Minaltratong kasambahay na si Bonita Baran, nakamit na ang hustisya laban sa malulupit na mga amo

by Jojo Gabinete
Jul 13, 2021
Tila walang narinig, blangko ang tingin, hindi nagsasalita, at tulala ang dating kasambahay na si Bonita Baran (kanan) nang ibalita sa kanya ni PAO Chief Atty. Persida Acosta na nakamit na nito ang hustisya sa matinding pagmamaltrato ng mga dating amo na sina Reynold at Anna Liza Marzan (kaliwa).
PHOTO/S: Screen grab from GMA Network

Nabulag ang mga mata, nabasag ang mga tenga, at nasira ang mukha ni Bonita Baran dahil sa pananakit sa kanya ng mga amo.

Si Bonita ang kasambahay na dumanas ng matinding pagmamaltrato sa kamay ng mag-asawang Reynold at Anna Liza Marzan, ng Visayas Avenue, Quezon City, mula Hunyo 2009 hanggang Mayo 2012.

Ipinagtapat ni Baran sa kanyang sinumpaang testimonya noong 2012 ang dinanas niya sa mga dating amo.

Gamit daw ang kutsilyo at plantsa, hiniwa at pinlantsa ng among si Anna Liza ang mukha ni Bonita.

Pinalo din siya ng matitigas na bagay sa ulo hanggang dumudugo na ito.

Sa huli ay nabulag na ang mga mata ni Bonita dahil sa paulit-ulit na panununtok sa kanyang mukha.

Nasira na rin ang kanyang mga tainga dahil sa madalas na pamimilipit ni Anna Liza dito.

Naranasan din daw ni Bonita ang pakainin siya ng mga patay na ipis.

Sa testimonya pa rin ni Bonita, ikinuwento niyang humingi siya ng tulong sa mga kapitbahay. Nagsisigaw daw siya, pero tila walang naririnig o walang pakialam ang mga ito.

Continue reading below ↓

WIFE DIES IN PRISON; INCREASED JAIL TIME FOR HUSBAND

Ibinasura ng Second Division ng Korte Suprema ang apela ng mag-asawang Marzan na mapawalang-sala sila sa kasalanang ibinibintang sa kanila.

Bagkos, mula sa labing-apat (14) na taong pagkakakulong, nadagdagan pa ng apatnapung (40) taon ang parusa kay Reynold, dahil sa pakikipagsabwatan nito kay Anna Liza sa pananakit, pagmamaltrato, at sa ilegal na pagdedetini kay Baran.

Ngunit hindi na makukumpleto ni Anna Liza ang parusang habambuhay na pagkakakulong. Binawian siya ng buhay sa bilangguan noong June 22, 2020.

Ito ang ibinalita ni Atty. Persida Acosta, chief ng Public Attorney's Office (PAO), kay Bonita, sa Zoom meeting nila kahapon, July 12.

“Panalo ka na, congratulations. Lakasan mo ang loob mo, ipinaghiganti ka na ng langit.

"Kasi si Anna Liza, nagkaroon ng divine termination, namatay na siya dun sa kulungan. Hindi na gumana yung kidney daw. Nagkaroon ng kidney trouble.

"Pero nakuha mo na yung hustisya. Yung gusto mo na hustisya, sabi mo, ayaw mo ng pera, gusto mo hustisya. Ibinigay na sa ’yo ng Panginoong Diyos," sabi ni Atty. Acosta.

Continue reading below ↓

Ganunpaman, parang walang narinig ang kaawa-awang kasambahay na blangko ang tingin, hindi nagsasalita, at tulala.


Pakiusap ni Atty. Acosta, “Sis Bonita, lakasan mo ang loob mo, may bukas pa. Ibalik mo yung dati mong saya."

Sinabihan din si Bonita na kakampi niya ang milyon-milyong mga kasambahay sa Pilipinas at sa ibang bansa.

Continue reading below ↓

Sinabihan pa siyang nasa panig niya ang langit mismo, kaya kailangang kumain siya nang sumigla at mabuhay pa.

BONITA UNDERGOING DEPRESSION

Dumaranas ngayon ng depresyon si Bonita dala ng mga nangyari sa kanya.

Hindi na siya nagsasalita at halos hindi na kumakain.

"Siya po ay bulag, binulag ng amo ang dalawang mata," ayon kay Acosta. "Inoperahan po yung kanyang kaliwang mata sa UP PGH, sa tulong po ni [dating] Senator Jinggoy Estrada… Binigyan siya ng wheelchair.

"Yung kaliwang mata po, hindi natin alam kung magkakamilagro para makakita pa. Pero yung kanan po ay parang bao ng niyog na nawalan yung niyog.

"Natanggal po yung mismong lens, mismong yung mata sa kinalalagyan. Kaya po yung right eye niya, permanente nang bulag.

"Yung kaliwa po, nakakakita pa ng sinag."

Lahat ng ito ay nangyari sa kamay ng kanyang mga amo.

Umuwi muna si Bonita sa bayan nila sa Catanduanes para bisitahin ang kanyang ama at mga kapatid.

Continue reading below ↓

Pero kung kailan siya bumalik sa kanyang pamilya, saka lumala ang kanyang kalagayan.

Tingin ng mga nagmamalasakit kay Bonita, habang nasa Catanduanes ito ay dapat madala na siya sa isang psychologist para sa physical, mental, at emotional rehabilitation.

Nakakaalarma na raw ang nakikitang kawalan ng gana ni Bonita sa buhay.

NATIONAL ISSUE

Naging national issue noong May 2012 ang kalupitan ng mag-asawang Marzan dahil sa masahol pa sa hayop na trato nila kay Bonita.

Noong June 2019, isinadula ng Magpakailanman ang kuwento ng buhay ni Bonita, na ginampanan ni Barbie Forteza sa episode na pinamagatang "Ang Pagmulat ng Binulag na Kasambahay: The Bonita Baran Story."


Continue reading below ↓

Sa kabila ng pahayag ng Public Attorney's Office na nakamit na ni Baran ang hustisya, marami ang naniniwalang hindi sapat ang habambuhay na pagkakakulong para sa mga nagkasala.

Inalisan nila ang biktima ng paningin at dignidad, at ngayon ay mukhang inalisan na rin nila ito ng kagustuhang mabuhay.

HOT STORIES

We are now on Quento! Download the app to enjoy more articles and videos from PEP.ph and other Summit Media websites.
Read Next
Featured
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
Tila walang narinig, blangko ang tingin, hindi nagsasalita, at tulala ang dating kasambahay na si Bonita Baran (kanan) nang ibalita sa kanya ni PAO Chief Atty. Persida Acosta na nakamit na nito ang hustisya sa matinding pagmamaltrato ng mga dating amo na sina Reynold at Anna Liza Marzan (kaliwa).
PHOTO/S: Screen grab from GMA Network
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results