Akmang-akma para sa nakaraang Easter Sunday dahil nagbigay ng inspirasyon at pag-asa ang mga kuwento ng broadcast journalist na si Doris Bigornia tungkol sa mga pagsubok na kanyang nalampasan nang sumailalim siya sa triple heart bypass surgery noong February 2021.
Ang Panginoong Diyos, ang kanyang pamilya, mga kaibigan mga doktor, nurse, at ang libu-libong tao na tumulong at nagdasal para sa kanyang kaligtasan ang mga pinasalamatan ni Doris sa unang public appearance nito, mahigit isang buwan pagkatapos ng operasyon niya.
Nangyari sa SRO, ang Teleradyo show nila ni Alvin Elchico, ang special appearance ni Doris kagabi, April 5.
Nakauwi na si Doris sa kanyang tahanan para magpagaling, matapos ang matagal na pananatili niya sa ospital.
"Isang milagro ang nangyari sa totoo lang, at hindi ko inakala na malalagpasan ko. Kung wala kayong lahat, hindi ko magagawang malagpasan ito.
"Sabi ko nga nung nakaratay ako, nakakahiya naman dun sa ilang libong tao, I don’t know kung umabot ako ng milyon ng mga tao na prayer warriors para sa akin.
"Parang nahiya naman ako kung hindi ko lalabanan kaya pinilit kong lampasan, and thank God, eto po ako, on my way to recovery. I’m hoping to see you again."
Inamin ni Doris na ang pagiging pasaway ang dahilan kaya nagkaroon siya ng karamdaman sa puso, diabetes, at kidney failure na aral para sa lahat na hindi masyadong binibigyan ng atensyon ang kanilang mga kalusugan.
"Nagkawing-kawing na yung aking mga sakit-sakitan kasi inaamin ko naman naging pasaway ako.
"Hindi ko inaalagaan nang husto ang aking katawan kaya nagkaroon ako ng Stage 5 kidney failure and diabetes kaya ako dina-dialysis.
"Mahirap yung dialysis, pero BFF ko na ngayon ang dialysis kasi siya rin ang sumasalba sa buhay ko ngayon.
"Na-triple bypass ako. Ibig sabihin, nagka-heart failure ako kaya kinakailangan na buksan ako. Open heart surgery ang ginawa.
"Pinagdugtong-dugtong yung lahat ng veins, hindi ko alam kung papaano talaga ang procedure, but ganoon ang ginawa.
"Itong nakikita niyo ngayon," sabay turo ni Doris sa kanyang leeg, "dito dinadaan yung para sa dialysis. This is temporary, meron silang inilagay dito, fistula.
"Dito," turo naman niya sa kanyang dibdib, "ito ‘yung pacemaker tapos meron akong isang tubo dito, 'yan ang pigtail [cathether], dini-drain yung lahat ng mga nega na napasok sa aking kaloob-looban kaya tsumupi kayo."
Hindi napigilan ni Doris na mapaluha nang magpasalamat siya sa lahat ng mga tumulong sa kanya sa pamamagitan ng mga dasal at financial help.
Hindi malimutan ni Doris ang isang taong hindi niya kilala na humingi ng paumanhin dahil walang maipapasang pera pero ipinagdasal ang kanyang paggaling.
“It’s a miracle, marami ang tumulong. Ang daming hindi ko kilala na tumulong sa akin.
"Overwhelmed is an understatement. Dun ako naiiyak kaso mahirap umiyak, mahirap tumawa pero hindi naman sinabing bawal magtalumpati.”
Nagpasalamat din si Doris sa mga nagbigay ng financial assistance sa pamamagitan ng GoGetFundme na inilunsad ng kanyang anak na si Nikki Bigornia.
Detalyadong sinabi ni Doris ang pinaggamitan niya ng pera nang itanong ni Alvin kung saan umabot at kung nagkasya ba ang mga donasyong kanyang natanggap mula sa mga tao na mabubuting kalooban.
"Nagkasya naman. Napunta yung GoGetfunding sa pacemaker, sa triple bypass at pigtail para sa pulmon.
"Ang next step is rehab and recovery. Rehab would mean dialysis every other day so medyo mabigat-bigat din ‘yon sa bulsa.
"Lumalabas sa ospital na pinagdalhan sa akin, nasa anim na libo [P6,000] per dialysis session.
"Made-drain ka pala talaga pagkagaling mo ng dialysis kaya Alabang lang to Parañaque, talagang hinang-hina na ako."