Kabilang ang anak ni Vice President Leni Robredo na si Tricia, ang apo ni Caridad Sanchez na si Sofia Babao Guballa, ang on-leave ABS-CBN star na si Angeli Gonzales, at ang PBB Teen Edition 4 housemate na si Alec Dungo sa mga bagong doktor ng bansa.
Nakapasa sila sa Physician Licensure Examination (Complete, Prelims, and For Completion) ng Board of Medicine.
Sa announcement ng Professional Regulation Commission (PRC) nitong Huwebes ng madaling-araw, November 26, kabilang ang apat sa 3,538—out of 4,704—sa mga nakapasa sa Physician Licensure Examination.
Ang topnotcher sa batch na ito ay si Jomel Garcia Lapides ng University of the Philippines-Manila. Nakakuha siya ng 88.67 rating.
TRICIA ROBREDO
Sa pamamagitan ng Twitter, inihayag ni Vice President Robredo ang kanyang kasiyahan sa tagumpay ni Tricia
Mensahe niya: "Our children’s achievements are always sweeter than our own. Congratulations Trish. Thank you for making us proud many times over."
Si Tricia ang pangalawa sa tatlong anak na babae ni VP Robredo at ng yumaong si dating interior secretary na si Jesse Robredo. Ang dalawa niyang kapatid ay sina Aika at Jillian.
Graduate siya ng Ateneo School of Medicine and Public Health.
PIA BABAO GUBALLA
Sa pamamagitan naman ng Facebook ipinarating ni Cathy Sanchez Babao ang kanyang pasasalamat dahil sa pagpasa ng kanyang anak na si Sofia o Pia.
Si Cathy ang panganay na anak ng veteran actress na si Caridad Sanchez.
Mensahe ni Cathy para kay Pia: "Thanksgiving has opened with the best gift of all!! Our Pia passed the medical boards and is now officially a doctor!!
"Thank you so much to our Heavenly Father for His faithfulness throughout this journey! For carrying her and all these young new doctors throughout this most challenging and extraordinary period in their lives. All in God’s perfect and beautiful time!"
Si Pia, gaya ni Tricia, ay graduate ng Ateneo School of Medicine and Public Health.
ANGELI GONZALES
“Finally! Licensed to heal. To God be the glory,” sabi naman ni Angeli sa kanyang Twitter post nang malamang pasado siya sa medical board exam.
Dagdag pa niya, "Sabi ko kalmado akong magsasabi sa pamilya ko na lisensyado na ako.. wala.. ang ending binulabog ko yung buong bahay. Huhu"
Si Angeli ay contract star ng Star Magic.
Dati siyang mainstay ng sitcom na Home Along Da Riles noong child star pa siya, at isa sa cast members ng LUV U, ang teen sitcom ng ABS-CBN.
Pansamantala siyang nagpahinga sa showbiz dahil ibinuhos niya ang kanyang panahon sa pag-aaral ng Medicine sa De La Salle Medical and Health Science Institute.
ALEC DUNGO
Mula sa Sta. Cruz, Laguna si Alec Dungo.
Briefly, naging bahagi siya ng showbiz dahil sa kanyang pagpasok sa Pinoy Big Brother house noong April 2012 para sa Season 4 ng Teen Edition.
Gaya ni Angeli, inilaan ni Alec ang oras nito sa medical school ng University of Sto. Tomas kung saan siya nagtapos bilang cum laude.
Nagbunga ang mga sakripisyo niya dahil ganap na ang kanyang pagiging doktor.
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika