Chin Chin Gutierrez ganap na Carmelite nun; fake news?

by Jojo Gabinete
Apr 3, 2021
Noong 2019, naging viral ang balitang isa nang ganap na madre ang dating aktres na si Chin Chin Gutierrez. Pero base sa impormasyong nakalap ng Cabinet Files mula sa tatlong sources, fake news ang nasabing Facebook post.
PHOTO/S: Noel Orsal; File

Si Chin Chin Gutierrez ang unang pumapasok sa isip ng showbiz fans sa tuwing napag-uusapan ang mga artistang tinalikuran ang entertainment industry para maglingkod sa Panginoong Diyos.

Dalawang taon na ang nakalilipas nang mabilis na kumalat ang balitang ganap na ang pagiging madre ng dating aktres.

Binati sa Facebook si Chin Chin ng isang nagngangalang Vicksay M. Josol ng Palo, Leyte, noong March 29, 2019.

Heto ang nakasaad sa post:

"God really works in ways we could hardly fathom! Congratulations for answering the call to Vocation Sr. Lourdes. PRAYERS FOR YOU.

"Sister Chin Chin Gutierrez (Sister Maria Carminia Lourdes Cynthia Arnaldo Gutierrez born on August 22, 1969 in Manila. She is a former showbiz award-winning actress and environmentalist now full-pledged consecrated sister of the Carmelite Convent) better known as Sister Lourdes.”

(Napag-alaman ng PEP.ph na ang tunay na kaaarawa ni Chin Chin ay November 22.)

Sa pamamagitan ng Facebook messenger, nakipag-ugnayan ngayong Black Saturday, April 3, 2021, ang Cabinet Files kay Josol para tanungin ito tungkol sa kanyang Facebook post na madre na si Chin Chin.

Continue reading below ↓

Ang sagot ni Joson, "I just shared/reposted it sir. It was not mine. I was not the original source."

Ito ang kumpirmasyon ng aming kutob na hindi niya personal na kilala si Chin Chin at wala siyang first-hand information tungkol sa mga nagaganap sa buhay ng dating aktres.

Sinabi ni Joson na hindi na nito maalala kung kanino niya kinopya ang nasabing Facebook post, pero may nagkomentong nang hindi kumpleto ang kanyang detalye.

Dahil sa Facebook post ni Joson, nakatanggap daw siya noon ng mga tawag mula sa ABS-CBN, GMA-7, at ibang mga news organizations para mainterbyu, pero hindi raw nagbago ang sagot niyang repost lamang ang kanyang ibinahaging balita. Walang kumpirmasyon mula kay Chin Chin.

CHIN CHIN GUTIERREZ BILANG CARMELITE NUN: FACT OF FAKE NEWS?

Tatlong tao na hindi magkakakilala ang nakausap at tinanong ng Cabinet Files nitong Holy Week tungkol sa balitang madre na si Chin Chin.

Pare-pareho ang kanilang sagot: Walang katotohanan ang balita.

Continue reading below ↓

Isang madre mula sa Carmelite Missionaries sa Cavite ang nagsabi na kahit Sister Lourdes ang tawag kay Chin Chin, hindi ito nangangahulugang madre siya.

"Iba-iba ang Carmelites. Yung Carmelite nuns, yung mga cloistered, hindi sila lumalabas. Kami, Carmelites missionaries, missionaries, lumalabas po kami,” ang paliwanag ng Carmelite Missionaries nun na nakapanayam ng Cabinet Files via long-distance call.

"Hindi ko alam kung anong congregation si Chin Chin. Iba-iba kasi ang Carmelites. Hindi ko alam kung ano ang tawag sa kanila.

"Hindi po si Chin Chin sa amin, sa ibang congregation siya, parang sa Cavite, pero hindi ako sure.

"Ang alam ko, hindi siya mongha kasi maraming congregation ang Carmelites.”

Ang pari ng Philippine Carmelite ang sumunod na kinausap ng Cabinet Files sa pamamagitan ng cellphone call.

Kami na ang nagkusang huwag banggitin ang pangalan ng pari na nakakakilala nang personal kay Chin Chin.

"Palagay ko, hindi nga totoo yung news na iyon. Matagal na akong walang contact kay Chin Chin kaya hindi ko alam kung saan siya active,” ang sabi ng pari na ipinaliwanag ang pagkakaiba ng Carmelite nun sa Carmelite sister.

Continue reading below ↓

"Contemplative nun ang tawag sa mga madre na ang apostolate e prayers. Hindi sila lumalabas sa convent.

"Yung sisters naman, usually active, involved sila sa school ministry o parish ministry. At least college graduate, yung mature na talagang gusto niya na maglingkod at hindi dahil naengganyo lang.

"It really needs discernment din. It’s the age of reason.

"Para ma-prove kung totoo na madre na nga si Chin Chin, dapat puntahan ang particular order na pinasukan niya,” ang payo ng pari ng Philippine Carmelite.

Pinatotohanan naman ng isa pang Cabinet Files source na si Chin Chin ay isang lay worker at hindi madre.

Lay worker ang tawag sa taong nagtatrabaho para sa isang religious organization, ngunit hindi miyembro ng klero o clergy.

Sinigurado ng unimpeachable Cabinet Files source ang pahayag niya dahil nakasama raw si Chin Chin ng kanyang kamag-anak na madre sa isang congregation sa Cavite.

Pagtatanim umano ng kabute o mushrooms ang responsibilidad ni Chin Chin, pero mula sa Cavite ay inilipat na siya sa Tarlac branch ng congregation.

Continue reading below ↓

Hindi bago ang tsismis na full-fledged nun na si Chin Chin dahil ito rin ang lumaganap na balita noong 2013, pero pinabulaanan ito ng kanyang former manager na si Angela Ureta.

Iginiit ni Ureta sa Facebook post niya noong May 2013 na "ecological lay worker who collaborates with many religious institutions as part of her advocacy" si Chin Chin.

Matagal nang hindi aktibo si Chin Chin sa pag-arte. Noong 2010 pa ang kanyang huling television appearance.

Matatandaang nakilala siya bilang magaling na kontrabida sa mga Kapamilya teleserye na Dahil May Isang Ikaw at Maging Sino Ka Man. Naging in-demand din siya sa mga pelikula at TV commercials.

Pero parang bula na naglaho si Chin Chin dahil bigla na lang nitong pinutol ang komunikasyon sa mga malalapit na kaibigan, kaya walang makapagsabi sa kanyang kinaroroonan sa kasalukuyan.

Tanging si Chin Chin lamang ang makapagkukumpirma sa balitang ganap na ang pagiging madre niya, hindi ang mga taong nag-post at nag-repost lamang ng mga impormasyon na nakarating sa kanila.

Continue reading below ↓

Ang "curious case" ni Chin Chin ang paalaala sa lahat na huwag basta paniniwalaan ang mga balitang nababasa online.

Masaklap man tanggapin, nagiging biktima rin ng fake news ang mga legitimate at credible news organizations.

Noong nakaraang buwan, kinontak ni John Lloyd Cruz ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) para ipaalam sa publiko na wala siyang social-media accounts, kaya fake news ang mga naka-post sa kanyang "verified" Facebook page.

Ang paglapit ni John Lloyd sa PEP.ph ang paalaala sa lahat ng mga news organization na maging maingat sa pagpapakalat ng mga impormasyon sa lahat ng pagkakataon.

Ito ay upang maiwasan at hindi na maulit pa ang nangyari sa aktor at sa iba pang mga artista na naging biktima ng fake news.

Kaugnay nito, hinihikayat ng PEP.ph ang lahat ng artista na makipag-ugnayan sa website kung sa palagay nila ay may dapat linawin sa mga artikulong lumalabas dito.

Maganda sana kung gawin rin ito ni Chin Chin para maging malinaw na sa lahat ang katotohanan tungkol sa hindi pa mapatunayang balitang ganap na ang pagiging madre niya.

Continue reading below ↓

HOT STORIES

We are now on Quento! Download the app on Google Play or App Store and enjoy more articles and videos from PEP.ph and other Summit Media websites.
Read Next
Featured
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
Noong 2019, naging viral ang balitang isa nang ganap na madre ang dating aktres na si Chin Chin Gutierrez. Pero base sa impormasyong nakalap ng Cabinet Files mula sa tatlong sources, fake news ang nasabing Facebook post.
PHOTO/S: Noel Orsal; File
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results