Ang pagpanaw ni OPM icon Claire dela Fuente ang naging instrumento para malaman ng mga kabataan ngayon na siya ang umawit ng "Sayang," ang first hit song niya noong 1978.
Regular na pinapatugtog sa FM stations tuwing Linggo ang "Sayang" at ang ibang lumang OPM songs.
At nang mamatay si Claire, saka lamang natuklasan ng young generation na siya ang umawit ng kantang may malungkot na lyrics at melody.
Pito at kalahating milyon na ang views sa YouTube ng "Sayang," at tiyak na madaragdagan pa ito dahil sa interes na ipinakita ng publiko sa kanta ni Claire ilang oras matapos na bawian siya ng buhay.
Mababasa sa YouTube comments section ng "Sayang" ang mga panghihinayang sa pagkawala ni Claire at ang mga testimonya ng mga taong nakasalamuha niya noong nabubuhay pa siya at nagpatotoo ng kanyang mga kabutihan.
Sa pagkawala ni Claire, lalong naging malungkot at nagkaroon ng malalim na kahulugan sa mga tagapakinig ang himig at lyrics ng "Sayang."
ANGEL LOCSIN'S FAVORITE SONG
Si Angel Locsin ang isa sa mga aktres na kilala naming may paborito sa kanta ni Claire.
Nakasama namin si Angel sa halos dalawang linggong taping ng Asian Treasures sa Bangkok at Chiang Mai noong March 2007.
Sina Angel, Robin Padilla, Marvin Agustin, at Diana Zubiri ang lead cast ng Asian Treasures, ang action-drama series ng GMA-7.
Isang tourist bus ang sasakyan namin mula sa Chiang Mai pabalik sa Bangkok, at nang makita ni Angel na nakikinig kami sa iPod, nagtanong agad siya kung nasa aming playlist ang "Sayang."
Nang sabihin naming meron, tuwang-tuwa si Angel, hiniram niya ang aming earphone, at pinakinggan ang "Sayang."
Sinabi ni Angel na paborito nito ang "Sayang" na inawit ni Claire, kahit hindi pa siya isinisilang nang sumikat ang nasabing kanta.
Umere ang Asian Treasures sa GMA-7 mula Enero hanggang Hunyo 2007.
Lumipat si Angel sa Kapamilya Network noong Hulyo 2007.
DEBATE ABOUT CLAIRE DELA FUENTE'S AGE
Binawian ng buhay si Claire sa edad na 63.
"She’s turning 64 this year," ang pahayag ng kanyang anak na si Gigo de Guzman.
Pero sa initial reports, 62 ang edad ni Claire na ibinalita ng ilang legitimate news organizations.
At dahil nagmamarunong ang ilan sa mga kababayan natin, ipinagpipilitan nilang 62 years old lamang si Claire, kahit ang mismong anak niya ang nagsabing 63 years old na ang namayapang singer.
Ganitong-ganito ang scenario nang pumanaw noong November 29, 2020 ang Jukebox Idol na si April Boy Regino.
Isang broadsheet ang naglabas ng balita na 51 years old si April Boy dahil ginamit na basehan ng reporter ang nakalagay sa Wikipedia na madalas hindi accurate ang facts.
Pero nanindigan ang PEP.ph na 59 ang edad ng yumaong singer.
Upgraded na ngayon ang report ng broadsheet tungkol sa pagkamatay ni April Boy dahil inamin nilang nagkamali sila sa edad na kanilang inilagay.
Moral of the story: Dapat maghinay-hinay ang netizens sa pagbatikos para hindi masira ang kanilang mga kredibilidad.
Kung hindi mapigilan ang mga sariling makisawsaw sa mga isyung wala silang direktang kinalaman, dapat maging maingat at huwag masyadong nagmamarunong ang netizens para hindi sila maakusahan ng pagkakalat ng fake news.