Hindi pa naglalabas ng opisyal na pahayag ang executives ng GMA-7 at Regal Entertainment, Inc. tungkol sa kanilang bagong proyekto, ang TV series na Mano Po.
Ang Mano Po ang isa sa mga successful film franchise ng movie company ni Mother Lily Monteverde at ng kanyang anak na si Roselle.
May nagsabi sa Cabinet Files na may planong umpisahan sa November 15 ang lock-in taping ng Mano Po, pero posibleng magkaroon ng mga pagbabago dahil marami pang dapat ayusin ang production team.
Magkakaroon ng virtual meeting ang mga namamahala sa programa ngayong Huwebes ng hapon, November 11, dahil pag-uusapan nila ang mga gagawin para sa nalalapit na taping ng kanilang kaabang-abang na television show.
Si Ian Loreños ang direktor ng Mano Po: The Series, na mapapanood sa primetime slot ng Kapuso network.
Filipino-Chinese si Ian, na pamilyar na pamilyar sa Mano Po franchise dahil siya ang direktor ng Mano Po 7: Chinoy na ipinalabas sa mga sinehan noong December 9, 2016. Pinagbidahan ito nina Enchong Dee, Janella Salvador, Jean Garcia, at Richard Yap.
Ilan sa napapabalitang artistang tampok sa TV version ng Mano Po ay sina Boots Anson Roa Rodrigo, Maricel Laxa, Sunshine Cruz, David Licauco, Victor Basa, Rob Gomez, Barbie Forteza, at iba pang Kapuso stars.
Ang Mano Po sa telebisyon ang bagong collaboration ng Regal Entertainment Inc. at ng GMA Network Inc., na unang nagsanib-puwersa sa Regal Studio Presents, ang matagumpay na Sunday afternoon drama anthology.