Nasa tabi ni President Rodrigo Duterte ang dati niyang executive assistant at personal assistant na si Senator Bong Go nang turukan ng Sinopharm COVID-19 vaccine ang Pangulo.
Naganap ang pagpapabakuna ni Duterte ngayong Lunes, May 3, at mismong si Health Secretary Francisco Duque ang nagturok sa kanya ng gamot kontra COVID-19.
Sinabi ni Go na may permiso ng doktor ng Pangulo ang pagpapaturok nito ng Sinopharm vaccine, kahit hindi pa ito aprubado ng Food and Drug Administration (FDA) for emergency use.
Inaasahang magkukuwento si Duterte tungkol sa pagpapabakuna niya sa kanyang regular public address na mangyayari ilang oras mula ngayon.
Ang Beijing Institute of Biological Products ang developer ng Sinopharm vaccine.
Sa ulat ng The New York Times noong April 26, 2021, ipinahayag ng chairman ng Sinopharm na halos isang milyong mamamayan ng China ang naturukan ng nabanggit na gamot.
Ang Sinopharm ang bakunang pinapaboran sa Middle East dahil ang naturang vaccine ang itinurok kay Dubai ruler Sheikh Mohammed bin Rashid al-Maktoum.
Aprubado rin sa Bahrain at Egypt ang paggamit ng Sinopharm na may efficacy o bisa na 79.34% laban sa coronavirus.
Ang gamot na itinurok kay Duterte ang isa sa pinakamahal na vaccine sa buong mundo dahil pumayag ang bansang Hungary na magbayad ng US$36 (1,729.44 sa Philippine currency) para sa bawat dose ng Sinopharm na binili nila mula sa China.