Si Xian Lim ang male host ng 57th Binibining Pilipinas na magaganap sa Smart Araneta Coliseum sa April 17, 2021.
Ito ang ika-anim na pagkakataong napili si Xian bilang host ng Binibining Pilipinas dahil siya ang emcee noong 2012, 2014, 2015, 2016, at 2017.
Nahinto ang Binibining Pilipinas stint ni Xian noong 2018 nang umalis siya bilang contract star ng Star Magic at lumipat sa Viva Artists Agency.
Si Miss Universe 2018 Catriona Gray ang napipisil na maging co-host ni Xian sa 57th Binibining Pilipinas.
Siya ang huling Miss Universe winner na produkto ng Binibining Pilipinas Charities Inc. (BPCI) dahil ibinigay ng Miss Universe Organization sa Miss Universe Philippines Organization ang karapatan na pumili at magpadala ng Philippine representative sa beauty contest na kinikilala na pinaka-prestigious sa lahat.
Si Gazini Ganados ang huling Miss Universe Philippines titleholder na ipinadala ng BPCI sa 68th Miss Universe na ginanap sa Atlanta, Georgia noong December 8, 2019.
Hindi natuloy ang coronation night ng 57th Binibining Pilipinas noong April 26, 2020 dahil sa coronavirus pandemic at sa enforced quarantine.
Tatlumpo’t siyam ang official candidates ng 57th Binibining Pilipinas.
Para sa kaligtasan ng lahat, mahigpit na ipatutupad ang health protocols sa coronation night sa April 17 at ipagbabawal ang audience sa loob ng Big Dome.
Apat na korona at beauty titles ang paglalabanan ng mga kandidata: Bb. Pilipinas International, Bb. Pilipinas Intercontinental, Bb. Pilipinas Globe, at Bb. Pilipinas Grand International.