Sa mga pelikulang kalahok sa 46th Metro Manila Film Festival (MMFF), ang official trailer ng Pakboys: Takusa ng Viva Films ang may pinakamataas na views sa iba’t ibang social media platforms.
As of 10 a.m today, December 2, umabot na sa 23.7 million ang accumulated views mula nang i-release noong November 26 sa YouTube, Facebook, at Instagram ang trailer ng pelikula nina Janno Gibbs, Dennis Padilla, Jerald Napoles, at Andrew E.
Lubos ang pasasalamat ng lead actors ng Pakboys sa mainit na pagtanggap ng publiko sa trailer ng kanilang pelikulang kalahok sa MMFF 2020.
Pero tanggap nilang hindi basehan ang milyun-milyong views sa social media platforms para maging blockbuster ang Pakboys kapag nag-umpisa ang worldwide streaming nito sa UPSTREAM.ph.
"Nagpapasalamat kami dahil ibig sabihin, kahit sa mga millennial, sa new generation na viewers, na-appreciate pa rin yung aming pagpapatawa at pagpapasaya.
"Very thankful at very proud kami na umabot sa 20-million plus views, kaya I hope ma-convert namin ‘yan sa tickets,” umaasang sabi ni Dennis sa naganap na virtual presscon ng Pakboys nitong Miyerkules ng hapon.
Pahayag naman ni Jerald, "Very hopeful kami.
"Yung trailer kasi, dun nagsisimula ang word of mouth. So, kung marami siyang shares, maraming makakaalam na may ganitong palabas.
"Hopeful kami kasi iba yung set-up ng MMFF ngayon dahil sa pandemic.
"Sana mag-translate [sa malakas na ticket sales] kahit man lang ilang porsiyento."
Excited si Jerald para sa kanilang pelikula, pero may panghihinayang siyang nararamdaman dahil hindi niya mararanasan ang annual MMFF Parade of Stars na apektado rin ng coronavirus pandemic.
Nagpakatotoo naman si Andrew E. sa sagot nito dahil hindi siya makapaniwalang umabot agad sa milyon ang bilang ng mga nanood ng Pakboys trailer.
"For me, unang-una, bago po ma-appreciate ‘yon, dapat tanungin ko muna yung sarili ko: Maniniwala ba ako na sobrang laki ng mga nanonood ng trailer namin?
"Ganoon na ba yung range? Yung reach ng trailer namin?
"Kaya bago pa man nag-appreciate, nagtataka ako. Noon pa man, appreciative na ako sa pagtatanong sa sarili ko.
"Kung talagang pasasalamat, totoong pasasalamat ang gusto kong ibigay, lalo na sa mga Pilipino na nagse-share.
"Kasi sila yung nagiging instrumento para lalong kumalat ang trailer namin at para lalong maraming tao ang makapanood," ani Andrew.
Magsisimula ang MMFF 2020 sa December 25.
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika