Nitong gabi ng February 10 inilabas ng direktor na si Darryl Yap ang official trailer ng Tililing.
At gaya ng mga trailer ng mga nauna niyang pelikula na Jowable at Paglaki Ko Gusto Kong Maging Pornstar, malakas ang shock value ng kontrobersiyal na pelikula na pinagbibidahan nina Gina Pareño, Chad Kinis, Donnalyn Bartolome, Cai Cortez, at Baron Geisler.
Sagana sa mga mura ang mga eksena sa official trailer ng Tililing na nagpapakita ng malungkot at kaawawang kalagayan ng mga baliw o may mental health illness.
Malakas din ang impact ng dialogue ni Baron na "Ano ba ang kan**t? Masarap ba ‘yon?"
Imposibleng hindi ito pag-usapan at kondenahin ng mga moralista.
Tililing ang pamagat ng pelikula dahil tililing ang salitang kalye ng mga Pinoy para sa mga taong may problema sa pag-iisip, kaya brilliant idea ang paggamit sa "Mamang Sorbetero" bilang theme song.
Ang "Mamang Sorbetero" ang sikat na kanta ni Celeste Legaspi noong 1979. Ginamit itong pamagat ng pelikulang pinagtambalan nila ni Joseph Estrada at official entry sa 5th Metro Manila Film Festival.
May eksena sina Donnalyn at Candy na may hawak na ice cream bell (pero mga nurse ng mental hospital ang mga karakter na kanilang ginagampanan) para ma-justify ang paggamit nila ng kampanilya o tililing na pangunahing instrumento ng mga sorbetero na nagtitinda sa kalsada ng dirty ice cream.
Naging kontrobersiyal, pinag-usapan, at umingay ang Tililing dahil inalmahan ng mga mental health advocate ang poster ng pelikula na nagpapakita sa mga artista ng pelikula na nakalabas ang mga dila.
Nang itanong namin kay Darryl kung may plano siyang palitan ang poster ng Tililing para hindi na batikusin ang pelikula niya, ito lang ang kanyang makahulugang sagot: "Abangan."