Anne Curtis tumulong sa isang nangangailangang estranghero

by Jojo Gabinete
Nov 22, 2020
Anne Curtis and Ronald Molbon
Tahimik lang at walang ingay, nakatulong na pala si Anne Curtis (kaliwa) sa isang nangangailangang estranghero sa katauhan ni Ronald Molbog (kanan). Hawak ni Ronald ang charcoal painting ni Anne na nabenta niya ng PHP1,000 para makatulong sa operasyon ng kanyang kapatid.
PHOTO/S: @annecurtissmith Instagram (left) / Courtesy of Ronald Molbon

Mag-iisang taon na mula nang umalis si Anne Curtis sa Pilipinas noong December 24, 2019.

Napagkasunduan nila ng kanyang asawa na si Erwan Heussaff na isilang niya sa Melbourne, Australia ang kanilang anak na si Dahlia Amelie.

Walang katiyakan kung kailan babalik sa Pilipinas ang pamilya ni Anne dahil inabutan sila ng coronavirus pandemic sa Melbourne.

Pero kahit nasa ibang bansa siya, patuloy ang pagtulong ni Anne sa mga kapus-palad at nangangailangan.

Unlike other stars, hindi ipinangangalandakan ni Anne ang kanyang pagtulong, pero mahirap palampasin at hindi ibahagi sa lahat ang kuwento ng kabutihan na ginawa niya kay Reymark Molbog, ang 24-year-old brother ng portrait artist na si Ronald Molbog.

Kabilang sina Reymark at Ronald sa pitong magkakapatid na pawang lalaki.

Ulila na sila sa ama, si Reynaldo na pumanaw noong January 17, 2014 dahil sa leukemia, samantalang maysakit sa kidney ang kanilang nanay na si Evelyn at may karamdaman naman sa pag-iisip ang panganay na kapatid nila.

Continue reading below ↓

Ayon kay Ronald, napakahirap ng kanilang buhay at nahinto siya sa pag-aaral noong naninirahan pa sila sa Sorsogon.

Kaya sa edad na 19, Grade 10 pa lang siya ngayon sa San Bartolome High School sa Novaliches.

Sa kasalukuyan, nakatira ang magkakapatid at ang kanilang ina sa Novaliches, Quezon City.

Para makatulong sa pamilya, pinagsasabay ni Ronald ang pag-aaral at ang pagguhit ng mga portrait.

Taong 2019 nang matuklasan ni Ronald ang talent nito sa pagguhit at dahil paborito niya si Anne, ito ang unang subject ng kanyang charcoal portrait.

Noong November 1, 2020, dinala si Reymark sa isang ospital sa Novaliches dahil sa pananakit ng tiyan.

Ang sumailalim siya sa appendectomy surgery ang rekomendasyon ng doktor.

Malaking problema ito para sa kanilang pamilya dahil wala silang kapera-pera.

“Noong gabi po na nasa ospital na po yung kuya ko, nakita ko po na umiiyak siya dahil hindi niya alam kung saan kukuha ng pera para sa kanyang operasyon.

Continue reading below ↓

“Umiyak na rin po ako noon 'tapos naisip ko na makatulong yung mga artwork kahit papaano kasi sobrang naaawa na po talaga ako sa kuya ko,” kuwento ni Ronald nang makausap siya ngayong gabi ng Cabinet Files.

Nag-post si Ronald sa kanyang Facebook page ng mga artwork niya, kabilang ang charcoal portrait ni Anne at nilagyan niya ng caption na (published as is): “Kakapalan ko na po ang mukha ko

"Gusto ko lang po sana humingi ng kaunting tulong para sa operasyon ng kapatid ko

"gusto ko pong ibenta ang artworks ko o pag bigay ng kahit piso lang wala na po talaga kase kaming ibang malapitan

"ang mama ko walang trabaho lahat may sakit din ang papa ko patay na kuya ko na lang bumubuhay samin wala rin sya ngayong trabaho

"lahat ng pwedeng mahingian ng tulong nalapitanna namin pasensya na po kayo sa abala

"kahit pag share na lang po neto o piso pisong tulong maraming maraming salamat po sa inyo sa mga gustong tumulong

Continue reading below ↓

"kahit dasal na lang po malaking malaking tulong na yun"

Ronald Molbog's post on Facebook group page Guhit Potato.

Lingid sa kaalaman ni Ronald, nakita ng fans ni Anne ang kanyang Facebook post at ipinadala nila sa aktres ang link ng panawagan niya sa social media.

Nagulat si Ronald dahil nakatanggap siya ng mensahe mula sa isang tao na nagpakilalang assistant ni Anne sa Dream Machine, ang foundation ng TV host-actress na nagbibigay-katuparan sa mga pangarap ng mga karapat-dapat na tulungan.

Continue reading below ↓

“Nag-chat po siya sa messenger, nagtanong siya tungkol sa charcoal portrait ni Miss Anne kaso nabenta ko na po ng P1,000 kasi kailangang-kailangan na namin ng pera.

“Tinanong na lang niya ako kung magkano pa ang kailangan sa operasyon ng kuya ko 'tapos sila na po ang nagbayad ng lahat ng balanse,” lahad ni Ronald.

Hanggang ngayon, hindi makapaniwala si Ronald na nakararating kay Anne ang kanyang panawagan at makatatanggap siya ng tulong mula sa aktres.

Bilang pasasalamat kay Anne, muling gumawa si Ronald ng charcoal portrait, kasama si Erwan, na gusto niya na ibigay nang personal sa aktres kapag bumalik ito sa Pilipinas mula sa Australia.

Nitong Linggo nang hapon, nag-tweet si Ronald kay Anne at ipinakita niya ang kanyang bagong artwork na may kalakip na mensahe na:

“Hi Ms. Anne, ako po yung kapatid ni Reymark, yung inoperahan po. Maraming-maraming salamat po ulit sa tulong n’yo sa amin sa operasyon niya.

Continue reading below ↓

“Ginawan ko nga po pala kayo ng charcoal portrait. Gusto ko sanang ibigay sa inyo.”

Hindi nabale-wala ang tweet ni Ronald dahil nakatanggap agad siya ng sagot na “Awwww pakisabi sa kapatid. Maraming-maraming salamat. This is so sweet.”

Anne Curtis replies to tweet of person she helped.

Ang tweet ni Ronald para kay Anne ang nakita ng Cabinet Files at dahilan para makipag-ugnayan kami sa kanya.

Continue reading below ↓

Dahil ang kuwento ng pagtulong ng aktres sa isang estranghero ang patunay na umiiral pa rin ang kabutihan sa sangkatauhan.

Ito ay sa kabila ng mga kayabangan, paninira, panghuhusga, at pag-aaway na nababasa natin sa lahat ng social media platforms.

Lalong tumaas ang respeto namin kay Anne dahil sa kanyang busilak na puso at bukal sa loob na pagtulong sa ating mga kababayan na mahihirap at nangangailangan.

Postscript: Bihira nang mapanood si Anne sa TV, maliban na lang kung may mga special occasion na ipinagdiriwang sa It’s Showtime.

Pero ngayong gabi, 9 p.m., mabibigyan ng pagkakataon ang mga tagahanga ni Anne na mapanood ito sa TV5 sa pambihirang pagkakataon dahil ang kanyang AnneKapal concert ang tampok sa Onstage, ang Sunday night show ng Kapatid Network.

HOT STORIES

Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika

Read Next
Featured
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
Tahimik lang at walang ingay, nakatulong na pala si Anne Curtis (kaliwa) sa isang nangangailangang estranghero sa katauhan ni Ronald Molbog (kanan). Hawak ni Ronald ang charcoal painting ni Anne na nabenta niya ng PHP1,000 para makatulong sa operasyon ng kanyang kapatid.
PHOTO/S: @annecurtissmith Instagram (left) / Courtesy of Ronald Molbon
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results