Kabilang ang 30-year-old Philippine Air Force nurse na si 1st Lt. Sheena Alexandrea "Rea" Tato sa mga nasawi sa C-130 aircraft na bumagsak sa Patikul, Sulu, noong Linggo, July 4.
At press time, limampu’t dalawa (52) ang bilang ng mga sundalong nagbuwis ng buhay sa nangyaring plane crash. Hindi pa nakikilala ang iba dahil nasunog nang husto ang mga katawan nila.
Sakay si Rea ng C-130 plane para sana sa dalawang buwag pagsisilbi sa isang military camp hospital sa Jolo. Siya ang naging substitute sa kasamahan niyang nurse na nagkasakit ang anak.
Sa kasamaang-palad, hindi na nakarating si Rea sa pupuntahan nito dahil sa naganap na trahedya.
Nakunan pa ng litrato si Rea at ibang mga kasamahan habang sakay ng C-130 aircraft.
REMEMBERING REA
Nakausap ng Cabinet Files ang kaibigan ni Rea na si Christine Marie Gawat ng Bislig City, ngayong Martes ng umaga, July 6.
Labis ang pagdadalamhati ni Christine dahil sa biglang pagkawala ni Rea, isang nurse na itinuturing na bayani ng kanyang pamilya at ng mga kakilala.
Sinariwa ni Christine ang panahong nakasama niya si Rea sa dormitoryo sa loob ng tatlong taon noong mga estudyante pa sila ng Brokenshire College of Davao, School of Nursing.
"Ate Xina (that’s how we fondly call her) as a friend, she’s like a mother, a mentor. As she was 1 year my senior, she made it a point na natuturuan niya kami along the way nu’ng college.
"She’s one of the smart ones sa batch nila, and sobrang driven niya to teach the younger ones especially when it comes to Return Demonstrations.
"Naglalaan talaga ‘yan ng time para makipag-bonding at makipagkuwentuhan.
"Kahit na sino po sa dorm namin, kung tatanungin n’yo, for sure naturuan niya one way or another. That’s why marami ang naglu-look up sa kanya," saad ni Christine.
Nalaman ni Christine na kasama si Rea sa mga biktima ng plane crash dahil sa Facebook post ng pinsan ng kanyang kaibigan.
"We knew she’s in PAF but didn’t know na kasama siya sa C-130 na nag-crash. We were all shocked nang malaman namin.
"She’s 30 years old, and turning 31 sana this October 10.
"I honestly can’t remember if meron siyang favorite stars. Wala kasi kaming TV sa dorm but, yes, nanonood kami ng movies either from DVDs or sa cinema mismo. Madalas kaming lumabas to eat, lalo na during weekends."
Sa ngayon ay naghihintay pa rin ng balita si Gawat tungkol sa nangyari sa bangkay ni Rea.
REA'S FATHER: "Parang sinisisi ko ang sarili ko."
Inconsolable naman ang ama ni Rea na si Ret. Col. Wilfredo Tato dahil hindi nito matanggap ang pagkawala ng anak.
Sinisi ni Wilfredo ang sarili sa nangyari kay Rea.
Sa panayam CNN Philippines, naluluhang pahayag ni Wilfredo, "Hindi ako ganito. Sanay ako tumingin sa mga namamatay na sundalo. Pero iba ito, anak ko siya. Mabait siya.
"Napagsabihan ko siya na yung kasama niya daw na magdu-duty, pupunta ng Jolo. Kaso lang, yung anak ng magdu-duty may sakit, so siya ngayon ang ipinalit.
"Ang ibig sabihin, sinalo niya.
"Parang sinisisi ko ang sarili ko. Parang ako ang nagtulak sa kanya."
REA'S BROTHER GRATEFUL TO MUSLIMS WHO HELPED IN RESCUE OPS
Nagdadalamhati rin ang kapatid na lalaki ni Rea na si Sheen Alexandre Tato, na ipinarating ang pasasalamat sa lahat ng mga nakikiramay sa kanila.
Sabi ni Sheen sa Facebook post nito, "Maraming salamat sa inyo na mga taga- media, sa inyong pakikipag-usap sa amin ay naiibsan po ang lungkot at sakit na aming nararamdaman sa pagpanaw ni Rea. Mahal ko ang kapatid ko.
"Salamat din sa lahat ng nakiramay at nagpadala ng mensahe. Malaking tulong po na mabasa ang mga mensahe ninyo. Di ko man po kayo mareplyan, pero lubos po na nagpapasalamat ang aming pamilya sa inyo.
"Sa mga kapatid natin na Muslim, lalong lalo na du’n sa mga residente sa [crash] site, taos-puso po kaming nagpapasalamat sa inyo, kasi hindi kayo nagdalawang- isip na tulungan ang mga sundalo.
"Kahit nakita n’yo na na umaapoy at may sumasabog, sinuong ninyo ang peligro para mailigtas sila at ma-recover ang kapatid ko at mga kasamahan n’ya. Ganun din sa mga sundalo na rumesponde.
"Sa Nurse Corps, Airforce at sa lahat ng kasamahan at kaibigan ng kapatid ko, maraming salamat sa inyo kasi di n’yo siya iniwan at sa pag-alalay ninyo sa kapatid ko sa kanyang huling lipad. Tulungan n’yo po kami sa pagdarasal, para kay Rea."