Ang historic at rehabilitated Manila Metropolitan Theater (MET) sa Maynila ang venue ng This Bandang Juans, ang virtual concert sa November 20, 2021 ng The This Band, Bandang Lapis, at The Juans.
Isang karanasan para sa lahat ng mga miyembro ng tatlong kilalang banda ang magtanghal sa MET, dahil sa makulay na kasaysayan ng art deco building na nagbukas noong December 10, 1931.
Mula sa direksyon ng ace director na si Paul Basinillo ang This Bandang Juans at ayon sa kanya, pinili nila ang MET dahil kinakatawan nito ang Pop Culture.
Sinabi ni Paul na Pinoy na Pinoy ang tunog ng mga pinasikat na kanta ng The Juans, Bandang Lapis, at This Band, kaya kahit virtual ang concert, bagay na bagay silang magtanghal sa MET.
Maghapon na kinunan sa MET noong October 28, 2021 ang performances ng mga nagsanib-puwersang banda at masayang-masaya si Paul sa naging resulta.
“Very happy kami na makapag-perform at makapag-show sa isang historical venue especially now that people are craving for a live show.
“This is probably the closest thing that we can do for the bands, performing on a real stage and not in a studio,” ang pahayag ni Paul.
Ang rock band na Wolfgang ang huling nagtanghal sa MET bago ito tuluyang nagsara noong 2012 dahil sa unti-unting pagkabulok ng gusali na sinagip ng National Commission for Culture and the Arts.
Nagsimula ang P270 million restoration sa MET noong 2015, nagkaroon ng soft opening noong June 12, 2021 at pormal na magbubukas sa December 2021.
Ang The Juans, This Band, at Bandang Lapis ang mga bandang unang magtatanghal sa MET at isang karangalan ito para sa lahat ng mga miyembro.
“It’s one of the hottest venues now because kabubukas lang ng MET,” ang sabi ni Carl Guevarra, ang lead vocalist ng The Juans na nagpasikat sa napakaraming kanta tulad ng "Hindi Tayo Pwede," "Istorya," "Atin ang Mundo," at "Pangalawang Bitaw."
“Walang physical audience ang aming concert because during the time we’re shooting this, hindi pa malinaw ang restrictions about the pandemic. But all I can say now, it was done in a beautiful theater with beautiful set-ups.
“Multiple ang set-ups so you could imagine na may main stage pero in all other areas of the theater, na-maximize ni Direk Paul na may mga spot number sa mga area na ‘yon.
"You will be surprised to see a performance sa lobby and other parts of the venue, so it’s like a concert showcasing the MET.”
Nagkuwento rin ng karanasan niya sa shooting nila sa MET si John Macaranas, ang drummer ng This Band.
Ang grupo niya ang nasa likod ng hit song na "Kahit Ayaw Mo Na" na meron nang 106.8 million streams sa Spotify at 50 million accumulated views sa YouTube.
“Ibang-iba yung experience kasi nasanay kami na tumugtog sa mga open na lugar, kaya kailangan namin ng malakas na monitor para lang marinig ang aming mga sarili.
“Pero sa MET, hindi na kailangan [ang malakas na monitor]. Kahit walang mga tao, kapag pumikit ka, ang feeling mo, ang daming nanonood sa’yo.”
Si Lester Abaño ang lead vocalist ng Bandang Lapis, ang biggest break-out band ng 2020.
Gumawa ng ingay ang banda at naging de facto anthem sa mga unang buwan ng pandemya noong nakaraang taon ang kanilang awit na "Kabilang Buhay" na may 50.1 million views ang music video.
“First time ko po na makapunta sa MET pero sobrang saya ko po dahil napakaganda ng lugar.
"Iba rin po yung experience kapag tumutugtog dahil historic ang MET. Masayang-masaya po ako,” ani Lester na natutuwa rin dahil kasama ang kanilang banda sa virtual concert.
Mapapanood ang concert sa November 20, 2021 sa mga streaming platform na KTX.ph, iWantTFC and TFC IP.