Live na mapapanood ang Eat Bulaga! ngayong Biyernes ng tanghali, July 30.
Ipagdiriwang ng longest-running variety show ng bansa ang ika-42 anibersaryo sa telebisyon ng programa na unang napanood sa RPN-9 noong July 30, 1979.
Sina Senate President Tito Sotto, Vic Sotto, at Joey de Leon ang mga original host ng Eat Bulaga.
At hanggang ngayon, bahagi pa rin sila ng programa na patuloy na naghahatid ng isang libo at isang tuwa, hindi lamang sa buong bansa kundi pati na rin sa buong mundo.
Tito, Vic & Joey with co-hosts Chiqui Hollman and Richie D'Horsie
Bilang pagdiriwang ng 42nd anniversary ng kanilang matatag na noontime program, malaki ang posibilidad na muling tumuntong sina Tito, Vic, at Joey sa Cainta, Rizal studio ng Eat Bulaga.
Isang taon at apat na buwan nang hindi napupuntahan nina Tito, Vic, at Joey ang studio ng Eat Bulaga! buhat nang ideklara ng pamahalaan ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) noong March 15, 2020 dahil sa coronavirus pandemic.
Mula noon, “work from home” na lamang sa Eat Bulaga! sina Vic at Joey dahil kabilang ang mga senior citizen sa pinagbawalang lumabas ng bahay.
Yun nga lang, balik-ECQ na naman ang Metro Manila simula sa August 6.
CELEBS WHO ARE THE SAME AGE AS EAT BULAGA
Sampung taong napanood ang Eat Bulaga! sa RPN-9 (1979-1989) bago ito lumipat sa ABS-CBN noong February 18, 1989.
Anim na taon natunghayan sa ABS-CBN ang Eat Bulaga.
January 28, 1995 nang nagsimulang umere sa GMA-7 ang programa na isa nang institusyon sa local entertainment industry.
Noong 2020, dalawampu’t limang (25) taon nang sinusubaybayan ang Eat Bulaga! sa GMA-7 kaya maituturing itong silver anniversary bilang Kapuso ng undefeated noontime show.
Naging bahagi ng Eat Bulaga! ang halos lahat ng mga artista ng bansa.
Sa mga showbiz personality, si Claudine Barretto ang tunay na kaedad ng Eat Bulaga! dahil isinilang siya noong July 20, 1979.
Sa mga co-host ngayon ng Eat Bulaga!, si Ryan Agoncillo ang kasing-tanda ng programa dahil isinilang siya—April 10 ,1979—tatlong buwan bago nag-umpisa sa RPN-9 ang noontime show nina Tito, Vic, at Joey.
Si Jericho Rosales, Mr.Pogi winner noong 1996 at Eat Bulaga! alumnus, ay ipinanganak noong September 21, 1979—dalawang buwan matapos ilunsad ang palabas na gumawa ng kasaysayan sa Philippine TV industry.