Pumanaw na ang convicted car theft syndicate leader na si Raymond Dominguez.
Kinumpirma ni Bureau of Corrections (BuCor) spokesperson Gabriel Chaclag na natagpuang walang buhay si Dominguez sa kanyang selda sa New Bilibid Prisons sa Muntinlupa City nitong Biyernes ng umaga, 6:20 a.m., February 19.
Hinihintay pa ng BuCor ang medico-legal report pero ayon kay Chaclag, tila natural causes ang sanhi ng pagkamatay ni Dominguez.
Unang napabalitang namatay si Dominguez dahil sa COVID-19 noong July 25, 2020, pero lumitaw na fake news ito.
Si Dominguez at ang kanyang grupo ang suspect sa pagkidnap at pagpatay sa car dealer na si Venson Evangelista noong January 2011.
Siya rin ang itinuturong may kinalaman sa pagpaslang sa Baywalk Bodies member na si Rejoice Rivera na natagpuang walang buhay dahil sa dalawang tama ng bala sa ulo sa North Luzon Expressway noong December 2010.
Iniuugnay si Dominguez sa nangyari kay Rejoice dahil sila ang magkarelasyon noon.
Si Dominguez ang ama ng anak ng former sexy star na si Katrina Paula.
Kandilang may itim na background ang bagong profile ni Katrina sa kanyang Facebook page na pagpapahiwatig ng pagluluksa dahil sa pagkawala ng tatay ng anak niya.
Sa interbyu sa isang showbiz talk noong January 2011, iginiit ni Katrina na magkaibigan lamang sila ni Dominguez, sa kabila ng pagkakaroon nila ng anak.
"Special friend. Basta friends kami, iyon. 'Tsaka masama bang magmahal ng kaibigan? Hindi kami magkasama sa bahay, hindi kami magkasama sa condo, iba ang unit ko, iba ang unit niya.
"Wala na nga kami noon pa, nagkataon lang na nagkaanak kami. Dinadalaw ko lang siya dahil siya yung tatay ng anak ko," sabi ni Katrina.
Mariing pinabulaanan noon ng dating sexy star na carjacker si Dominguez at love triangle ang motibo ng pagpatay kay Rejoice.
"Ano ba 'yang love triangle na 'yan? Ang cute, ha, pero naaawa ako sa kanya. Condolence sa kanila. Pero wala, wala hindi ko siya nakilala, hindi kami close," pahayag ni Katrina tungkol sa pagpaslang kay Rejoice sa panayam naman sa kanya ni Mario Dumaual ng ABS-CBN News noong January 26, 2011.