Sa kauna-unahang pagkakataon, ipinagtapat ni Vic Sotto na naging delikado ang kalagayan ni Allan K. nang magkaroon ito ng severe case ng COVID-19.
Ito ang dahilan ng confinement ng kanyang Eat Bulaga co-host sa ICU (Intensive Care Unit) ng isang ospital sa Pasig City.
“Nung in-admit siya, alam mo ba ang sabi ni Doktor? Ngayon ko lang sasabihin ito, 'He doesn’t look good.'
"Ibig sabihin, ganoon kaseryoso yung kaso ni Allan.
“Parang yung doktor magsabi sa akin na hindi maganda ang lagay ni Allan, medyo kinabahan na kami ni Pauleen [Luna, Vic's wife] noon.
"Abut-abot na ang aking dasal. Talagang pasalamat sa Diyos,” rebelasyon ni Vic tungkol sa sitwasyon noon ni Allan dahil sa sinabi ng doktor na nakausap niya.
Pagkagulat ang nagrehistro sa mukha ni Allan nang marinig nito ang pahayag ni Vic dahil ito ang unang beses na nakumpirma niyang maselan ang kanyang kalagayan noon.
Ang mga personalidad na naging biktima ng COVID-19 at naratay sa ospital ang pinahulaan sa celebrity judge player na si Ali Sotto.
Kabilang sina Allan K., Wally Bayola, at Tenten Mendoza, personal assistant ni Alden Richards, sa choices sa December 12 edition ng "Bawal Judgmental" ng Eat Bulaga.
Pinaluha ni Allan K. si Ali, ang mga host ng Eat Bulaga, at ang televiewers nang ibahagi niya ang kanyang COVID-19 journey.
Parang binagsakan ng mundo ang naramdaman ni Allan nang kumpirmahin ng doktor na positibo siya sa COVID-19 dahil sa sunud-sunod na pagsubok na dumating sa kanya nitong 2020.
Bukod sa pagkakaroon ng COVID-19, nagsara ang dalawang comedy bars na pag-aari niya, magkasunod na pumanaw (dalawang buwan lamang ang pagitan) ang kanyang kapatid na lalake at babae.
Tuluyan nang napahagulgol ng iyak si Allan nang sabihin nitong sinunog ang kanyang mga kapatid na hindi man lamang niya nakita, kahit sa huling sandali.
“In denial ako na mako-COVID ako. Nung magsimula ang 2020, masyado nang maraming hindi maganda na nangyari sa buhay ko.
“Unang-una, namatay yung bunso namin [May 2020], si Junjun, na ako ang nagturo ng kanta noong maliit.
“After two months, yung sister ko naman na tumira sa akin ng 17 years, 'tapos umuwi na ng Bacolod, namatay din.
"Namatay silang pareho na nasa pandemic tayo. So, sinunog sila na hindi ko na nakita.
"Dalawang magkasunod, two months lang ang pagitan.
“'Tapos, nagsara pa yung dalawa kong bars."
Patuloy niya, "Sabi ko, hindi pwedeng mangyari sa akin ito kasi alam ko na diabetic ako, 'tapos may edad na rin tayo.
“Ayon kasi sa mga balita, kapag ganoon na yung case mo, malamang sa mamamaalam ka na.
"Kaya nung nagpa-swab ako, hindi ko na matandaan. Ang alam ko lang, pumunta ako sa ospital."
Sa pagpapatuloy na kuwento ni Allan, sinabi niyang parang binagsakan siya ng mundo nang sabihin ng doktor na positive ang resulta ng swab test sa kanya.
“Parang binagsakan ako ng mundo. Parang, ano ba? Hindi pa tapos ‘yung taon...
"Sabi ko sige, magpaospital na tayo. Isinakay nila ako sa kotse, inihatid ako sa ospital.
"Parang wala na akong huwisyo, wala na akong maalaala. Stretcher agad, direto sa emergency room.
“Nung nakahiga ako doon, nagkamalay-malay na ako. Tinitingnan ko lang yung mga tao sa plastic na kurtina sa labas. Tinitingnan ko sila at pinakikinggan na maigi kung ano yung mga sinasabi nila.
“Baka 'Mamamatay na 'yan,' baka sabihin na lang ganoon. Baka 'It’s his end...' parang ganoon.
“Pero sa awa ng Diyos, wala akong narinig na ganoon. At nung nanumbalik na talaga yung huwisyo ko, lumabas yung pagka-Kristiyano ko.
"Kumapit ako sa favorite ko na verse sa Bible, Exodus 50 Verse 26.
"Ang sabi doon, ‘I am the God that healeth thee.' Alam niyo, maya’t maya ko iyon sinasabi.
"'Lord, you are the God that heals me. You just have to say the word and You healeth my disease.'
“True enough, alam niyo, never ako na-intubate. Sa sitwasyon ko kasi, severe yung case ko. Hindi siya mild tulad sa kanila na pwedeng i-house quarantine lang, sa akin hindi.
“Nadala pa ako sa ICU, siguro mga three days, three nights ako doon, as in wala kang makita, kuwarto lang talaga.
“Hanggang sa sinabi ng doktor na, ‘You’re improving. Iakyat ka na namin, sa ICU din yung room na iyon pero may makikita na window, so parang mae-entertain ka na, kahit papaano.'”
Naniniwala si Allan na ang malakas na pananampalataya niya sa Diyos ang isang dahilan ng kanyang paggaling kaya nagbigay siya ng payo sa televiewers .
“Basta tandaan niyo lang, kung hindi kayo palabasa ng Bibliya, buksan n’yo po iyon, Exodus 15 Verse 26. 'I am the God that healeth thee.'
“Thank you Lord!!! After one week, alam niyo kung sino ang unang nag-text sa akin? Si Bossing, sabi niya, 'Hi Bading, kumusta ka na?'
“Sabi ko sa kanya, 'Heto, Pare, nagpapagaling pa.'
“Sabi niya, ‘Kaya mo 'yan. Virus lang 'yan, 'no?’
“Nag-joke din ako, sabi ko, 'Oo Bossing, virus lang siya, bakla ako!” kuwento ni Allan.
Pinasalamatan ni Allan ang lahat ng mga tumulong sa kanya noong nakikipaglaban siya sa COVID-19.
Paulit-ulit niyang ipinaalaala sa lahat na manalig lamang sa Diyos dahil tiyak na mapagdaraanan natin ang mga pagsubok.
Inihingi naman ni Allan ng pasensiya ang kanyang pagluha dahil hindi siya nakaiyak noong mamatay ang dalawa niyang kapatid.
“Hindi ako nakaiyak nung mamatay yung bunso namin. Hindi rin ako nakaiyak nung mamatay ang kapatid kong babae, ngayon lang, e!”
Nagbitaw pa ng salita si Allan na ito na ang kanyang pangalawang buhay dahil nakaligtas siya mula sa COVID-19.
Ano ba ang latest sa showbiz? Find out kung anong level ang showbiz IQ mo by subscribing to PEP.ph Viber Chatbot here. Join our community para laging updated!