Mabibigyan ng pagkakataon ang mga kababayan natin sa mga lugar na hindi saklaw ng General Community Quarantine (GCQ) na mapanood sa wide screen ang Pakboys: Takusa.
Palabas ito sa mga sinehan ng SM, Ayala, at Sta. Lucia Malls.
Ang Pakboys ang official entry ng Viva Films sa 46th Metro Manila Film Festival, at ito ang unang pelikula ng MMFF na nagkaroon ng theatrical release.
Nagbukas nitong Biyernes, January 8, ang Pakboys sa cinema branches ng mga nabanggit na malls sa Cavite, Laguna, Baguio City, Bacolod, Bulacan, Nueva Ecija, Pampanga, at Iloilo.
Limitado ang pagtatanghal ng mga pelikula sa mga sinehan sa mall dahil nagbubukas lamang ito tuwing araw ng Biyernes, Sabado, at Linggo.
Nananatili namang sarado ang mga sinehan ng Robinsons Malls mula nang magdeklara ng lockdown sa Luzon noong March 15, 2020.
Hindi extended ang streaming ng Pakboys sa UPSTREAM.ph dahil hanggang January 7 lamang ang commitment ng Viva Films sa MMFF.
Inaasahan ding magkakaroon ng theatrical release ang ibang mga pelikulang kasali sa 46th MMFF na hindi rin nagkaroon ng extension ang streaming sa UPSTREAM.ph.
Sa sampung official entries sa 46th MMFF, tanging ang Tagpuan, The Missing, Coming Home, at Fan Girl ang mapapanood sa pamamagitan ng UPSTREAM.ph hanggang sa January 14, 2021.
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika