Ano ang silbi o saysay sa lipunan ng bronze statues na matatagpuan sa iba’t ibang lugar sa Quezon City—sa Doña M. Hemady Street, Scout Tobias at sa kanto ng Don Roces Avenue at Tomas Morato Avenue—ngayong panahon ng pandemya?
May mga nagsasabing proyekto ng Quezon City government ang mga estatwa, pero walang nakalagay na impormasyon o detalye sa limang bronze statues na aming pinuntahan at inusisa ngayong Miyerkules ng umaga, February 24.
Tatlo ang bronze statues na nakalagay sa Doña M. Hemady Street: isang lalaking walang pagkakilanlan pero mukhang barangay tanod, ang lady traffic enforcer sa kanto ng E. Rodriguez Sr. Avenue, at ang matandang lalaking nakaupo at nagtitinda ng diyaryo.
Babaeng may bitbit na basket na may mga lamang iba’t ibang klase ng gulay ang agaw-pansin sa Scout Tobias Street.
Tatlong bata namang labas ang mga puwet na naglalaro ng “Agawan Buko” ang prominente ang posisyon sa kanto ng Don Roces Avenue at Morato Avenue.
Parang mga kabuteng nagsulputan sa mga kalsada ng Quezon City sa panahon ng coronavirus pandemic ang bronze statues.
Pero hindi malinaw sa lahat ang motibo ng may ideya ng proyekto kaya hindi nila mapigilang magtanong kung magkano ang budget at ano ang importansiya ng mga estatwa sa buhay ng mga Pilipino?
May mga nagtataka at nagsasabing ibinigay na lang sana sa mga nangangailangan ang salaping ginastos sa pagpapagawa ng bronze statues na naghahatid ng gulat at nerbiyos sa ilang mga motorista, lalo na kung gabi.
Isa ang TV-movie personality na si John Lapus sa mga nabigla nang makita niya ang isang bronze statue kaya napasigaw siya.
“Napasigaw ako. Akala ko bata na balot ng putik,” Facebook post ni John, na nagugulumihanan sa mga project na naiisip ni Quezon City Joy Belmonte.