Watch Now

Raquel Pempengco: "Kung tunay ko siyang ina... gagawin niya sa kanyang tunay na anak ang mga ginagawa niya sa akin?"

by Jojo Gabinete
Nov 26, 2020
Nagsalita si Raquel Pempengco (kanan) tungkol sa hindi maayos na relasyon nila ng kanyang inang si Tess Pineda (kaliwa) at anak na si Jake Zyrus (gitna). "Kahit ano po ang marinig ko mula sa mga anak ko, hindi ako nagsasalita dahil ayoko pong mapasama sila, kahit evil queen pa ang tingin sa akin. Kung tunay ko siyang ina, bakit niya ginawa sa akin ‘yon?" pagtukoy bi Raquel sa kanyang ina.
PHOTO/S: Facebook / YouTube

May mga nagtaka at nalito sa recent Facebook post ni Raquel Pempengco dahil sa pahayag nitong hindi niya tunay na ina si Tess Pineda.

Ito ang nakakaintrigang post ni Raquel noong November 23:

"Mali man ang kuwento ng ibang tao sa akin. Wala namang epekto sa akin dahil alam ko sa sarili ko ang totoo.

"Ang katotohanan po ay di ako tunay na anak kaya nagagawa sa akin ang ganyan dahil walang ina ang ipagkakanulo ang sariling anak mapabuti lang siya."

Si Tess ang ina ni Raquel at lola ni Charice Pempengco, aka Jake Zyrus.

Ilang araw nang laman ng mga balita si Tess dahil humihingi siya ng financial help mula sa kanyang apo para sa karamdaman niya.

Base sa Facebook post ni Raquel, tila itinatakwil nito ang sariling ina.

Miyerkules ng gabi, November 25, minabuti ng Cabinet Files na makipag-ugnayan kay Raquel para malaman ng publiko ang pinanggagalingan ng intriguing post niya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

"Kung tunay ko siyang ina, sa palagay niyo po ba gagawin niya sa kanyang tunay na anak ang mga ginagawa niya sa akin? Gagawin po ba ‘yan ng mga nanay ninyo?" patanong na sagot ni Raquel nang makausap namin siya sa pamamagitan ng Facebook messenger.

Kasunod nito ay naglabas ng hinaing si Raquel laban sa kanyang sariling ina.

Saad niya, "Kahit ano po ang marinig ko mula sa mga anak ko, hindi ako nagsasalita dahil ayoko pong mapasama sila, kahit evil queen pa ang tingin sa akin.

"Kung tunay ko siyang ina, bakit niya ginawa sa akin ‘yon?

"Mula po nang sumikat si Charice, hanggang ngayon, wala siyang ginawa kundi ang manggulo sa buhay naming mag-iina.

"Sinabi po niya noon na bigyan ko siya ng sampung milyong piso, mananahimik na siya.

"At kung hindi ko maibibigay ang hinihingi niyang pera, magpakamatay na lang daw kaming mag-iina.

"Ganoon po ba ang tunay na ina? Kayo po ang tatanungin ko."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

"Evil queen" ang paglalarawan kay Raquel ng panganay niyang anak na si Jake Zyrus sa libro nitong I Am Jake.

Hindi maitatanggi ang matinding sama ng loob na nararamdaman ni Raquel laban sa nanay niya. Biktima raw siya ng verbal at physical abuse ni Tess noong kabataan niya.

Pero sa kabila ng mga pang-aapi umano sa kanya ni Tess, sinabi ni Raquel hindi siya nagkulang sa mga tungkulin niya bilang anak.

"Kahit ganoon pa man ang mga ginagawa niya sa akin, hindi ako nagkulang sa kanya bilang anak,” diin niya.

May natitira pa ba siyang pagmamahal sa kanyang ina?

Sagot ni Raquel, “Sa totoo lang, obligasyon na lang bilang anak ang ibinibigay ko sa kanya, at kasama na rin ang respeto."

SADDEST MOMENT OF RAQUEL'S LIFE

Tinanong ng Cabinet Files si Raquel kung ano ang pinakamalungkot na bahagi ng kanyang buhay.

"Yung kahit kailan, simula nang bata pa ako, hindi ko naramdaman ang pagiging ina ng nanay na nakagisnan ko.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

"Wala akong ina na napapagsabihan ng mga hinanakit at problema. Wala kaming moments na maganda.

"Kaya naiinggit ako sa mga anak na may ina na magpagmahal sa kanila."

Patuloy ni Raquel, "Kung ako man, e, naging Evil Queen sa paningin ni Charice, alam ko sa sarili ko na pinaglaban ko sila kahit mag-isa lamang ako."

Handa ka bang magpatawad kapag humingi sa iyo ng tawad ang iyong ina?

Sagot ni Raquel, "Tao lang ako para hindi magkasala at tao rin lang ako para hindi magpatawad.

"Hindi ko hinahangad ang paghingi ng tawad ng aking ina, pagbabago lang ang hangad ko."

RAQUEL ON CHARICE

Naging masalimuot ang takbo ng buhay ng mag-inang Raquel at Charice nang sumikat at maging international singer ang huli. Mula sa simpleng pamumuhay, naging kumplikado ang lahat.

Sumagi ba minsan sa isip ni Raquel na baka sakaling tahimik at simple pa rin ang pamumuhay nila kung hindi sumikat si Charice?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

"Hindi ko pinagsisisihan ang pagpupursige ko na marating ni Charice kung ano ang narating niya dahil pareho naming pangarap ‘yon, at kusang ibinigay ni Lord," sabi ni Raquel.

Matunog na "Charice" pa rin ang tawag ni Raquel sa kanyang panganay na anak at ni minsan, hindi niya binanggit ang pangalang Jake sa aming pakikipag-usap sa kanya.

Sinabi ni Raquel na nananatili ang katatagan niya sa kabila ng mga sunud-sunod na problema.

Kumukuha raw siya ng lakas mula sa Diyos at sa kanyang mga anak, kahit matagal na silang walang komunikasyon ni Charice.

“Kumukuha po ako ng lakas, unang-una kay Lord, at sumunod, sa aking mga anak.

"Alam ko naman po na someday, makukumpleto kami," sabi niya.

Gaano ba kahirap ang maging ina?

Ayon kay Raquel, "Hindi po ako nakaramdam ng hirap nung time na ako lang ang mag-isang nag-aalaga sa mga anak ko dahil sa kanila ako humuhugot ng lakas. Na dapat araw–araw, maging matatag ako para sa kanila."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Kumusta na ang relasyon nila ni Charice sa kasalukuyan?

"So far, wala kaming komunikasyon. Pero kung kailangan nila ako, nandito lang ako.

"Hindi pa rin mawawala ang pagiging ina ko kahit may pamilya na sila."

Pagtatapat pa ni Raquel, "Almost five years na kaming hindi nagkikita at nagkakausap ni Charice dahil kakauwi ko lang galing sa U.S.

"Kapag nakakabalita ako ng hindi maganda tungkol sa kanya, nalulungkot ako. Sinasabi ko sa kanyang kapatid na si Carl na dalawin siya."

May mensahe ka ba para kay Charice?

Sabi ni Raquel, "Mahal na mahal ko pa rin siya at hindi nagbabago ‘yon. Kahit baligtarin man ang mundo, anak ko pa rin siya at ako ang totoong ina niya.

"Alam ko naman na kahit itanggi niya na naging bahagi ako ng pagsikat niya, ginawa ko ang lahat bilang ina."

RELATED STORIES

Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓
Read Next
Featured
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
Nagsalita si Raquel Pempengco (kanan) tungkol sa hindi maayos na relasyon nila ng kanyang inang si Tess Pineda (kaliwa) at anak na si Jake Zyrus (gitna). "Kahit ano po ang marinig ko mula sa mga anak ko, hindi ako nagsasalita dahil ayoko pong mapasama sila, kahit evil queen pa ang tingin sa akin. Kung tunay ko siyang ina, bakit niya ginawa sa akin ‘yon?" pagtukoy bi Raquel sa kanyang ina.
PHOTO/S: Facebook / YouTube
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results