA.”

Postscript: Sa mga pelikulang ginawa ng Seiko Films, ang Kirot, Natutulog Pa Ang Diyos (1988), at Black Magic (1987) ang mga personal favorite ni Robbie.

Ang Kirot ang unang blockbuster movie niya.

Si Gary Valenciano, na contract star noon ng Seiko Films, ang bida sa Natutulog Pa Ang Diyos.

Ang King of Comedy na si Dolphy naman ang lead actor ng Black Magic na huge hit noong 1987.

Continue reading below ↓

Trivia: Alam na alam din ni Robbie ang kuwento ng mga buhay ng kanyang mga contract star tulad ng isang aktres na matulungin sa mga kamag-anak.

“Birthday noon ng father ng aktres. Binigyan niya ng brand new Altis car ang kanyang father. Ipina-deliver niya sa bahay ng tatay niya.

“Ang ginawa ng mother ng aktres, tinawagan ang kanyang anak, minura niya. Sabi ng mother, 'You’re so rich and you’re riding in a classic car. Why are you giving him Altis? He’s your father! You should buy a big car, a van for your father so both of us can ride there!'”

HOT STORIES

Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika

Read Next
Featured
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
Seiko Films producer Robbie Tan on his decision to stop producing movies: “Tumigil ako sa pagpo-produce dahil naisip ko, hawak na ng Star Cinema. Saka ang Star Cinema, kapag kalaban mo, hindi ka pwedeng mag-promote sa ABS-CBN. E, yun ang pinakamalakas."
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results