Ang kissing scene ng former beauty queen na si Ariella Arida at ng gay comedian na si Lassy Marquez ang isa sa mga highlight scene ng Sarap Mong Patayin, ang kanilang sexy-psychomedy movie na mapapanood sa Vivamax simula sa October 15.
Nang sabihin kay Lassy ng direktor na si Darryl Yap na hahalikan niya si Ariella, nagdalawang-isip ang gay comedian dahil asiwa talaga siyang makipaghalikan sa babae.
Kung nag-alangan si Lassy na gawin ang eksena, hindi naging problema kay Ariella na makipaghalikan sa kanya. Pero "nalansahan" siya.
“Pinakamalansa sa lahat ng malansa, sa lahat ng isdang malansa!” natatawang pagsasalarawan ni Ariella sa kissing scene nila ni Lassy.
“Unang kita pa lang namin ni Lassy, yun agad ang pinag-usapan namin.
"Sabi ko, 'Hahalikan kita?' Siya pa yung parang nagdadalawang-isip.
“Ang ginawa ko, tinitingnan ko na lang siya every day kapag magkasama kami sa set para talagang matanggap ko na ito yung hahalikan ko.
“Kung sabi ni Lassy, hindi siya nag-toothbrush [sa kissing scene namin], okay lang. Nahalikan naman niya yung sipon ko. Yun ang ganti ko,” medyo gross na kuwento ni Ariella.
Nang hingin naman ang opinyon ni Lassy tungkol sa kissing scene nila ni Ariella, matunog na “yuck” ang sagot niya.
CATFISHING
Tungkol sa catfishing o mga taong nagpapanggap na ibang nilalang sa social media ang kuwento ng Sarap Mong Patayin.
Sa tunay na buhay, nasubukan ni Lassy na magpanggap bilang ibang tao sa miRC, ang popular Internet relay chat noong dekada ’90, pero comedy ang naging karanasan niya.
Kuwento niya, “Noong kausuhan before ng miRC, nakikipag-chat ako. Chat-chat kami then magmi-meet kami, ASL—age, sex location—ganyan-ganyan.
“Yung miRC, may webcam dati. Hindi ako nagpapakita ng mukha. Legs ko lagi ang ipinapakita ko. Tapos boses ko lang.
“So, magmi-meet kami. Sa Punchline Comedy Bar ako nagpe-perform.
“Then, nag-chat ako sa kanya, nag-chat siya sa akin, then magmi-meet na kami sa Punchline.
“Nung makita ko siya, kasamahan ko rin pala sa trabaho, si Arnel Tamayo! Nagkagulatan kami!”
Si Arnel ang kapwa comedy-bar performer ni Lassy.