Dr. Willie Ong, paano nakumbinsi ni Mayor Isko Moreno na maging running mate niya?

by Jojo Gabinete
Sep 22, 2021
Dr. Willie Ong on running for vice president in 2022: “Alam ko, kapag sumama ako kay Yorme, maraming magagalit. Reding-ready na ako. Hindi ko na nga binubuksan ang Facebook ko, admin na lang ang tumitingin."
PHOTO/S: Jerome Ascano

Humingi ng paumanhin si Dr. Willie Ong sa mga "Pars at Mars" na nagulat sa kanyang desisyong kumandidato bilang bise presidente ni Manila Mayor Isko Moreno, na tatakbong pangulo ng Pilipinas, sa 2022 elections.

Hindi rin daw siya ng naghanda ng talumpati sa campaign launch nila ni Isko na nangyari nitong Miyerkules ng umaga, September 22, sa Baseco Compound, Tondo, Manila.

“Unang-una po, humihingi ako ng paumanhin sa mga nagulat sa aking desisyon dahil sa pagkukumbinsi ng ating Mayor Yorme.

“Wala po talaga sa plano ito. Handang-handa na tayong manahimik, tumulong, lahat ng kaya ko maitulong sa pribado, ready na po.

"Kaya lang, maraming coincidence na pagkakataon na nangyari ngayon na hindi ko alam kung bakit ganoon,” bungad na pananalita ni Dr. Ong nang umakyat siya sa entablado para ikuwento ang mga dahilan ng pagpayag niyang kumandidatong pangalawang pangulo.

Patuloy niya, “Noong ipinatawag ako ni Mayor Isko, yung mga sinasabi niya ay talagang nagugulat ako. Mga hospital, gamot na lagi ko pang itinuturo.

Continue reading below ↓

"Pero noong unang pagkakataon, tumanggi pa rin ako sa kanya. Sabi ko, 'Okay na ako dito. Ayoko ng gulo.'

"Pero nung matagal-tagal, tumawag siya uli kahit tumanggi na ako.

"Ang sabi niya, 'Dahil nakausap kita, hindi ka na puwedeng senador sa lineup ko. Gagawin na kitang vice president.

"Ang iniisip ko lang ngayon, 'Paano ba ako napunta dito? Tumutulong lang tayo.'"

Bagamat sinabi ni Dr. Ong na wala siyang hinandang talumpati, ang mga sumunod na pahayag niya ay tila galing sa isa nang beteranong pulitiko.

Saad niya, "Isa lang po ang nararamdaman ko, pagdaan namin kanina dito sa Baseco, nakikita mo yung mga mata ng bawat nakikita nating kababayan natin.

“Isang tingin ko pa lang sa mata, alam ko na ang kailangan niya. Kailangan niya ng gamot, kailangan niya ng vitamin, kailangan niya ng pera, kailangan niya ng pag-asa.

“Nakikita ko talaga, parang feeling nila, wala na silang pag-asa.

"Kaya kahit hirap ako dito, kahit hindi ko kaya, kapag nakikita ko sila, gusto ko lang maabot yung tulong ng gobyerno, mapunta lang sa kanila.

“Parehong-pareho sa gusto ni Yorme. Ayaw natin ng Powerpoint, ayaw natin ng bola, ayaw natin ng pa-cute.

"Gusto natin maibigay kay Pedro, kay Juan, kay Pars, kay Mars, yung lang, e.”


16 MILLION FOLLOWERS ON FACEBOOK

Mahigit sa labing-anim na milyon ang bilang ng mga sumusubaybay sa Facebook page ni Dr. Ong, na nagbibigay ng mga libreng payo tungkol sa kalusugan.

Continue reading below ↓

Pero sa campaign launch nila ni Isko, sinabi ng Filipino-Chinese doctor na may administrator ang kanyang sikat na social media account na hindi na niya tinitingnan dahil sa mga taong nagagalit.

“Alam ko, kapag sumama ako kay Yorme, maraming magagalit.

"Reding-ready na ako. Hindi ko na nga binubuksan ang Facebook ko, admin na lang ang tumitingin.

“Bakit ako pumayag [na kumandidato]? Nakita ko yung mga doktor, nag-iiyakan. Nag-iiyakan sila, nagmamakaawa ang mga nurse. Never kong nakitang umiyak ‘yan.

“Sabi ko, iyak nang iyak, hingi nang hingi ng tulong, e, nandito na si Yorme.

"Sinabi sa akin na, 'Bahala ka na sa kalusugan, bahala ka na sa gamot.' Rally pa sila nang rally, e, ito na ang opportunity. Sino ba ako para tumanggi?”

DR. ONG'S MOTHER

Sinabi rin ni Dr. Ong na malaki ang kinalaman ng pagkawala ng nanay niya sa kanyang pasyang tanggapin ang alok na maging running mate ni Isko.

Continue reading below ↓

“Ang isang malaking bagay, yung pagkakasakit ng nanay ko. Na-stroke siya three months ago.

“Stroke lang. Stroke, mabubuhay pa five years sigurado. Napaka-easy.

"Pero three weeks ago, lumala. Naospital.

“Binigyan namin ng magandang gamot. Hindi gumagaling, tuluy-tuloy, hanggang mawala siya.

“Noong ililibing namin, tumawag si Lito Banayo. Sabi ko, parang wala na akong choice.

“Hindi ko maililigtas ang nanay ko, pero maliligtas ko pa sila," pagtukoy niya sa sambayanang Pilipino.

Si Lito Banayo ang campaign manager ng kandidatura nina Isko at Dr. Ong.

Si Banayo rin ang campaign manager ni noo'y Davao City Mayor Rodrigo Duterte sa 2016 elections.

Nang manalo si Duterte, in-appoint niya si Banayo bilang chairman ng Board of Directors ng Manila Economic and Cultural Office, na de facto embassy ng Pilipinas sa Taiwan.

Pagpapatuloy ni Dr. Ong, “Ano ang goal natin? Simple lang, ito kaya ko. Ibibigay ko ang pinakatamang bakuna sa inyo. Yung mga darating, o-order tayo.

Continue reading below ↓

“Yung isasaksak, yung the best! Yung gamot, the best!

"Kapag nasira ako sa inyo, useless, e. Hindi ko sisirain ang pangalan ko para dun. The best na gamot!”

TIPS AGAINST COVID

Sa huli, ipinarating ni Dr. Ong ang COVID-related message nito para sa mga miyembro ng media, health workers, at sa mga kababayan nating naninigarilyo.

“Sa mga media na nakikinig, sabi nila, 'Ang dami mong kalaban, ah.'

"Wala po akong kalaban dito. Wala kayong maririnig na sasabihin ko si ganyan…. Lahat sila magagaling.

“Wala akong sasabihin tungkol sa current administration. Ang kalaban natin, COVID.

"Medical problem ito. Kapag naayos na ito, mananahimik ako, walang problema.

“Ang pakiusap ko lang, since nandito na ang media, kung hindi pa kayo nagpapabakuna, baka puwedeng magpabakuna na kayo.

“Sa mga kapwa health workers, balik na kayo sa ospital.

"Alam ko malungkot kayo, galit kayo. Huwag na kayong maghintay ng Mayo, ngayon na, please.

"Tutulong tayo kahit sa ngayong administrasyon. Buhay ito."

Continue reading below ↓

Patuloy ni Dr. Ong, "Siguro, panlaban sa mga malakas manigarilyo diyan, panlaban sa COVID, hihinga lang nang malalim lagi. Turo ito ng pulmonologist.

"Hinga nang malalim, expand, open air, pigil, tapos exhale. Papalakasin ang baga, tamaan man ng COVID, may laban.

“Panlaban sa COVID. Number one, open air. Number 2, distance. Number 3, mask, kung gusto mo double mask.”

HOT STORIES

We are now on Quento! Download the app to enjoy more articles and videos from PEP.ph and other Summit Media websites.
Read Next
Featured
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
Dr. Willie Ong on running for vice president in 2022: “Alam ko, kapag sumama ako kay Yorme, maraming magagalit. Reding-ready na ako. Hindi ko na nga binubuksan ang Facebook ko, admin na lang ang tumitingin."
PHOTO/S: Jerome Ascano
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results