May “special participation" sa Tala, The Film Concert ang mga magulang ni Sarah Geronimo na sina Delfin at Divine dahil sa tribute na ibinigay sa kanila ng anak nila.
Ipinakita sa highly-successful exclusive online concert ni Sarah na naganap nitong Sabado nang Gabi, March 27, ang video clips ng maliligayang araw nila noon ng kanyang mga magulang.
Kabilang ang "I Will Be Here" duet ng tatay niya habang sinasabi ng singer-actress na huwag mag-give up sa mga mahal natin sa buhay.
"You could have all the richest in the world, have the material things na gusto mo, pera na gusto mo, popularity, fame na gusto mo pero kung wala naman sa buhay m yung mga pinaka-importante sa ’yo, balewala lahat ito.
“Life is not easy, may kanya-kanya po tayong mga personal issues pero focus on the positive things, be happy, be content at enjoy.
"Yun lang, huwag na huwag kakalimutan to enjoy,” ang mga pahayag ni Sarah na pinatunayan ang pagiging mabuting anak.
Hindi niya kasi nakalimutan na gawing bahagi sina Divine at Delfin ng kanyang concert kahit na meron silang hindi pagkakaunawaan.
Matatandaang tutol ang kanyang mga magulang sa pagpapakasal nila ni Matteo Guidicelli noong February 20, 2020.
Special guest ni Sarah si Matteo at bago sila kumanta, nagsalita muna sila tungkol sa kanilang relasyon at mahigit isang taon na pagsasama bilang mag-asawa.
“Sa challenges, trials na hinaharap natin sa panahon ngayon. I choose to be positive. I choose to remain hopeful and of course, I found a partner in life na who’s very supportive. Someone I can depend on so in that sense, masaya po ang puso ko.
“Malaki yung naging growth namin. Mas kilala na namin yung isa’t isa. I would say na mas nag-mature na kami ngayon pareho as individuals. Malaking tulong iyon sa marriage namin.
“Masarap ho sa pakiramdam na yung tao na mahal mo, yung lalaking mahal mo ay asawa mo na. Masarap sa pakiramdam, may pride, may joy, lahat!” ang sabi ni Sarah na bakas sa mukha ang kaligayahan na nararamdaman.
Ipinagmalaki naman ni Matteo ang pagkakaroon ng malaking puso at kababaan ng loob ng babaeng pinili niya na makasama sa habampanahon.
“I’m just very very proud of her. Every time I see her onstage, every time I see her perform, every time I see her record, that’s her happy place.
"And if I see her happy, I’m solved already. Kumbaga, I’m the happiest if I see her happy.
“Parang na-realize ko talaga kay Sarah, she has the biggest heart in the whole entire world.
"She has so much humility and I’m very very proud of her.”
Joint venture ng Viva Live Inc. at ng G Productions nina Sarah at Matteo (G for Geronimo and Guidicelli) ang Tala, The Film Concert.
Ibang Sarah ang napanood sa naturang concert dahil ipinakita niya sa lahat ng kanyang mga production number ang maturity bilang artist at performer.
Hindi imposible na magkaroon ng repeat ang show dahil sa mga positive review at public clamor.